Pay later – Pinoy Weekly


Umiikot sa scholarship ang buong buhay-estudyante ko. Mula elementarya hanggang kolehiyo, walang inilabas na pera ang magulang ko para sa pag-aaral ko. Walang inaabot sa akin bukod sa baon. 

Kaya simula noong senior high school, natuto akong magkaroon ng mga “side quest.” Naging tutor ako ng mga kaklase o mga pinsan ng kaibigan ko.

Masaya magkaroon ng sariling pera, nabibili ko gusto ko dahil puwede ko namang i-pay later. Nakakapunta rin ako sa mga K-pop concert isa o dalawang beses sa isang taon. Nauna akong magkapera, bago matutunan kung paano humawak nito.

Noong una akala ko sapat na may extra para tuloy-tuloy kong pondohan itong lifestyle na meron ako. Nawala sa isip ko ang dami ng bayarin sa pag-aaral kahit pa state university ka mag-aral. Nariyan ang mga merchandise sa kolehiyo na madalas mandatory, badyet para sa printing ng files na kailangan ipasa, at kung ano-ano pang patong-patong na bayarin. Kahit pa kasi libre ang matrikula, hindi ibig sabihin wala kang ilalabas na pera. 

Kaya sa’ming magkakaibigan, ang unang ginawa nang tumtungtong sa edad na 21: i-apply ang mga account sa mga “pay later” na benepisyo ng mga online shopping site o loan credit sa mga e-wallet. Bukod kasi sa voucher, hindi mo agad kailangan ng pera, puwede mo munang pag-ipunan kahit gamit mo na.

Kaso, minsan hindi na namamalayan na totoong pera pala yung ginagastos online dahil mukhang points lang kapag nasa e-wallet.

Pero kahit pa ganito, ‘di hamak na mas madali ang proseso sa mga online shopping app kaysa kumuha ng scholarship sa opisina. Masarap lang pakinggan na makakakuha ka ng P5,000 tuwing bigayan, pero lugi ka sa proseso.

Pitong oras ka pipila hawak ang queue number at pabalik-balik ka sa mga opisina para sa Certified True Copy ng Grades, Indigency, Duly Notarized Affidavit of Low Income mula sa Bureau of Internal Revenue, at kung marami pang iba. Pagkatapos ng ilang linggong lakaran, aba, puno na raw ang slots.  Kumpara sa pay later na minuto lang o ilang ID verification lang may credit score ka na.

‘Di na ito bago, lalo na’t mas pinadadali ang pag-utang na kaysa ang pagkakaroon ng mga polisiya at proyekto sa gobyerno na totoong nakakaginhawa. Kaya uutang ulit ako para may panggastos. Parte na ito ng pagkamulat—ang hirap tanggalin sa sistema kasi kahit itong bansa, bayad-utang at baon sa utang. 

Ang hirap lumapit sa mga ahensiya na susuporta sa pag-aaral ko bilang iskolar ng bayan. Sa pay later, may shortcut naman pero kawawa ka kalaunan.

Kung sana naituro sa paaralan paano ang tamang paghawak ng kakarampot na pera, bago maging manggagawang Pilipino. Makakatulong kaya kung may mga programa para sa financial literacy o kung paano ba gumastos para hindi umaasa sa pay later o mga online casino?

Pero hindi naman talaga lahat matututuhan sa paaralan. Halimbawa na nito ang pagtuligsa sa sistemang kinamulatan.

Kung tutuusin, may P164,000 ang utang ng bawat Pilipino dahil sa P18.49 trilyong utang ng gobyerno. Sayang at P40,000 lang credit limit ng “buy now, pay later” ko, iaambag ko sana para makabayad dito.




Source link