Bakit gustong patalsikin ng mga Boliviano ang kanilang pangulo? – Pinoy Weekly


Nagliliyab ang mga protesta sa kalye ng La Paz, ang pampolitikang kabisera ng Bolivia, isang bansa sa Amerika Latina. Libo-libong mga manggagawa, magsasaka, guro, katutubo at mga minero ang nagmartsa patungong kapitolyo para ipakita ang kanilang pagkadismaya sa kanilang bagong halal na pangulo na si Rodrigo Paz sa paghawak sa kanilang nararanasang krisis pang-ekonomiya at manawagan ng kanyang pagbibitiw. 

Sa pangunguna ng Central Obrera Boliviana (COB), ang kanilang protesta ay kumalat sa iba’t ibang siyudad at kalye kung saan nagsagawa ng mga blokeyo ang mga nagpoprotesta papasok at palabas ng mga pangunahing siyudad. Marahas naman na sinusupil ng puwersa ng pulis at militar ang mamamayang nagpoprotesta.

Blokeyo ng mamamayang Boliviano para igiit ang pagbaba sa pagkapangulo ni Rodrigo Paz. Central Obrera Boliviana/Facebook

Noong Mayo 16, nagpadala si Paz ng 3,500 puwersa sa paligid ng La Paz para tanggalin ang mga harang at pigilan ang mga blokeyo. Gumamit din ng mga tear gas ang pulisya at mahigit isang daang katao na sa buong bansa ang inaresto, habang sinampahan naman si Mario Argollo, ang secretary general ng COB, ng  inciting crime at possibleng dagdagan pa ng kasong terorismo. 

Inakusahan din ng administrasyong Paz ang dating pangulo na si Evo Morales na isa rin sa nangunguna para pabagsakin ang kanilang gobyerno. Bagaman mariing itinanggi ni Morales ang akusasyong ito, sinusuportahan naman niya ang mga nagpoprotestang kababayan at ang kanilang mga panawagan.

Nag-abiso na rin ang iba’t ibang embahada sa Bolivia na mag-ingat ang kanilang mga mamamayang naninirahan sa nasabing bansa na mag-ingat dahil sa kaguluhan. Nagpapatuloy pa rin ang mga protesta at sigalot habang isinusulat ito.

Si Mario Argollo, executive secretary ng Central Obrera Boliviana, isa sa mga namumuno ng kilusang protesta laban sa gobyerno ni Rodrigo Paz. Central Obrera Boliviana/Facebook

Nasindihan ang protesta sa Bolivia sa ilalim ni Paz matapos siyang maglabas ng kautusan o Decree 5503 na nagtatanggal ng fuel subsidies noong Disyembre 2025. Agarang naging epekto nito ang halos pagdoble ng presyo ng langis.

Sa halos dalawang dekada sa ilalim ng Movimiento al Socialismo (MAS), ang sosyalistang partido nina Morales at ni dating Pangulong Luis Arce, ang gobyerno ng Bolivia ay nagbibigay ng subsidyo, kaya napapanatiling mababa ang presyo ng langis. 

Inatras kalaunan ni Paz ang nasabing dikreto matapos ang malawakang protesta at general strike sa buong bansa noong Disyembre 2025 hanggang sa unang bahagi ng Enero 2026.

Isa pang neoliberal na patakaran na nagdulot ng galit uli ng mga Boliviano ay ang Law 1720, na layunin umano’y gawing “moderno” ang sektor ng agrikultura sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa mga magsasaka na pagsamahin ang kanilang maliliit na lupain sa mas malalaking negosyo. 

Protesta ng kababaihang katutubo sa La Paz, Bolivia noong Mayo 27, 2026. Central Obrera Boliviana/Facebook

Para sa mga katutubo at magsasaka, ito ay direktang banta sa kanilang pamumuhay at kultura. Wika ni Oscar Cardozo, lider ng unyon ng mga magsasaka, “Ang aming buhay ay kolektibo, hindi indibidwal. Ang lupa ay dapat igalang, hindi ito ipinagbibili.” Matapos ang malawak na pagtutol, pinalitan na ang batas, ngunit hindi nito pinatahimik ang mga nagpoprotesta. 

Isa pang nagpapasidhi ng galit ng mga Boliviano ay ang inilunsad na giyera ng United States (US) at Israel laban sa Iran na nagtulak sa mas mataas na presyo ng langis at epekto sa presyo ng pangunahing bilihin at serbisyo.

Umaasa ang Bolivia sa inaangkat na langis at humaharap sila sa kakapusan sa reserbang dolyar na humantong sa mahahabang pila sa mga gasolinahan at pagrarasyon ng gasolina. Umabot naman sa 14% ang inflation rate ng nasabing bansa.

Si Rodrigo Paz Pereira, pangulo ng Bolivia, na binaliktad ang mga reporma ng mga nagdaang sosyalistang administrasyon nina Luis Arce at Evo Morales. Rodrigo Paz Pereira/X

Si Rodrigo Paz Pereira, 58 taong gulang, ipinanganak sa Espanya at nag-aral sa American University sa Washington, D.C. sa US. Siya ay anak ng dating pangulo na si Jaime Paz Zamora. Siya ay naging diplomat, alkalde at senador. Itinuturing ang kanyang pampulitikang posisyon bilang center-right. 

Tinalo niya sa pagkapangulo ang kanyang karibal na si Jorge Quiroga, isa ring makakanan na politiko at dati na rin naging pangulo ng Bolivia. Hindi naman lumahok sa eleksiyon si Arce ng MAS dahil sa internal na krisis ng kanilang partido.

Malinaw ang tindig sa pang-ekonomiyang usapin ni Paz, “Capitalism for All.” Malayo ito sa postura ng kanyang hinalinhan na MAS na may sosyalistang prinsipyo. Malapit din siya sa US.

Sa katunayan, bago ang kanyang inagurasyon, pumunta si Paz sa US at nakipagpulong kay US State Secretary Marco Rubio para sa muling pagbubukas ng relasyon ng dalawang bansa. Isa sa kanilang unang resolusyon ay ang muling pagbubukas ng Bolivia sa US Drug Enforcement Administration (US DEA).

Pawang pagbabalik ng patakarang neoliberal ang tunguhin ng administrasyong Paz, tulad na lang ng fiscal austerity o pagbabawas ng gastos ng gobyerno ng halos 30%, pribatisasyon ng pampublikong pag-aari, paghikayat sa dayuhang pamumuhanan, at iba pa.

Suportado naman ng US President Donald Trump at iba pang makakanan at konserbatibong rehimen sa Amerika Latina, tulad nina Javier Milei ng Argentina, Daniel Naboa ng Ecuador at iba pa, ang pamahalaan ni Paz, sa kabila ng kaliwa’t kanang panawagan sa kanyang pagbibitiw sa puwesto.

Samantalang ang kanyang pangalawang pangulo at naging running mate na si Edmund Lara ay unti-unting dumidistansiya at bumabatikos na rin kay Paz dahil sa kanyang pagtugon sa nararanasang krisis.

Isang peryodista ang nawalan ng malay dahil sa marahas na dispersal ng pulisya at militar sa protesta ng mamamayang Boliviano laban sa gobyerno ni Rodrigo Paz noong Mayo 18, 2026. Central Obrera Boliviana/Facebook

Ngayong Mayo, ang mga protesta’y lumago sa isang buong pambansang welga na pinangungunahan ng COB, ang pinakamalaking pederasyon ng mga unyon sa bansa.

Noong Mayo 14, umalingawngaw ang maliliit na pagsabog sa La Paz habang nagdadala ng dinamita ang mga minero. Sinubukan ng ilang demonstrador na pumasok sa Plaza Murillo, ang sentro ng kapangyarihan ng pamahalaan. Tinugon ng mga pulis ang mga ito ng luha na gas.

Ang mga pangunahing kahilingan ay pagbibitiw ni Paz na tinutukoy ng mga demonstrador bilang isang “traydor at walang kakayahang pamahalaan,” 20% pagtaas ng minimum na sahod na kasalukuyang nasa BS3,300 o $478 kada buwan habang ang implasyon ay nasa 15%, pagtigil sa pribatisasyon ng mga kompanyang pag-aari ng estado, at pagbabalik ng mga subsidyo sa gasolina o sapat na kabayaran para sa pagtaas ng presyo

Naglabas na ng pahayag ang pamahalaan na hindi nagbibitiw si Paz. Malinaw na sinabi ni Public Works Minister Mauricio Zamora, “Ang pangulo ay hindi magbibitiw.”

Dahil sa mga protesta, napilitan ang pamahalaan na makipagdiyalogo. Nagpulong ang isang pangkat ng 20 minero sa palasyo ng pangulo at sinabi ng Economy Minister Jose Gabriel Espinoza na ang pamahalaan ay “bukas sa usapan.”

Ang ilang konsesyon ay nagawa na rin tulad ng pag-aalis ng Batas 1720, ngunit hindi pa sapat upang papayapain ang mas malawak na kilusan.

Marahas na dispersal ng pulisya at militar sa protesta ng mamamayang Boliviano laban sa gobyerno ni Rodrigo Paz noong Mayo 18, 2026. Central Obrera Boliviana/Facebook

Muling nagliliyab ang Bolivia. Bagama’t humina ang MAS dahil sa internal na krisis at kahinaan, para sa mamamayang Boliviano, hindi natatapos sa eleksyon ang laban.

Nasa dugo na ng mamamayang Boliviano ang paglaban sa mga neoliberal na patakaran at panghihimasok ng dayuhang kapangyarihan, at mahaba na ang kasaysayan nila dito.

Dumating si Paz na may pangakong aayusin ang lahat, ngunit sa alam niyang paraan ng neoliberal na “solusyon” at pasismo. Ngunit sinagot ito ng mamamayan sa pamamagitan ng pagmartsa, blokeyo at sama-samang pagkilos.

At sa pamamagitan din sa mga pagkilos na ito, muling sinusubukang buhayin ang isang makabagong progresibong partido ng mga manggagawa, magsasaka, mga katutubo at iba pang mga grassroot na mga samahan at institusyon, na hindi umaasa sa mga personahe lamang at itataguyod ang tamang landas ng pagbabago mula sa kanilang perspektiba.



Source link