Hala! Ilang linggo na lang at balik-eskuwela na ang mga bata. Sunod nito ang ‘di nalulumang tanong sa sanaysay ng mga estudyante: Ano ang ginawa mo ngayong bakasyon?
Para sa mga bata at magulang na naghahanap pa ng sulit na aktibidad at safe sa matinding tag-init, narito ang ilang puwedeng gawin:
Masining na pagtatanghal at aktibidad sa National Heritage Month
Dahil ipinagdiriwang ang National Heritage Month ngayong Mayo, may iba’t ibang nakaabang na aktibidad para sa publiko ang National Museum, National Commission for Culture and the Arts at iba pa. Sundan lamang ang kanilang mga Facebook page: fb.com/nationalmuseumofthephilippines at fb.com/NCCAOfficial para sa mga anunsiyo, o kaya’y hanapin ang #NationalHeritageMonth sa mga tag sa Facebook at Instagram.
Halimbawa na ng libreng pagtatanghal ang magaganap na libreng pagtatanghal ng “Si Kenkoy at ang Dalagang Bukid” sa Mayo 22, Biyernes ng 6:00 p.m. sa Paco Park, Maynila.

Kawangis art portrait na puwede sa bahay o sa park
Ito naman ang masining na aktibidad kung nais manatili sa bahay o umiwas sa dagsa ng mga tao sa mga okasyon.
- Kumuha ng mga retaso o mga ‘di nagagamit na makulay na papel, pandikit at mga gunting.
- Pumili ng kasama sa aktibidad. Puwedeng dalawang magkalaro, isang grupo, o kahit pa mga magulang at mga anak. Ang mahalaga, may ibang mukha kang titingnan.
- Gamitin ang isang buong piraso ng makulay na papel bilang base. Dito ididikit ang gugupitin na mak ayon sa iba’t ibang bahagi ng mukha ng kasama. ‘Wag matakot mag-eksperimento sa kulay at hugis!
- Isipin ang paboritong katangian ng tao na gagawan mo ng portrait at magdagdag ng iba pang mga hugis at elemento. Maganda kung sabay kayo gumagawa ng sining.
- Sa dulo, ipakita sa isa’t isa o sa grupo ang kinalabasan na sining. Ipaliwanag ang naging konsepto at iregalo sa isa’t isa.

Pagkatuto labas sa paaralan
Bilang panghuli pero ‘di magpapahuli na suhestiyon: maiging magpaturo ang mga bata ng isang gawain o likha sa sinumang nakatatanda sa bahay. Tanungin sina mama’t papa, lolo’t lola, mga tito, tita, ninong at ninang.
Ano ba ang paborito nilang lutuin? Magpaturo nito sa kanila para busog ang tiyan at ang puso sa palitan ng ideya.
Ano ang kinagigiliwan nilang gawain? Magpaturo ng pananahi, pagkuha ng retrato, pagkumpuni ng mga kagamitan at iba pa. May bago ka nang kaalaman, may kuwentuhan pa.
Ano ang paborito nilang mga laro noong pagkabata? Dagdag puntos kung hahamunin sila sa paligsahan ng piko o jackstone. Mas masaya ang hapon kung sasabayan ng tamis ng tagumpay!
At sa mga magulang o ate’t kuya na nagbabasa nito, maigi maging mahinahon at puno ng pasensiya. Kung maraming tanong ang mga bata, baka dahil ito sa gahigante nilang pagkamangha sa kuwento at kaalaman ng mas nakatatanda.
