MIGRANTE INTERNATIONAL STATEMENT
June 4, 2026
Bigo ang hangarin ng pasistang rehimeng Marcos Jr. na makaupo at maging kabilang ang Gobyerno ng Pilipinas sa UN Security Council (UNSC), isang makapangyarihang grupo sa United Nations na may tungkulin na itaguyod ang pandaigdigang kapayapaan at seguridad. Ngayong araw, hindi ito nagtagumpay na makapwesto sa UN Security Council para katawanin ang rehiyon ng Asya-Pasipiko. Napunta ang mayorya ng boto (142 boto) ng mga member-states ng United Nations sa bansang Kyrgyzstan.
Bigo ang kampanya ng administrasyon ni Marcos Jr. na ipamalas sa buong daigdig ang pagiging ehemplo nito sa pagtataguyod ng karapatang pantao at kapayapaan. Matinding kahirapan at karahasan, hindi kapayapaan ang araw araw na dinaranas ng mamamayang Pilipino, lalo na sa hanay ng mga mahihirap na sektor sa ilalim ng gobyerno ni Marcos.
Ipinagkakait nito sa milyon milyong Pilipino ang disenteng trabaho, nakabubuhay na sahod, abot kayang presyo ng pagkain at batayang bilihin, maunlad na panlipunang serbisyo at proteksyon, hustisya at tunay na kaunlaraan. Kinakanlong at hinahayaan ang mga korap na opisyales sa gobyerno na dambungin ang kabang bayan. Ibinukas at ibinibenta ni Marcos ang ating likas yaman, lakas paggawa ng ating mamamayan, at ang ating kasarinlan sa mga dayuhan at malalaking kapitalista.
Maging sa hanay ng mga OFW at migranteng manggagawa na nakakaranas ng matinding pagsasamantala, diskriminasyon at pang-aapi sa labas ng bansa ay hindi nakakatamasa ng serbisyo, proteksyon at hustisya sa ilalim ng gobyerno ni Marcos.
Madugo ang rekord ng gobyerno ni Marcos dahil sa malawakang paglabag ng karapatang pantao ng mamamayang Pilipino at pandaigdigang makataong batas na kamakailan lamang ay nailantad sa pag masaker ng AFP sa 19 na indibidwal at pananakot sa mga komunidad ng mga magsasaka sa Negros Occidental nitong Abril.
Itinuloy ni Marcos Jr. ang mga pasistang patakaran ni Duterte na layon maghasik ng lagim sa buong bansa at patahimikin ang mamamayan na lumalaban para sa kanilang karapatan. Sa pamamagitan ng kanyang National Action Plan for Unity, Peace, and Development (NAP-UPD), isang kontra-insurhensyang programa, laganap ang mga kaso ng sapilitang pagdukot, pagpatay, pag aresto at pagsampa ng mga gawa gawang kaso.
Ang pagsisikap ng Gobyerno ng Pilipinas na makaupo sa UN Security Council ay bahagi ng plano ng Estados Unidos na isulong ang imperyalistang agenda nito. Nangangayupapa ang rehimeng Marcos sa Estados Unidos, ang pangunahing lumalabag sa karapatang pantao ng mamamayan ng daigdig at yumuyurak sa ating soberanya at maraming bansa na lumalaban para sa kanilang kasarinlan.
Sunud sunurad ang gobyerno ni Marcos sa utos ng kaniyang imperyalistang amo na gawing isang malaking base militar ng US ang buong Pilipinas, dagdagan ang pagtatayo ng mga pasilidad ng Estados Unidos sa iba’t ibang bahagi ng bansa, dagdagan ang badyet ng AFP para maging sundalo ng gyerang agresyon ngat maging lunsaran ang ating bansa ng regular na ehersisyong militar na naglalagay sa panganib ang buhay, kaligtasan at kabuhayan ng mamamayang Pilipino.
Nararapat na panagutin ng taumbayan si Marcos Jr. sa kanyang pahirap, korap, pasista at tuta na gobyerno!
#
