Nilalason ng usok mula sa Navotas Sanitary Landfill ang kalusugan ng mga residente sa Navotas City at karatig-bayan dahil sa patuloy na pagbuga ng apoy mula sa ilalim ng mga bundok ng basura mula nitong gabi ng Abril 10.
Bagaman idineklara na ng Bureau of Fire Protection na kontrolado na ang sunog, nananatili pa ring banta ang mapanganib na usok na umabot na hanggang sa mga lalawigan ng Bataan at Bulacan.
Napilitan nang lumikas ang maraming residente mula sa Obando, Bulacan matapos makaranas ng ubo, sipon at lagnat bunga ng paglanghap sa nakalalasong haze, ayon sa ulat ng GMA News.
“Napakabigat. Sana naman ‘yong nangangasiwa ng dumpsite matugunan agad ‘yon para makauwi na kami,” panawagan ng bakwit na si Florentina Garcia sa naturang panayam habang idinadaing ang hirap sa loob ng evacuation center.

Binigyang-diin din ni Arlene Cabrera, pangulo ng Solo Parent Association sa Barangay Salambao sa Obando, Bulacan, ang pinsala sa kalusugan nang sabihin niyang muling nag-trigger ang kaniyang hika dahil sa nalalanghap na lason mula sa dumpsite.
Isinisisi ang sakunang ito sa kapabayaan ng Philippine Ecology Systems Corp. (PhilEco) na bigong sundin ang tamang closure plan o pagtatabon ng lupa matapos ang opisyal na pagsasara ng landfill noong nakaraang taon.
Kasalukuyan nang nagsasagawa ng soil capping o pagtatambak ng lupa ang Department of Public Works and Highways gamit ang mga heavy equipment, subalit itinuturing itong huli na para sa mga pamilyang nagkasakit at napilitang umalis sa kanilang mga tahanan.
Giit ng mga apektadong komunidad, hindi matatapos ang krisis sa paghupa lang ng usok dahil kailangan ding ipataw ang kagyat na pananagutan at sapat na danyos perhuwisyo para sa pinsalang idinulot ng nasabing korporasyon.
