Binaril ng hindi pa nakikilalang suspek ang lider-unyon at shop steward ng Coca-Cola Logistics Central and Eastern Visayas na si Bisher Mendoza habang nasa trabaho noong gabi ng Okt. 24.
Kinondena ng Sentro ng mga Nagkakaisa at Progresibong Manggagawa-Food and Beverage Council (Sentro F&B) ang insidente ng pagpatay at ang patuloy na kapabayaan ng kompanya sa proteksiyon ng kanilang manggagawa. Patunay dito ang patuloy pagtanggi ng kompanya na ibalik sa operasyon ang mga delivery service assistants (DSA).
Mahalaga ang papel ng DSA bilang katuwang ng mga drayber sa delivery. Tinitiyak ng mga DSA na maiwasan ang mga aksidenteng dulot ng labis na pagkapagod sa pamamagitan ng pagpasan ng mabibigat na trabaho habang nasa operasyon.
Nakikiisa at nakikiramay ang Institute for Occupational Health and Safety Development sa pamilya at kapwa manggagawa ng biktima.
Hinihimok ng grupo ang Coca-Cola Logistics na managot at tuparin ang responsibilidad nito sa pagprotekta ng kanilang manggagawa. Giit nila ang pagbabalik trabaho sa mga DSA ay hindi lang usapin ng polisiya kundi ito ay usapin ng buhay at kaligtasan.
