Uncategorized

Buhay ng kababaihang Kalinga, nakabigkis sa pagtatanggol ng lupang ninuno – Pinoy Weekly

Buhay ng kababaihang Kalinga, nakabigkis sa pagtatanggol ng lupang ninuno – Pinoy Weekly


Inalay ni Beatrice “Betty” Belen ang kanyang buhay sa pagtatanggol ng kanilang lupaing ninuno.

Sa edad na 25, namulat si Belen sa dahilan ng pagpapadala ng militar sa kanilang komunidad.

“Nang maging miyembro ako ng grupo ng kababaihan sa Episcopal Church [in the Philippines], naging mulat ako sa pakikibaka laban sa pagmimina,” aniya.

Mula noon, lumahok na siya sa laban ng komunidad kontra sa militarisasyon na dulot ng Batong Buhay Gold Mines. Nag-opereyt ang Batong Buhay Gold Mines sa Pasil noong dekada 1980. Magkatabing munisipalidad ng Kalinga ang Pasil at Lubuagan.

Nagsara ang minahan ng Batong Buhay matapos ang full blown operation noong 1985. Aabot sa 21,000 ektarya ng palayan sa Kalinga ang napuno ng burak (silted) dahil sa operasyon nito, ayon sa ulat ng Northern Dispatch.

Inalala ni Belen kung paano nilimitahan ng mga sundalo ang kanilang kilos para protektahan ang minahan. “Mahirap na lumalawak ‘yong sinasakop ng mga mining companies kasi lahat pinagbabawal, kahit magtanim sa bundok,” aniya.

Pagsasaka ang pangunahing kabuhayan sa Uma del Norte, ang komunidad ni Belen. Kinukuha nila ang kanilang pagkain at gamot mula sa bundok. Ngayong 55 anyos na, nasa unahan pa rin si Belen ng pakikibaka para ipagtanggol ang kanilang lupain. Hindi siya nag-iisa dahil ginagawa rin ito ng mas nakatatandang henerasyon ng kababaihang Kalinga pati na ng mga nakababata.

Noong dekada 1970 sa ilalim ng administrasyon ni Ferdinand Marcos Sr., tinutulan ng mga komunidad ng Kalinga at Bontoc ang planong pagpapatayo ng apat na malalaking hydroelectric dam sa kahabaan ng Chico River.

Ginunita ni Leticia Bula-at, 77, na noong 1974, may mga lalaking dumating sa kanilang komunidad sa Dupag, Tomiangan, Tabuk para mag-sarbey ng lupa. “Hindi namin alam na sarbey na pala ang ginagawa nila noon,” sabi ni Bula-at sa panayam ng Bulatlat.

Makalipas ang dalawang taon, sinabi niya na kinausap sila ng Philippine National Oil Corporation (PNOC) na pag-aari ng estado na ililipat sila ng lugar para magbigay-daan sa pagtatayo ng dam. Siya’y 28 anyos noon, isang biyuda at ina ng dalawang anak.

Si Leticia Bula-at. Carlo Manalansan/Bulatlat

“Sinabi nila sa amin na lulubog ang aming lugar kapag naitayo na ang dam. Pero huwag daw kaming mag-alala dahil ililipat kami ng lugar,” aniya sa kanilang katutubong wika.

Iginiit niya na hindi pa maunlad ang relocation site noong panahong iyon, kumpara sa komunidad na kanilang sinilangan, kinalakhan at kung saan naipundar na nila ang kanilang sistema at kabuhayan. Nasa ibabang bahagi ng Tabuk ang relocation site kung saan walang mga puno at puro damong kogon lang. “Kaya kami lumaban,” aniya.

Pinasimulan ng mga nakatatanda sa kanilang tribo, kasama ng iba pang tribong maaapektuhan ng pagtatayo ng mga dam, ang isang tradisyonal na kasunduang pangkapayapaan o bodong, para sama-samang labanan ang pagwasak sa kanilang mga komunidad.

Binubuwag nila ang mga kampong itinayo ng pulisya at militar. “Nasa limang beses naming binuwag ang kanilang mga kampo,” ani Bula-at.

Nang magsimulang manghuli at manakit ang mga puwersa ng estado ng mga kalalakihan sa kanilang komunidad, nag-isip ng estratehiya ang mga kababaihan at gumanap ng mahahalagang papel.

“Sa aming kultura, iginagalang ang mga kababaihan. Walang sinumang puwedeng manakit sa amin. Kaya inako ng lahat ng kababaihan sa aming komunidad ang mga posisyon sa konseho, mula sa pagiging pinuno hanggang sa mga miyembro nito. Sa ganitong paraan, maiiwasan namin ang interogasyon ng militar at mga paglabag sa karapatan,” ani Bula-at, sabay dagdag na iniimbestigahan ng mga puwersa ng estado ang mga kalalakihan noong sila ang mga opisyal ng komunidad.

Miyembro ng konseho ng komunidad si Bula-at noon. Sinabi niya na kababaihan din ang nanguna sa mga negosasyon dahil madaling uminit ang ulo ng mga kalalakihan.

“Dahil naniniwala sila na kapag lalaki ang kumausap sa kapwa lalaki, tiyak na hahantong ito sa karahasan. May makakapatay, dadanak ang dugo. Kaya ang mga kababaihan palagi ang namahala sa pakikipag-usap sa mga sundalo,” sabi ni Bula-at sa Bulatlat. “Kung may mga sundalong susubok kumausap pagkatapos naming buwagin ang kampo nila, kami mismo ang humaharap sa kanila.”

Naalala rin niya kung paano nila tinatanggal ang mga patpat o marka na inilagay sa lupa ng na-sarbey na lugar. Umani ng suporta sa labas ng Cordillera ang paglaban sa Chico River dam project at nakapagpakilos ng iba’t ibang mga non-government organization, taong simbahan at bantay-karapatang pantao sa Pilipinas at maging sa ibang bansa. Sa lumalawak na presyur at suporta, umatras ang World Bank sa pagpopondo sa proyekto at iniulat na isinantabi ng gobyerno ang proyekto.

Si Rogyn Beyao ang kasalukuyang secretary-general ng Innabuyog Kalinga, ang lokal na balangay ng Gabriela sa lalawigan. Carlo Manalansan/Bulatlat

Hindi nakakalimutan ng nakababatang henerasyon ang makasaysayang tagumpay laban sa Chico River dam project. Alam ni Rogyn Beyao, 37, mula sa tribong Mabaca, na patuloy na umaagos ang ilog sa mga komunidad ng Cordillera dahil sa sakripisyo ng kanilang mga ninuno.

Sinabi ni Beyao na natatamasa nila ang malinis, libre at sariwang tubig sa kanilang komunidad. “Kaya mahigpit naming tinututulan itong mga tinatawag na developments ng malalaking kompanya dahil ayaw naming dumating ang araw na hindi na libre ang tubig. Dapat din itong manahin ng susunod na henerasyon,” aniya, at idinagdag na sa siyudad, kailangang bayaran ng mga tao ang lahat ng bagay.

Natutuhan din ni Beyao kung paano napabuti ng kolektibong pagkilos ang kanilang buhay. “Napakahirap talaga ng buhay noon. May malalang kakulangan sa mga serbisyo. Walang farm-to-market roads, kuryente o serbisyong pangkalusugan. Kung may emergency, mamamatay na lang ang pasyente dahil inaabot ng maraming oras bago makarating sa siyudad, minsan inaabot pa ng isang araw depende sa bilis ng lakad,” wika niya.

Noong 2001, binuo ng “elders” o mga nakakatanda sa komunidad ang Mabaca Farmers Alluyon. Matapos tukuyin ang kinakailangang serbisyo ng komunidad, nagmungkahi ang organisasyon na magtayo ng isang micro-hydropower project para magsilbi sa buong komunidad. Kasama sa mga bahagi ng proyekto ang kuryente, kiskisan ng palay, irigasyon at pandayan.

Naging operatibo ang 25-kilowatt na micro-hydropower plant noong 2003, at sa unang pagkakataon, nagkaroon ng kuryente ang komunidad. Tumigil ang operasyon nito noong 2017 nang pumasok ang Kalinga Electric Cooperative sa komunidad.

Sinabi ni Beyao na bukod sa problemang mekanikal ng micro-hydropower at mahinang pagmamantini, nagtulak din ang tuminding red-tagging sa kanilang komunidad para magpatakbo ang mga tao ng sarili nilang kiskisan ng palay. Pero ngayon, ayon sa kanya, may hakbang ang barangay council para muling isaayos ang micro-hydropower sa kanilang komunidad.

May kuryente na ngayon ang lahat ng sityo, pero hindi pa rin sementado ang kalsada patungong Balbalan. “Kailangan naming maglakad ng isa hanggang dalawang oras para makarating sa aming komunidad dahil walang kongkretong kalsada papunta sa aming lugar,” dagdag niya.

Tulad ng kanyang mga ninuno, napilitan si Beyao na ipagpatuloy ang pagtatanggol sa kanilang lupain. Noong kabataan niya, nakakakita si Beyao ng mga helikopter na umaaligid sa kanilang komunidad sa Sitio Mabaca, Balbalan, Kalinga. Mayaman sa mineral gaya ng ginto, nikel at tanso ang kanyang bayan sa Balbalan.

“May reserbang ginto sa aming teritoryo kaya maraming mining companies ang interesado sa aming lupain,” sabi ni Beyao. “Takot na takot kami noon dahil nakikita namin itong puting bagay na lumilipad sa aming komunidad. Kinalaunan, nang makadalo ako sa isang porum tungkol sa pagmimina, nalaman ko na aerial mapping pala iyon,” ani Beyao.

Inalala niya na ang Newmont Philippines Incorporated umano ang may planong magsagawa ng exploration activities sa kanilang teritoryo na mariing tinutulan ng mga nakatatanda sa kanilang komunidad.

Isang liblib, bulubundukin at third class na munisipalidad ang Balbalan sa kanlurang bahagi ng Kalinga. Bukod sa mga mineral nito, kilala rin ang Balbalan bilang “lupain ng buhay na katubigan.” Mayroon itong mayamang biodiversity at bahagi ang mga kagubatan nito ng Balbalasang-Balbalan National Park, isa sa pinakamahalagang protected areas sa Cordillera pagdating sa ekolohiya.

Binabagtas ng Saltan River ang munisipalidad ng Balbalan, at tuluyang umaagos sa Chico River ang mga ilog tulad ng Mabaca, kaya naging mayaman ang Balbalan sa mga watershed at malinis na katubigan.

Sa kasalukuyan, tinututulan ng kanyang tribo at mga karatig-komunidad ang 40-megawatt Buaya “Mabaca River” Hydroelectric Power Plant na nasa munisipalidad din ng Balbalan. Iginawad ng Department of Energy ang nasabing proyekto sa JBD Water Power Incorporated (JWPI) na pag-aari ng mga Australyano. Ang parehong kompanya rin ang nagpapanukala sa 49-megawatt Saltan D at Saltan E River Hydroelectric Power Project.

“Nasa loob ito ng teritoryo ng tribong Buaya—ang barangay na katabi namin. Gayunman, nagmumula talaga sa aming lugar ang watershed,” ani Beyao, na nagsabing lulubog ang bahagi ng kanilang komunidad kung matutuloy ang proyekto.

Noong 2023, naghain ng petisyon ang mga miyembro ng tribong Mabaca laban sa hydropower project. Sa iba pang bahagi ng rehiyon ng Cordillera, may iba pang renewable energy projects. Ayon sa Department of Energy, mayroong inaprubahang 13 kontrata sa renewable energy sa rehiyon.

Isa ang Pilipinas sa maraming bansa sa mundo na naglilipat tungo sa renewable energy. Inihayag ng administrasyon ni Ferdinand Marcos Jr. na isusulong nito ang paglipat sa renewable energy at dadagdagan nito ang paggamit ng mga renewable energy source tulad ng hydropower, geothermal, solar at wind.

Nagbunsod din ng mga paglabag sa mga karapatang pantao ang pagtulak sa mga proyektong ito. “Kung saan may proyekto, may idine-deploy na militar,” sabi ni Belen.

Noong Set. 11, 2025, daan-daang sundalo ang dumating sa kanilang komunidad at nagtanong sa mga residente kung puwede silang magpalipas ng gabi sa loob ng kanilang mga bahay. “Baka may exploration sa Batong Buhay mines kaya nandito sila kahit saan,” aniya.

Ayon sa Cordillera Peoples Alliance (CPA), mga Investment Defense Forces umano ng mga mining company sa ilalim ng 5th at 7th Infantry Division ng Philippine Army ang mga sundalong ito.

Naging target ng walang-tigil na panggigipit si Belen, tagapangulo ng Innabuyog-Kalinga, ang lokal na balangay ng Gabriela, dahil sa kanyang patuloy na adbokasiya.

Kinaumagahan ng Okt. 25, 2020, ilang dosenang puwersa ng estado na naka-full battle gear ang dumating sa kanyang bahay at inaresto siya. Nasa bahay noon ang kanyang asawa at mga apo. Inutusan sila ng pulisya na lumabas ng bahay habang naghahalughog sila sa loob at kalauna’y iginiit na nakahanap sila ng mga baril. Kalaunan, naibasura rin ang mga kaso.

Si Beatrice Belen. Carlo Manalansan/Bulatlat

Matapos siyang makalaya mula sa detensiyon noong Peb. 12, 2021, napansin ni Belen ang madalas na surveillance sa kanilang komunidad. “Magkano ba ang CCTV camera?” tanong niya. Sa bahaging ito ng bulubunduking komunidad na dalawang oras ang layo mula sa sentro ng lungsod at may layong 100 metro ang pinakamalapit na bahay, naisip nila ng kanyang mga anak na kailangang magkabit nito para sa kanilang seguridad.

Tulad ni Belen, dumanas din ng iba’t ibang anyo ng panggigipit sina Beyao at Bula-at. Ibinahagi ni Beyao na kinausap ng mga miyembro ng National Task Force to End the Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) ang kanyang mga magulang para patigilin siya sa ginagawa niya.

Sinabi ni Beyao na mas nakaramdam ng presyur ang kanyang ama nang magdaos ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng mga porum kung saan nire-red-tag ang mga aktibista.

“Nag-aalala sila lalo na nang simulan ng mga sundalo na kausapin ang tatay ko para patigilin ako (sa pagiging aktibista). Naiintindihan ng nanay ko ang ginagawa ko pero dahil sa panggigipit, hindi siya makatulog sa gabi,” ani Beyao.

Si Beatrice Belen sa kanilang lupaing ninuno sa Lubuagan, Kalinga. Carlo Manalansan/Bulatlat

Noong 2019, hinarang si Beyao ng mga lalaking nagpakilalang mga tauhan ng militar. Tinangka siyang pilitin ng mga sundalo na kunin ang programa ng gobyerno para sa mga dating rebelde. Noong 2021, kabilang ang kanyang mga magulang at kamag-anak sa 90 katao sa kanilang komunidad na “pinilit ng militar na linisin ang kanilang pangalan” sa paratang na pagsuporta sa New People’s Army, ang armadong yunit ng Communist Party of the Philippines.

Naghain ng writ of amparo sina Beyao at ilan pang pinuno ng CPA noong 2022 ngunit ibinasura ang petisyon. Naghain sila ng motion for reconsideration noong 2023 sa Korte Suprema. Hindi pa nagdedesisyon ang hukuman sa mosyon.

Samantala, minsan ding binisita si Bula-at ng mga lalaki mula sa provincial Elcac. Tinatanong din siya ng mga opisyal ng barangay tungkol sa kanyang mga bisita.

Sa kabila ng mga atake, nananatiling palaban ang tatlong henerasyon ng mga kababaihan sa Cordillera. Ipapakita sa kasaysayan ng rehiyon ang mga katutubong kababaihan sa unahan at sentro ng paglaban sa mga mapanirang proyekto at para sa pagpapanatili ng kanilang sagradong lupang ninuno at pagkakakilanlan.

Bukod kina Bula-at at Belen, nariyan din ang yumaong babaeng mandirigma ng komunidad ng Mainit mula sa Bontoc, Mountain Province, na si Petra “Ina Tannao” Macliing. Pinamunuan ni Ina Tannao ang mga kababaihan ng Mainit sa pagtutol sa mga mapanirang proyekto sa kanilang lupaing ninuno.

Noong dekada 1970, hinubad nila ang kanilang mga damit at kinompronta ang mga inhinyero ng isang mining company na nagbabalak mag-opereyt sa kanilang lupain. Nilusob nila ang mga kampo ng mga inhinyero at itinapon ang kanilang mga suplay para hindi na sila makabalik.

Sina Rogyn Beyao at Beatrice Belen, magkatuwang na ipinaglalaban ang kanilang lupain at mga karapatan. Carlo Manalansan/Bulatlat

Hindi napigilan ni Beyao na mamangha sa kanilang mga ninuno. “Ang mga babae ang nagbibigay-buhay. Nagdadalang-tao sila at nanganganak. Sila rin ang nagbubungkal ng lupa at lumilikha ng pagkain para sa kanilang pamilya at komunidad. Kaya kapag buhay na nila ang nakataya, wala silang takot,” ani Beyao.

Ani Abigail Bengwayan-Anongos, executive director ng Cordillera Women’s Education Action Research Center, Inc. (CWEARC), na sa pananaw ng mga katutubo, magkakaugnay ang lahat. “Isang direktang banta sa buhay ng inyong mga anak at susunod na henerasyon ang pag-atake sa lupa, na siyang materyal na batayan ng inyong pagkakakilanlan.”

Idinagdag niya na kilala ang mga kababaihan sa Cordillera hindi lang sa kanilang tapang kundi pati na rin sa kanilang pamumuno. “Maraming maliliit na tagumpay sa antas pa lang ng mining exploration—may mga proyektong nahinto na doon. Sa katimugang Benguet, sa Itogon, kung saan may higit 50 taon nang open-pit mining ang Benguet Corporation, malaki rin ang naging papel ng mga kababaihan sa pamumuno, pagpapakilos at pag-oorganisa ng kapwa kababaihan, madalas nang biglaan at sa sarili nilang inisyatiba,” dagdag niya.

Sinabi ni Bengwayan-Anongos na ginawa rin ng mga lalaki ang kanilang bahagi. “Sa tingin ko, talagang nangunguna ang mga babae pagdating sa mga pakikibaka sa karapatan sa lupa, pero ginawa nila iyon kasama ang mga lalaki.”

“Palaging resiprokal at komplementaryo ang mga tungkulin. Sa mga katutubong komunidad, hindi mahigpit na nakakahati ayon sa kasarian ang mga gawain ng lalaki at babae; bagkus, pinupunan nila ang isa’t isa,” sabi ni Bengwayan-Anongos, sabay dagdag na ang pagpapalaki ng anak, halimbawa, ay hindi lang papel ng ina.

“May mga responsibilidad din ang mga ama. Sa lipunan ng Cordillera, marami kang makikitang lalaki na kalong ang mga sanggol sa kanilang likod o harapan, tulad ng ginagawa ng mga ina. Maaaring mas malinaw ang takdang gawain pagdating sa trabaho, lalo na sa mga komunidad ng mga katutubong magsasaka,” aniya.

Carlo Manalansan/Bulatlat

Pero sinabi ni Bengwayan-Anongos na dominado pa rin ng mga lalaki ang mga tradisyonal na estruktura ng mga katutubo tulad ng Ato sa Mountain Province o Dap-ay sa Sagada at ang sistemang Bodong. “Halimbawa sa Bontoc, karaniwang limitado sa pinakamatandang lalaki sa bahay ang pagiging miyembro sa Ato. Pero hindi ibig sabihin na hindi na sila (mga babae) bahagi sa pagdedesisyon. May mga pagtitipon kung saan kaya nilang magsalita kapantay ng mga lalaki.”

Ganito rin sa pagtatanggol ng karapatan sa lupa, ayon kay Bengwayan-Anongos, resiprokal at komplementaryo ang mga tungkulin ng babae at lalaki. “Sa maraming kaso, lalo na kapag nagdedeploy ng pulisya, puwersang militar, o mga tauhan ng kompanya, mas kalmado at mas nag-iisip nang maayos ang mga babae,” ani Bengwayan-Anongos.

Sa pakikibaka sa dam sa Chico River, malikhain at maparaan ang mga kababaihan. “Halimbawa, pinilit nila ang mga awtoridad na palayain ang mga ikinulong sa baraks ng militar. Nagpakilos ang mga babae at pilit na nakipag-usap sa mga sundalo. Dahil sa kanilang pagiging mapilit at hindi pagsuko, kalaunan ay pinalaya ng mga sundalo ang mga nakakulong.”

“Sa pangkalahatan, resiprokal at komplementaryo ang kanilang mga papel, walang mas nakatataas sa isa,” sabi ni Bengwayan-Anongos.

Ang weir o ang mababaw na dam ng Upper Chico River Irrigation Project sa Bado Dangwa, Tabuk City. Carlo Manalansan/Bulatlat

Sa nalalabing panahon ng kanyang buhay, inilalagak ni Bula-at ang kanyang pag-asa sa mga nakababatang henerasyon na ipagpatuloy ang pagtatanggol sa lupain.

“Naibigay na namin ang aming ambag [noong kabataan namin], tungkulin na ngayon ng mga nakababata na ituloy ito,” wika niya. Maaaring may mga pag-atras, aniya, pero hinihikayat niya ang mga nakababatang henerasyon na tumuon sa mga positibong tagumpay.

Tinanggap ni Beyao ang hamon. “Moral na obligasyon namin na patuloy na protektahan ang lupain para sa susunod na henerasyon,” sabi niya sa Bulatlat.

Sinabi ni Beyao na hindi lang nagmumula ang inspirasyon sa maliliit na tagumpay na nakamit nila sa mahaba at mahirap na pakikibaka para sa sariling pagpapasya, kundi pati na rin sa pagkakita sa mga babaeng lider na patuloy na lumalaban kasama nila kahit pa may edad na.

“Sa kabila ng mga pinagdaanan nila, nandito pa rin sila, patuloy sila. Isa silang inspirasyon,” ani Beyao, patungkol kina Bula-at at Belen. /Unang nailathala sa Bulatlat sa tulong ng Asia Pacific Forum on Women, Law and Development – Feminist Media Fund for Alumni. Isinalin sa Filipino ni Jeoff Larua.



Source link

Pinoy Weekly
Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Stay Connected

The PinoyAbrod Daily Brief — in your inbox every morning