Hindi natapos sa pagbagsak ng mga bomba noong Araw ng Bagong Taon ang kuwento ng Abra de Ilog sa Occidental Mindoro. Matapos ang pambobomba at istraping sa Barangay Cabacao, nagsimula ang mas matinding pag-atake at putukan ng armas, naratibo at kapangyarihan.
Noong Ene. 5, idineklara ng New People’s Army (NPA) na papanagutin nito ang 203rd Infantry Brigade at 2nd Infantry Division ng Philippine Army kaugnay ng pambobomba at pinsalang idinulot sa mga sibilyan sa Abra de Ilog ayon kay Cleo del Mundo, tagapagsalita ng NPA Southern Tagalog Regional Operational Command.
Sa pagtukoy ng mga yunit at command structure, iginiit ng NPA na ang pambobomba ay bunga ng desisyon at koordinadong operasyon ng militar at hindi isang aksidenteng pangyayari.
Ani del Mundo, “Mismong galing sa bibig ng 203rd Infantry Brigade na strike operation ang inilunsad nila laban sa yunit ng NPA Mindoro.”
Paano tumutugon ang estado kapag ang mga komunidad ay humihingi ng hustisya? Pananagutan ba o pagtatanggi?
Pagtanggi bilang estratehiya
Sa mga sumunod na araw, sa halip na independiyenteng imbestigasyon, itinanggi ng estado ang mga ulat ng pagkamatay ng sibilyan ayon kay Col. Michael Aquino ng 2nd Infantry Division.
Tinawag niyang gawa gawa ang mga alegasyon at inilipat ang diskurso mula sa pinsala tungo sa kredibilidad ng mga naglalantad. “Walang sibilyang namatay,” ani Aquino.
Ang pagtanggi ay nagsilbing estratehiya. Sa pahayag ni Aquino na ang mga ulat ay umano’y nagmula sa mismong lokal na opisyal at mga organisasyon ng kabayaan na nagsasabing walang sibilyang namatay, nabuo ang impresyon ng suporta sa opisyal na naratibo.
Ngunit sa kanayunan, hindi pantay ang kapangyarihan ng armado at sibilyan. May kaakibat na panganib ang pagsasalita at nagiging anyo ng katahimikan ang pag-iingat.
“Isinagawa ang terorismo nang walang pagsasaalang-alang sa kaligtasan at buhay ng mga sibilyan, lalo ng mga residente sa lugar,” sabi ni del Mundo.
Kasabay nito, nilabas ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang tala ng mga sumuko, nahuli at napatay na umano’y rebelde at tagasuporta.
Ngunit sa kanayunan, hindi numero ang dinaranas ng mamamayan. Sa ulat ng International Coalition for Human Rights in the Philippines (ICHRP) matapos ang operasyon, inilarawan ang pagkawala ng ani, pagkasira ng tahanan at pangambang hindi na makabalik sa lupang sinasaka.
Dahil sa pambobomba, mahigit 769 na indibidwal ang puwersahang nawalan ng tirahan at napilitang lumikas sa isang lokal na pamantasan.
Dokumentasyon laban sa katahimikan
Habang pinatitindi ng estado ang pagtanggi, lalong naging mahalaga ang papel ng mga organisasyong pangkarapatang pantao.
Ayon kay Peter Murphy ng ICHRP, nagsisilbing panimbang sa opisyal na naratibo ang dokumentasyon ng mga paglabag sa karapatan. Tinukoy sa mga ulat ang displacement, pagkasira ng kabuhayan at ang patuloy na pagharang sa humanitarian missions at independent observers.
Dahil dito, lalong ikinukubli ang mga kuwento, karanasan at pagdurusang dinadanas ng mga katutubong Mangyan.
Tumingkad ang kaso ni Chantal Anicoche, isang Pilipino-Amerikanong kabataang mananaliksik na napailalim sa kustodiya ng militar. Binatikos din ng ICHRP ang ilegal na detensyon ni Anicoche at ang pagkakait ng access sa abogado at humanitarian support.
Ang kaso’y bahagi ng mas malawak na kalakaran kung saan ang pananaliksik at pakikiisa sa mamamayan sa kanayunan ay itinuturing na terorismo.
Umiigting na tunggalian
Sa halip na humupa, lalong lumantad ang armadong tunggalian matapos ang deklarasyon ng pananagutan. Sa iba’t ibang bahagi ng bansa, lumitaw ang mga ulat ng karahasan na may parehong hulma ayon sa mga pahayag ng NPA mula sa Samar, Northern Samar at Leyte.
Kabilang dito ang pamamaril sa mga magsasaka, patuloy na operasyong militar sa mga baryo at mga aksiyong armado bilang tugon sa sinasabing pasistang panunupil.
Ngunit sa pagitan ng dalawang panig, ang mga komunidad ang patuloy na naiipit. Ang takot ay nagiging normal na bahagi ng araw-araw na buhay. Ang presensiya ng armas ay nagiging pangkaraniwan.
Sa pagtatapos ng Enero, kinumpirma ng Philippine Army ang pagkamatay ng isang indibidwal na tinukoy bilang alyas “Dante” na inilalarawang bilang kasapi ng Sub Regional Committee 5 ng NPA, matapos umanong atakihin sa puso habang iniiwasan ang mga operasyong kombat sa Albay. Hanggang sa panahon ng pagsulat, hindi pa isinasapubliko ang kanyang tunay na pangalan.
Sa hiwalay na insidente, isang indibidwal na tinukoy bilang alyas “Bhem” ang inaresto sa Laguna sa bisa ng arrest warrant kaugnay ng kasong discharge of firearms sa isang operasyong pinangunahan ng pinagsanib na pwersa ng militar at pulisya gamit ang surveillance drone. Hindi rin inilalabas ng mga awtoridad ang kanyang tunay na pagkakakilanlan.
Kasabay ng mga operasyong ito, ipinapakita rin ng datos ng AFP ang lawak ng presensiyang militar sa kanayunan.
Ayon sa militar, mula Ene. 1 hanggang 22, may 27 indibidwal na iniuugnay sa NPA ang umano’y “na-neutralize” sa iba’t ibang bahagi ng bansa, kabilang na rito ang mga sumuko, inaresto at napatay, habang naiulat ang dose-dosenang armas ang nasamsan at ilang kampong nakubkob.
Kanayunan bilang larangan ng eksperimento
Ipinapakita ng nangyayari sa Abra de Ilog at iba pang lugar kung paanong nagiging larangan ng eksperimento ang kanayunan. Dito sinusubukan ang kombinasyon ng armas, impormasyon at takot. At dito rin sinusukat kung hanggang saan kakayanin ng mga komunidad ang militarisasyon.
Habang ipinapahayag ng estado ang kapayapaan sa pamamagitan ng nyutralisasyon, ang kapayapaan para sa mga nasa kanayunan ay nangangahulugan ng kaligtasan, pagbabalik sa bukid at kakayahang magsalita nang hindi natatakot.
Ang deklarasyon ng pananagutan noong Ene. 5 ay nagsilbing mitsa. Hindi nito tinapos ang sigalot kundi inilantad ang lalim ng banggaan sa pagitan ng kapangyarihan ng estado at ng panawagan ng mga naaapi.
Sa gitna ng mga operasyon at pagtanggi, nananatiling bukas ang tanong: Hanggang kailan ituturing ng mga puwersa ng estado na kolateral ang buhay, lupa at kinabukasan ng mga nasa laylayan?
