Ang Bayan » SIMReg Law, hiniling na ipatigil sa Korte Suprema


Naghapag ng petisyon sa Korte Suprema ang grupo ng mamamahayag para ipatigil ang pagpapatupad ng SIM Card Registration Law na anila’y lumalabag sa karapatan ng mamamayan at sa gayon ay hindi naaayon sa Konstitusyong 1987. Isinampa noong Abril 17 ng mga myembro ng National Union of Journalists of the Philippines, Bagong Alyansang Makabayan, Bayan Muna, Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas, Kilusang Magbubukid ng Pilipinas at iba pang grupo ang 59-pahinang petisyon. Kasama nila ang kanilang mga abugado mula sa Leflegis Legal Services at National Union of Peoples’ Lawyers.

Alinsunod sa petisyon, nililimitahan ng SIM Card registration ang karapatan sa malayang pagpapahayag at laban sa di rasonableng pagrerekisa at pagkuha ng personal na datos nang nang di dumadaan sa pagkuha ng isang search warrant. Pumapatungkol ito sa awtomatik na pag-transmit ng lahat ng datos na kinakalap sa SIM Card Registration sa mga ahensya ng gubyerno. Sa gayon, nilalabag din ng batas ang karapatan ng mga indibidwal sa due process o angkop na proseso.

Ayon mismo sa petisyon, “di konstitusyunal (ang SIM Registration Law) dahil nilalabag nito ang karapatan sa malayang pagpapahayag sa pamamagitan ng pagpapataw ng isang sistema ng prior restraint (paunang pagpigil); karapatan laban sa di rasonableng “search and seizure” at sa pribasiya sa komunikasyon sa pamamagitan ng panghihimasok sa rasonableng inaasahang pribasiya at iniikutan nito ang rekisito ng isang hudisyal na warrant; at sustantibong nararapat na proseso sa pamamagitan ng panghihimasok sa buhay, kalayaan at propyedad ng mga petisyuner.”

Ang pagtangging ibigay ang impormasyon sa pwersahang pagpaparehistro ay magreresulta sa pilit na pagpapatahimik (enforced silence), dagdag ng mga petisyuner. Epektibo nitong ginagawang suspek ang bawat Pilipino.

Hiniling din ng mga petisyuner na itigil ng mga kumpanya sa telekomunikasyon at National Telecommunications Commsission ang “paggamit, pag-imbak, paglilipat at pagproseso sa lahat ng impormasyong nakalap na sa SIM register at burahin ang lahat ng datos na naipon nito.”

Dagdag na dahilan sa pagpapasuspinde ng batas ang mababang porsyento ng mga subscribers na nagparehistro sa kabila ng napipintong dedlayn nito sa Abril 26. Noong nakaraang linggo, nasa 41% pa lamang ng mahigit 160 milyong SIM ang nairehistro. Ibig sabihin, milyun-milyon ang mawawalan ng akses sa komunikasyon kung ipipilit ang pwersahang pagpaparehistro.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!