May mga komunidad sa kabundukan na may mga kwento at datos na hindi ibibigay sa FOI ng gobyerno o ng simpleng internet search.
Year 2016 ang unang fieldwork ko sa IBON Foundation para sa research book na Guns Against Needles.
Escalating attacks on community health workers (CHW) ang main topic ng research.
Ang premise, lacking at hindi priority ng gobyerno ang pagbibigay ng accessible public health service sa bansa, lalo na sa mga malalayo at liblib na lugar.
Para punuan, itinulak ng iba’t ibang NGOs at mga religious at people’s organizations ang Community-Based Health Programs (CBHP). Organizing and education ang sentro nito. Volunteers ang mga CHW. Yung iba, mga barangay health workers (BHWs) din naman. May halong alternative medicine gaya ng acupuncture, acupressure, at herbal medicine ang inaaral ng mga CHW—yun din naman kasi ang accessible para sa mga taga-komunidad.
Pero lampas sa pag-provide ng service sa community, holistic ang pagtingin nila sa usapin ng kalusugan. Alam nilang ang pagkakabuo ng CBHP ay dahil sa halos national policy na nga na neglect sa social services, health privatization, lack of budget sa health sector, at iba pa. Kaya kasama sa programa nila ang pagpanawagan ng matinong gobyerno na magbibigay ng maayos at mahusay na serbisyong pangkalusugan.
Kasama rin sa campaigns nila ang karapatan sa kabuhayan at sapat na kita na factors din sa pagiging healthy ng isang individual o pamilya.
Marami sa mga areas ng research na ito ay nasa mga liblib na barangay sa kabundukan – mga komunidad na hindi inaabot ng social services ng gobyerno at may malaganap na kahirapan. Gaya ng Brgy. Tacpao, Guihulngan City, Negros Oriental.
Ang pinakamahirap sa research yung debriefing pagbalik sa opisina. Paano ba pinapagaan ito sa mga ka-opisina mo na naghintay lang naman the whole time ng pasalubong?
Pwedeng magaan lang ang kwento at mag-TMI ako ng pag-LBM ko sa byahe mula Bacolod papuntang Brgy. Tacpao. Suka-tae. No joke. O pwede rin yung paghahanap sa amin ng Mayor ng Guihulngan ng brochure kasi akala niya taga-Avon kami.
Pwede rin yung sa isang FGD, natutunan kong nakaka-high blood ang bulad (dried fish). Lalo na raw kung araw-araw mong ulam. “Bulad na naman!” sabi ng mga tatay.
Pero hindi mapapagaan ng mga anecdotes na ito ang kwento ng mga CHW at ng mga taga-Brgy. Tacpao. Paano papagaanin ang kwento ng CHW na si Rosalie Calago at asawa niyang binaril at sinunog sa bahay nila? Sabi ng mga ka-barangay nila walang nakabangga ang mag-asawa kundi mga militar.
Sa kwento ni Rosalie, nalaman ko na hindi baril ang basehan sa pagtawag na NPA sa isang tao—minsan, kahit acupuncture needle lang.
Sa pagpatay kay Rosalie, nawalan ng madaling malalapitang health worker ang mga ka-barangay niya. Nagdulot din ng takot ang pangyayari sa buong komunidad – noong panahong nagfieldwork kami, takot silang mag-aral ng acupuncture dahil baka maparatangan din sila.
Respondent din ng research si Zara Alvarez, ang naging research and advocacy officer ng Negros Island Health Integrated Program (NIHIP). Nang na-interview namin siya, tuloy-tuloy ang threats at harassment sa kanya at pinaparatangan din siyang NPA.
August 2020, kasagsagan ng lockdown at kapipirma lang ni Duterte ng anti-terror law, binaril ng anim na beses si Zara noong lumabas siya ng bahay para bumili ng hapunan.
Wala pa ring napapanagot hanggang ngayon sa mga kaso ng mag-asawang Calago at ni Zara.
Maliit na bahagi lang ito ng Negros. Marami pang pwedeng pag-aralan at isulat tungkol sa isla. Kaya huwag ka nang magtataka kung bakit may mga researchers, journalists, at advocates na pumupunta sa mga liblib na lugar sa rehiyon.
Dapat lang.






