Kinundena ng mga demokratikong organisasyon ang sapilitang pagpapatipon at “pagpapasuko” ng 80th IB at mga ahente ng National Task Force-Elcac noong Marso 12 sa mga residente ng 1K2 Kasiglahan Village, Montalban, Rizal. Ayon sa ulat ng Karapatan-Rizal, tinipon ng mga sundalo ang nasa 400-500 residente at sapilitang pinamirma ng “Katunayan ng Pagkakaisa” o katibayan na “sumurender” sila. Tinarget ng militar ang mga kasapi ng Bayan Muna, Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) at lokal na samahang SIKKAD-K3.
Ayon sa Karapatan-Rizal, laman ng dokumentong sapilitang pinapirmahan ang “pag-ako” ng mga residente na sila ay “dating sumusuporta sa CPP-NPA-NDF.” Ayon sa Karapatan-Rizal, malinaw sa mga residente kung saan hahantong ang “pagpapasuko” sa kanila. Sariwa pa sa alaala ng SIKKAD-K3, lokal na organisasyon sa Kasiglahan, ang sinapit ng kanilang mga kasapi na sina Mark Lee Bacasno at Melvin Dasigao, pawang nired-tag ng militar, na pinaslang ng mga sundalo noong Marso 7, 2021 sa ngayo’y binansagang Bloody Sunday Massacre.
Ang pagdadawit sa mga sibilyan sa armadong tunggalian ay labag sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law o CARHRIHL na pinirmahan kapwa ng gubyenro ng Pilipinas at ng National Democratic Front of the Philippines.
Nilabag nito ang Ika-4 na Bahagi, Artikulo 4, Numero 4 ng CARHRIHL: “Ang sibilyang populasyon at mga sibilyan ay itatrato bilang sibilyan at ipag-iiba sa mga mandirigma at, kasama ang kanilang ari-arian, ay hindi maaaring atakihin.” Taliwas din ito sa mga panuntunan ng internasyunal na makataong batas na nangangalaga sa kagalingan ng mga sibilyan sa gitna ng armadong tunggalian.
Bilang agarang pagtugon sa aksyon ng militar at NTF-Elcac, bumisita noong Marso 12 sina Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel, ang mga grupong Citizens’ Rights Watch Network, Karapatan-Southern Tagalog, at iba pang mga grupo sa karapatang-tao. Kinabukasan ay muling naglunsad ng pagtitipon ang mga grupo sa karapatang-tao para magsagawa ng dokumentasyon sa kabuuan ng pangyayari.
Ang Kasiglahan Village ay tinatarget ng NTF-Elcac dahil isa itong pabahay na inokupa ng mga maralita noong 2016. Nakatiwangwang lamang ang mga bahay sa panahon na iyon kaya nagpasya ang mga maralita na angkinin ang mga ito. Matapos ang sama-samang pagkilos na ito, nabuo nila ang grupong SIKKAD-K3.