Nagbigay ng pag-asa sa mga pamilya ng mga biktima ng madugong war on drugs ang pagtatapos ng confirmation of charges hearing ng International Criminal Court sa mga kasong crimes against humanity laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte noong Peb. 27.
Para sa mga naulila, ang apat na araw na pagdinig ay mahalagang hakbang upang marinig sa internasyonal na hukuman ang kanilang mga kuwento matapos ang halos isang dekada ng paghihintay sa hustisya.
Ayon kay Llore Pasco, ina ng dalawang biktima ng drug war, wala siyang nararamdamang awa sa dating pangulo. Personal na nasaksihan ni Pasco ang padinig ng ICC sa The Hague, The Netherlands sa tulong ng mga tanggol-karapatan at iba pang non-government organization.
“Noong nag-utos siya na patayin ang mga mahal namin sa buhay, wala namang awa doon. So bakit kami maaawa ngayon na andito na siya sa korte?” ani Pasco.
Dagdag pa niya, matagal at paulit-ulit din umanong itinanggi ang kanilang karanasan bilang mga biktima.
“Inalisan nila kami ng karapatan, parang numbers lang kami. Lagi niyang sinasabi na walang pinatay, na walang pinag-utos. E ano ‘yong libo-libong namatay kung hindi sa kanya nanggaling ang order?” aniya.

Sa loob ng apat na araw na pagdinig, inilatag ng prosekusyon ang mga ebidensiya at argumento upang patunayang may sapat na batayan ang mga sakdal na crimes against humanity na murder at attempted murder kaugnay ng war on drugs mula 2011 hanggang 2019.
Para kay Sheerah Escudero, kapatid ng isa sa mga pinatay at dumalo rin sa pagdinig kasama ni Pasco, mahalaga na naririnig na sa hukuman ang boses ng mga pamilya.
“Para sa amin, talagang na-echo nila ang boses namin. Na-retell nila ang stories ng mga pamilya.” ani Escudero.
Hindi rin naging madali para sa mga pamilya na personal na dumalo sa pagdinig sa The Hague.
“Hindi po naging madali ang pagpunta ng mga pamilya, from fundraising, sa mahabang biyahe, sa pag-adjust sa timezone at pagbabago ng klima. Lahat iyon handa naming tiisin para masaksihan ang confirmation of charges dahil maraming taon na naming ito hinintay,” dagdag niya.
Ayon naman kay Maria Kristina Conti, ICC assistant to counsel para sa mga biktima, nilatag ng prosekusyon ang matibay na ebidensiya sa pagdinig.
“Bukod sa statements, maraming witnesses. ‘Di lang simpleng eyewitness, merong tinatawag na insider witnesses na mismong sa organization ay kayang magsabi na ako’y inutusan at ang nag-utos sa akin ay ito,” paliwanag ni Conti.
Pagkatapos ng apat na araw ng pagdinig sa ICC, may 60 na araw ang Pre-Trial Chamber I upang tukuyin kung may sapat na ebidensiya ang sakdal para umusad ito sa paglilitis.
Habang naghihintay sa pasya ng hukuman, umaasa ang pamilya ng mga biktima na ito na ang simula ngpananagutan para sa libo-libong buhay na nawala sa giyera kontra droga.