‘Mahina’ ba ang kabataan?


“You are weak.”

Ito ang sabi ni Senador Robinhood Padilla sa pagdinig sa Senado kaugnay ng panukalang Children’s Safety in Social Media Act. Aniya, noong panahon nila’y hindi uso ang salitang depression at hindi sila iyakin. Ikinumpara niya ang kabataan noon na naglalaro sa kalsada at natutong maging matatag sa kabataan ngayon na madaling magsabing sila’y mayroong depresyon.

“No’ng panahon namin hindi uso yung salitang depression. Hindi ko nga alam ‘yon eh, kung ano ‘yong depression. Ngayon batang maliit, sasabihin ‘I’m depressed.’ Magulo e,” wika ng senador.

Dagdag pa niya, may mga mambabatas na nais higpitan o ipagbawal ang social media para sa mga menor de edad at may panukala siyang itaas sa 16 ang minimum age para magkaroon ng social media account.

Mula sa pagdinig tungkol sa online safety, lumawak ang usapan tungo sa mas malalim na tanong. Mahina ba ang kabataan o mas malinaw lang nilang nauunawaan at napapangalanan ang kanilang nararamdaman?

Mariing tumugon ang Psychological Association of the Philippines (PAP) sa pampublikong pahayag ni Padilla. Ayon sa kanila, ang paglalagay ng mental illness sa kategorya ng kahinaan ay siyentipikong mali at mapanganib sa lipunan.

Ang depresyon at iba pang karaniwang kondisyon sa kalusugang pangkaisipan ay hindi palatandaan ng pagiging marupok o tamad kundi mga kondisyong nakabatay sa ebidensiya at maaaring masuri na hinuhubog ng biyolohikal, sikolohikal at panlipunang salik.

Binanggit din ng PAP na ang paggamit ng salitang kahinaan ay nagpapalaganap ng hiya, nagpapahina sa paghingi ng tulong, at sumasagabal sa pag-iwas at paggamot.

Para sa kanila, hindi patunay ng pagiging mahina ang mas mataas na pag-uulat ng sintomas. Maaaring indikasyon ito ng pagtaas ng mental health literacy kung saan mas maraming kabataan ang marunong kumilala ng sintomas at humingi ng tulong.

Sinusuportahan ito ng datos. Tinataya ng Unicef Philippines na humigit kumulang isa sa bawat walong na nagbibinata, at isa sa bawat 17 bata sa Pilipinas ang may nasusuring mental disorder na kabilang ang depresyon at anxiety. Itinuturing din ng World Health Organization ang depresyon at anxiety bilang kabilang sa mga pangunahing sanhi ng kapansanan sa bansa.

Kung titingnan sa ganitong lente, hindi simpleng usapin ng tibay ng loob ang mental health crisis. Isa itong pampublikong suliranin na may sukat, datos at kongkretong epekto sa buhay ng kabataan.

Mapanganib ang stigma, maling wika

Nagbabala rin si psychiatrist Jules Juen laban sa pagtawag na “weak” sa mga may mental health condition.

“Hindi po natin dapat tawaging ‘weak’ ang isang taong may mental health condition. Kapag itinuturing itong kahinaan, mas lalong tumitindi ang stigma at discrimination. Nababawasan ang paghingi ng tulong at tumataas ang panganib ng self-harm and suicide,” aniya.

Ayon kay Juen, isa sa pinakamalaking hadlang sa paggamot ang stigma. Kapag natatakot ang isang tao na husgahan o maliitin, mas mababa ang tiyansang magbukas siya kahit sa pamilya o doktor.

Inilarawan niya ang mental health crisis bilang tahimik ngunit malubhang krisis na nangangailangan ng malasakit sa loob ng tahanan at suporta mula sa estado. 

“Labanan ang stigma sa loob ng bahay. Palitan natin ito ng naiintindihan kita at valid ang nararamdaman mo,” ani Juen.

Sa hanay ng mga kabataang lider, mariing tinutulan ang paglalagay ng tatak na mahina sa buong henerasyon.

Ayon kay Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Elago, ang depresyon at iba pang suliranin sa kalusugan ay hindi imbento ng bagong henerasyon. Matagal na itong umiiral ngunit nababalot lamang noon ng katahimikan at stigma. Hindi kahinaan ang pag-amin sa mental health problems kundi tanda ito ng tapang at pagkilala sa sariling pinagdaraanan.

Ganito rin ang diin ni Kabataan Partylist Rep. Renee Co, “Totoo ang mental health crisis. ‘Di siya problema ng indibidwal lang. Dapat tugunan ito ng gobyerno kaysa maghugas kamay.”

Para sa kanila, hindi sapat na sisihin ang kabataan o iugnay agad sa social media ang lahat ng problema. Kinakailangan ng mas pinalakas na serbisyong pangkalusugan, mas maraming guidance counselors sa paaralan at mas abot-kayang konsultasyon sa mga komunidad.

Isa sa mahahalagang punto ng PAP ay ang pagkakaiba ng pagdami ng kaso at pagdami ng pag-uulat.

Noong mga panahong hindi pa lantad ang diskurso tungkol sa mental health, maraming kabataan ang tahimik na nagdurusa. Madalas itinuturing itong simpleng pag-arte o kakulangan sa pananampalataya.

Ngayon, mas may akses sa impormasyon ang kabataan. Mas maraming paaralan ang may guidance office at mas maraming pamilya ang nakaririnig ng mga terminong depresyon at anxiety. Ang pagtaas ng bilang ng naiuulat na kaso ay maaaring indikasyon na mas maraming umaabot sa propesyonal na tulong at hindi na nananatiling tahimik.

Hindi rin maikakaila na dumaan ang kabataan sa mga natatanging hamon. Ang pandemya ay nagdulot ng matinding pagkaantala sa edukasyon at panlipunang pag-unlad. Ang kawalan ng seguridad sa trabaho at mataas na gastusin ay dagdag na presyon sa mga pamilya.

Sa huli, naninindigan ang PAP na ang lakas ay hindi ang pagtanggi sa pagdurusang sikolohikal kundi ang pagkilala rito at pagbuo ng mga sistemang nakabatay sa ebidensiya upang tugunan ito.

Sa gitna ng pagtatalo kung mahina ba ang kabataan, isang bagay ang malinaw sa datos at sa mga pahayag ng eksperto: Ang mental health ay hindi usapin ng tibay ng dibdib lang, ito’y usapin ng agham, serbisyo at pananagutan.



Source link