Ang Nueva Vizcaya ay isang probinsiya sa Pilipinas na kilala sa maraming pangalan dahil sa mayabong nitong agrikultura.
Ayon sa tala ng pamahalaang panlalawigan ng Nueva Vizcaya, mayroong 32,938 na rehistradong mga magsasaka sa probinsiya. Tinatayang 15,989 mga magsasaka ang nagtatanim sa hilaga ng probinsiya habang 16,494 naman ang nagtatanim sa dakong timog.

Sa kabundukan ng probinsiya tinatanim ang mga repolyo, patatas at paminta habang sa mababang bahagi itinatanim ang mga mais at palay. Ayon sa datos ng pamahalaan, mahigit 33,000 ektarya ng lupa ang tinataniman ng palay habang 9,000 ektarya naman ang para sa mais.
Dahil dito, sentro ang Nueva Vizcaya sa produksiyon ng mga high value crops sa Pilipinas na kilala bilang “Vegetable Bowl of Region II” dahil sa iba’t ibang gulay at prutas na inaani ng mga magsasaka nito.

Ayon sa Nueva Vizcaya State University, kilala ang probinsiya bilang “Citrus Capital ng Pilipinas” sapagkat ambag ng mga magsasaka nito ang mahigit 70% ng kabuuang produksiyon ng sitrus sa buong rehiyon ng Cagayan Valley. Galing din sa Nueva Vizcaya ang mahigit 50% ng buong suplay ng ponkan at satsuma sa buong bansa.
Kilala din ang Nueva Vizcaya bilang “Ginger Capital of the Philippines” dahil umaani ng mahigit 7,140 metric tons ng luya ang mga magsasaka ng naturang rehiyon na kalat sa mahigit 933 ektarya ng lupa. Kapag hinimay pa ang datos, tinatayang 7.4 metric tons ng luya ito sa bawat ektarya na pasan-pasan ng mahigit 5,010 na mga magsasaka.

Kinilala ng Department of Agriculture ang mahalagang papel ng Nueva Vizcaya sa pagpapanatili ng seguridad sa pagkain sa rehiyon ng Cagayan Valley at Metro Manila. Pinupunan ng Nueva Vizcaya ang 75% ng pangangailangan sa gulay ng buong Cagayan Valley.
Dagdag pa ng kagawaran na pinaglilingkuran din ng Nueva Vizcaya ang kabuuan ng Luzon, partikular na ang Metro Manila sapagkat galing sa naturang probinsiya ang marami sa mga gulay na mabibili sa Kamaynilaan. Noong 2024, nanguna ang Nueva Vizcaya ang kalakalan ng mahigit 14,753 tonelada ng luya.

Pinapadaan ito sa Nueva Vizcaya Agricultural Terminal na isa sa mga pinakamalaking pribadong merkado sa rehiyon na may lawak ng mahigit 6.7 ektarya na matatagpuan sa munisipalidad ng Bambang.
Taniman sa likod ng barikada
Paliwanag ni Dupax del Norte Environment Defenders vice president Eddie Capitulo na nakasandig ang seguridad sa pagkain ng Maynila sa kanilang mga magsasaka na galing pa ng Nueva Vizcaya.
Iginiit niya na kapag natuloy ang mapanirang pagmimina ng mga dayuhang korporasyon, hindi lang silang mga magsasaka ang maapektuhan kung hindi pati ang mga residente ng lungsod na inaasahan ang kanilang pananim.

Sa likod ng barikada na itinayo ng mga residente ng Sitio Keon ang mga magsasaka na namumuhay sa kanilang lupa na matapang na ipinagtanggol ang kanilang kabuhayan.
Kuwento ni Tatay Edel, mahigit 30 taon na siyang magsasaka ngunit natigil ito dahil sa panghihimasok ng Woggle Corporation at itinuon niya ang kanyang oras at pansin sa pagtataguyod ng barikada.
Inilarawan niya na pataas ang mga sakahan ng residente ng Sitio Keon at iba’t iba ang kanilang mga pananim. Matatagpuan sa paanan ng Sitio Keon ang mga sakahan ng palay sapagkat dito ang may pinakamalawak na lupa at ang lugar kung saan tirik ang araw.

Sa bandang gitna, kung saan naninirahan si Tatay Edel, makikita ang mga tanim nilang sitsaro, talong at kamatis. Kuwento niya na bago pumasok ang mga tauhan ng Woggle Corporation, bumabiyahe siya ng mahigit isang oras para ibenta ang kanilang mga produkto sa bagsakan sa Bambang.
Sa mataas na bahagi naman itinatanim ang mga cacao, rambutan at guyabano. Iisa lang ang dinadaluyan ng tubig na pinagkukunan ng mga residente. Nakaasa lahat ng taniman at bahay sa karatig na sapa na pinupunan ang kanilang pangangailangan para sa tubig.

Gayunpaman, iginiit ni Tatay Edel na mula nang isagawa ng Woggle Corporation ang kanilang mga drilling operations kapansin-pansin ang kontaminasyon nito dahil binubuhos ng mga tauhan ng kumpanya ang mga kemikal na ginagamit nila sa sapa.
Kuwento naman ni Rolly Cajigal na maluwang ang lupain ng bawat isang residente. Pinakamaliit na ang isang ektarya na garden sapagkat tantiya niya na umaabot ng mahigit 15 ektarya ang lupang sinasakahan ng mga residente.

Gayunpaman, anim lang sa malawak na lupa na pinagtataniman nila sa mataas na bahagi ng Sitio Keon ang may Certificate of Stewardship.
Iginiit ni Tatay Rolly na sinubukan nilang ipatitulo ang mga lupa nila ngunit hindi ito inaprubahan ng Department of Environment and Natural Resources sapagkat mahigpit ang kagawaran sa itinakdang pamantayan nito. Sa paanan lang ng Sitio Keon ang nabigyan, ngunit pahirapan makakuha ng titulo para sa kanilang mga residente na nasa itaas ang taniman.

Kagaya ni Tatay Edel, natigil din sa pagsasaka si Tatay Rolly dahil sa barikada. Upang matustusan ang pangangailangan ng kanyang pamilya, nagbebenta na lang daw siya ng mga gamit na sasakyan.
Gayunpaman, hangad niya pa rin makabalik sa sakahan sapagkat ito talaga ang kabuhayan nila. Kung hindi nila ito ipaglalaban wala ng matitira sa kanilang mga residente. Aniya, ang laban para sa kabuhayan ay nakaugat sa lupang bumubuhay sa kanila.

