Dakilang Kapistahan ng Kabanal-banalang Katawan at Dugo ng Panginoon (Corpus Christi) – Deuteronomio 8:2-3, 14b-16a | Salmo 147 | 1 Corinto 10:16-17 | Juan 6:51-58
Nitong mga huling parte ng taong 2025, nag-trend ang isang kanta ng Pinoy alternative rock band na fitterkarma. Nakilala ang banda sa kanilang mga kantang tumatalakay sa matinding pagkagumon sa pag-ibig, debosyon sa iniibig at mga suliranin ng damdamin na hinuhugot nila mula sa imahinasyong Pilipino tungkol sa horror at gore.
Sa kanilang kantang “Pag-ibig ay Kanibalismo II,” tila may POV ng magkasintahang kanibal. Dito nila ipinapahayag ang isang all-consuming love para sa iniibig: isang pagnanais na maging bahagi ng isa’t isa. Isang pag-ibig na parang nais ubusin, kainin nang lubos, nang walang matira, upang tuluyang maging bahagi mo ang taong mahal mo.
At bakit ba natin pinag-uusapan ang imahen ng kanibalismo o ang pagkain ng laman ng kapwa tao? Sapagkat isa sa mga pinakanakakaeskandalo at pinakamadalas hindi maunawaan sa Kristiyanismo ang sinabi ni Hesus sa ating Ebanghelyo ngayon sa Dakilang Kapistahan ng Kabanal-banalang Katawan at Dugo ng Panginoon, “Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay na bumaba mula sa langit. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan.”
Hindi nakapagtatakang nagtalo-talo ang mga Hudyo. Para sa kanila, tulad marahil ng reaksiyon ng marami sa atin ngayon, tila imposible at nakagigimbal ang sinasabi ni Hesus. Paano magiging pagkain ang Kanyang laman? Paano iinumin ang Kanyang dugo?
Mas lalo pang tumitindi ang pahayag ni Hesus sa orihinal na wikang Griyego ng Ebanghelyo. Sa simula, ginagamit ang “phago” na karaniwang nangangahulugang “kumain.” Ngunit habang nagpapatuloy ang kanyang diskurso, lumilipat Siya sa salitang “trogo” na ang literal na kahulugan ay “ngumuya” o “kumain nang pisikal.” Hindi Niya pinapalambot ang Kanyang sinasabi upang gawing simboliko lang. Sa halip, lalo Niya itong ginagawang kongkreto.
At dito marahil natin mas mauunawaan kung bakit napakalakas ng imahen ng pagkain sa usapin ng pag-ibig. May isang bagay na nahahawakan ng “Pag-ibig ay Kanibalismo II,” ang tunay na pag-ibig ay hindi kuntento sa distansiya. Kapag umiibig tayo, nais nating mapalapit sa minamahal. Nais nating maging bahagi siya ng ating buhay at tayo ng kanyang buhay. Sa matindi at nakakagimbal na imahen ng kanta, ang pagnanais na ito ay inilalarawan bilang pagkain sa minamahal upang tuluyang maging isa.
Walang tunay na pakikipagniig kay Kristo kung walang pakikipagniig sa kapwa. Ang pakikibahagi sa Katawan ni Kristo ay nangangahulugan ding pakikibahagi sa buhay ng kanyang katawan na siyang Simbahan.
Ngunit kung akala natin ay sukdulan na iyon ng pag-ibig, mas radikal pa ang iniaalok ni Hesus sa Ebanghelyo. Hindi lang Niya sinasabing mahal Niya tayo. Hindi lang Siya nagbibigay ng mga aral tungkol sa pag-ibig. Ibinibigay Niya ang Kanyang sarili. Ang Kanyang katawan at dugo ay nagiging pagkain upang manatili Siya sa atin at tayo sa Kanya.
Ang hinahanap ng tao sa Kanyang mga awit, tula at kuwento ng pag-ibig—ang lubos na pakikipag-isa sa minamahal—ay natatagpuan ang kaganapan nito kay Kristo. Sapagkat sa Eukaristiya, hindi tao ang naghahangad na angkinin ang Diyos; ang Diyos mismo ang gumagawa ng paraan upang makipagkaisa sa tao.
Upang mas maunawaan natin ang kahulugan nito, dumako tayo sa Unang Pagbasa mula sa Deuteronomio. Sa ilang, pinakain ng Diyos ang kanyang bayan ng manna, isang himalang tinapay mula sa langit para sa mga taong pagod, gutom at walang katiyakan sa kanilang kinabukasan. Gayunpaman, hindi iyon ang hantungan ng kanilang paglalakbay. Ang manna ay tanda lang ng mas dakilang kaloob na darating.
Kinain ng Israel ang manna, ngunit nangamatay pa rin sila. Sapagkat ang manna ay nagpapanatili ng buhay; ang Eukaristiya naman ay nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Ang manna ay tumutugon sa gutom ng katawan; ang Katawan ni Kristo ay tumutugon sa pinakamalalim na gutom ng tao—ang gutom para sa kahulugan, pag-asa, pakikipag-ugnayan at kaligtasan.
Kaya nga umaawit ang salmista, “Purihin mo, Jerusalem, ang Panginoong butihin.” Pinupuri ng Jerusalem ang Diyos hindi lang dahil sa kanyang mga pagpapala kundi dahil sa kanila ipinagkatiwala ang kanyang salita, mga utos at tipan. Sa Israel unang ipinahayag ng Diyos ang kanyang sarili.
Ngunit sa Eukaristiya, ang dating ipinagkaloob sa Israel ay ibinabahagi na sa buong sanlibutan. Ang Salita ng Diyos ay naging laman kay Hesus, at ang laman na iyon ay ibinibigay bilang pagkain para sa buhay ng mundo.
Dito naman pumapasok ang mahalagang paalala ni San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na nakapaloob sa unang sulat niya para sa mga taga-Corinto. Madalas nating isipin na ang Eukaristiya ay tungkol lang sa personal nating relasyon kay Hesus. Ngunit para kay Pablo, ang pakikibahagi sa iisang tinapay ay nangangahulugan din ng pakikibahagi sa iisang katawan, “Hindi ba’t ang pagkain natin ng tinapay na ating pinaghahati-hati ay pakikibahagi naman sa kanyang katawan?”
Sa madaling salita, walang tunay na pakikipagniig kay Kristo kung walang pakikipagniig sa kapwa. Ang pakikibahagi sa Katawan ni Kristo ay nangangahulugan ding pakikibahagi sa buhay ng kanyang katawan na siyang Simbahan.
Kaya napakaganda ng hamon ng Corpus Christi sa atin. Dahil kung ang tinatanggap natin sa Eukaristiya ay ang katawan ni Kristo, dapat din nating makita ang katawan ni Kristo sa mga katawan ng iba: sa manggagawang hindi sapat ang sahod, sa magsasakang hindi makatawid sa kahirapan, sa migranteng napilitang lumayo sa pamilya, sa mga batang natutulog nang gutom, at sa mga biktima ng digmaan, korupsiyon at karahasan.
Hindi maaaring sambahin ang Katawan ni Kristo sa altar habang binabalewala ang mga katawan na patuloy na nasasaktan sa ating lipunan.
Kung sa kanta ay ang sukdulan ng pag-ibig ay ang pagnanais na maging isa sa minamahal, sa Eukaristiya naman ay ang Diyos mismo ang gumagawa ng paraan upang makiisa sa atin. At ang pakikipag-isang ito ay hindi nagtatapos sa altar. Ang tumatanggap sa Katawan ni Kristo ay tinatawagan ding maging bahagi ng Katawan ni Kristo para sa mundo—isang katawang naghahati ng sarili upang magbigay-buhay sa iba.
Sa bawat Misa, hindi lang tayo pinapakain ni Kristo. Tinuturuan niya rin tayong maging pagkain para sa iba.

