Lumalawak na presensyang militar ng US sa Pilipinas, kinondena ng mga grupo sa Araw ng Kalayaan. –

Lumalawak na presensyang militar ng US sa Pilipinas, kinondena ng mga grupo sa Araw ng Kalayaan. –


Sa paggunita ng ika-128 na anibersaryo ng Araw ng Kalayaan, ikinasa ang isang malawakang kilos-protesta sa kahabaan ng Kalaw Avenue ngayong Hunyo 12, 2026, sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN).

Bago pa man marating ng hanay ang US Embassy, sila ay hinarang ng hile-hilerang kapulisan at mga barbed wire sa paglampas sa Maria Orosa St. Gayunpaman, inilunsad ang programa upang irehistro ang kanilang mga panawagan.

Ayon sa mga grupo, huwad na soberanya ng Pilipinas bunsod ng mga kasunduan at mga polisiya na umiiral sa bansa na nananatiling para sa interes ng imperyalistang bansa tulad ng US.  

Anila, walang kalayaan hangga’t patuloy na dumarami ang mga base militar ng dayuhan at mga missile system, patuloy na pinapatawan ng buwis ang mamamayan para sa paggawa ng armas at pagsasanay ng militar, at patuloy na pinagtatanggol ng estado ang mga interes ng mga dayuhan. 

“Ginagawa na tayong isang malaking military industrial base ng imperyalistang US para sa kanyang gera para sa kanyang paggigiit ng kanyang pandaigdigang paghahari,” wika ng grupo.

Sa kasalukuyan, mayroong siyam na Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites sa bansa, apat nito ay naidagdag mula nang maluklok sa pwesto si Pangulong Marcos Jr. Mas pinaigting pa ito nang kamakailan lamang ay pinirmahan ng Pilipinas ang kasunduang Pax Silica na naglalayong magtayo ng isang industrial hub sa New Clark City, Tarlac. Bukod pa rito, inilunsad sa Pilipinas ang pinakamalawak na Balikatan exercise ngayong taon, kasama ang higit sa 20 na bansang kaalyado ng Estados Unidos. 

“[…] hamon sa atin na palakasin ang anti-imperyalistang pakikibaka,” ika ni Clarice Palce ng Gabriela.

Binigyang-diin naman ni Ronnel Arambulo ng PAMALAKAYA na sagana sa likas na yaman ang Pilipinas ngunit hindi ito natatamasa ng mga Pilipino sapagkat iilan lamang ang nakikinabang sa mga ito.

Ayon pa kay Atty. Sol Taule ng Karapatan, hangad ng mamamayang Pilipino ang kalayaan sa pang-aapi at pananamantala sa sarili nilang bayan. Laganap ang panunupil sa boses ng mamamayan at paglabag sa karapatang pantao gaya ng trahedya sa Mindoro at Negros. Dagdag pa rito ang pananalasa ng Anti-terror Law, pati na ang National Action Plan for Unity, Peace, and Development (NAP-UPD), isang counter-insurgency plan ng US-Marcos. 

Bilang pagtatapos, nagtanghal ang Anakbayan ng isang cultural performance.

Bago ang naturang pagkilos, nagkaroon muna ng programa ang hanay ng mga progresibong grupo mula sa National Capital Region sa Taft Avenue corner Kalaw.

Mariin nilang kinondena ang lantarang korapsyon, kawalan ng pananagutan, talamak na militarisasyon, at mga politikong pansariling interes lamang ang isinusulong, partikular na sa mga nagdaang pangyayari sa Senado. 

“Hindi prayoridad ni Marcos Jr. na maging malaya ang Pilipinas,” giit ni Kyla Benedicto ng League of Filipino Students.

Kanilang panawagan: tugunan ang matinding kahirapan at ipagpatuloy ang laban para sa tunay na soberanya at demokrasya.

Loading spinner





Source link

Manila Today
Manila Today

Stay Connected

The PinoyAbrod Daily Brief — in your inbox every morning