Nananatiling walang malinaw na aksiyon ang gobyerno para tugunan ang sitwasyon ng mga Pilipinong seafarer na ipina-deport ng US Customs and Border Protection.
Sa diyalogo noong Nob. 5, lumitaw na higit 150 marino na ang arbitraryong pinauwi ngayong taon, ngunit puro pangako lang ang Department of Foreign Affairs (DFA) at walang kongkretong hakbang sa kaso ng mga marinong Pinoy.
Sa kabila ng paulit-ulit na paalala ng International Seafarers Action Center, bigo umano ang DFA na maglatag ng diplomatikong aksiyon o legal na tulong at ipinapasa na lang ang responsibilidad sa Department of Migrant Workers (DMW).
Bilang tugon sa kawalang pananagutan, nagsagawa ng kilos-protesta nitong Nob. 19 ang mga marino sa harap ng DMW upang igiit ang hustisya at proteksiyon sa paglabag sa kanilang karapatan sa US.
Hinarap nila sina Assistant Secretary Jerome Pampolina at Assistant Secretary Ogie Diaz sa isang diyalogo upang ilahad ang kanilang dinanas at hinamon ang ahensiya na seryosohin ang usapin lalo na’t ‘di makatarungan ang pagtanggal sa kanila ng manning agency.
Nangako naman ang DMW na ipapatawag ang mga ahensiya sa unang linggo ng Disyembre upang makabuo ng resolusyon para maibalik sila sa trabaho at malinis ang kanilang rekord.
