Babae din nais ko pero… – Pinoy Weekly

Babae din nais ko pero… – Pinoy Weekly


Mula pagkabata, sakit sa ulo na ang madalas na hatid sa’kin ng mga lalaki. Akalain mo, Grade 5 pa lang ako ginuguhitan na ako ng nudes.

Unang pagkakataon ko no’n pumasok sa pampublikong paaralan dahil gipit na kami sa pera. Noong una, sabik pa ko pumasok. Kaso pumait ang aking karanasan nang may magkagusto sa’king mga lalakikaklase ko ’yong isa habang nasa Grade 6 naman ‘yong isa pa.

Habulin na ‘ko noon pa man kaya dedma ako sa kanila, kaso hanggang bahay hinahabol ako. Nagtatago pa sila sa gilid kasama mga tropa nila kahit pa ang iingay naman ng mga bungisngis. 

Simula noon, mas naging matalino ako sa pag-uwi ko. Buti na lang may malaking puno sa harap ng school namin kaya doon ako nagtatago habang bumubuhos palabas ang mga estudyante. Pinapanood ko silang tumakbo papalayo atumuuwi lang ako ‘pag ‘di ko na sila matanaw Feeling ko pa no’n isa akong karakter sa action movie kasi nautakan ko sila.

Kaso walang puno sa loob ng paaralan. Talagang hanggang tiis na lang at baka may masaktan ako nang wala sa oras. Tanda ko noon, may natanggap akong drawing ng isang mermaid na nakahubad sa upuan ko. Sunod nito,  lumapit sa akin ’yong kaklaseng lalaki kasama mga tropa niya na mga nakangiti. Ako daw ‘yon. Ginawa nila akong bida sa pantasya nilang kamanyakan na may buong istorya kung ano ang balak niyang gawin. 

Tandang-tanda ko ang pandidiri na gumapang sa buong katawan ko habang unti-unting pinupunit ang papel sa harapan nila. 

May pagkakataon pang naihalintulad ako noon sa isang porn star dahil sa makakapal kong salamin. Naging biro pa sa buong silid-aralan dahil katuwaan nila ang kamangmangan ko sa malalaswang usapin habang naiilang lang akong nakikitawa. 

Sa labas ng silid-aralan, biglang nang-aakbay ‘yong mas matandang Grade 6 na para bang close kami. Kada makikita niya ako, bigla siyang aakbay o kaya yayakap.

Hanggang sa hindi ko na kinaya. Inikot ko ang braso niya sa likuran niya at pinaluhod tsaka binantaan. Pagpasensyahan ang batang maikli ang pasensya, sino nga naman ang hindi mapupuno sa ganoong sitwasyon?

Suwerte pa ako kung tutuusin dahil nagagawa kong ipagtanggol ang sarili ko at nakakahanap ako ng paraan para maging ligtas ako sa labas at loob ng paaralan. Sigain akong bata at hindi ko ‘yon ikakahiya dahil naging proteksiyon ko na ‘to. Ganoon ako pinalaki kasi babae ako.

Natatandaan ko sa parehas na taon, may batang babae na umiiyak sa kabilang klase. Ang narinig ko, papasok na sana sa paaralan ang mag-pinsan nang idaan sila ng drayber sa isang eskinita, pinagsamantalahan, tsaka ibinaba sa paaralan.

Sarado ang mga bintana at pinto ng silid-aralan nila noon, at lahat silang magkakaklase nasa loob. Rinig ang paratang ng kanilang guro hanggang sa labas— sinesermonan sila ng guro, kesyo hindi raw sila nag-iingat, alam naman daw nilang delikado sa labas lalo na kung babae. 

Nanahimik lang ako noon sa gilid, hindi ko alam kung ano ang uunahin kong unawain, inis ba o takot? Bakit ‘pag babae parang buhat pa namin ang asal ng mga lalaki sa paligid namin?

Paano ang mga batang babae walang ligtas na espasyo laban sa kahangalan ng mga nakatatanda na naipapasa pa sa aming kabataan?

Hindi rason ang seksuwal na atraksiyon o kasarian. Walang palusot sa kamanyakan.

Lesbian ako, sa babae din ako naaakit. Pero ni isang beses hindi sumagi sa utak kong hipuin, bastusin, o ihalintulad sa isang porn star ang kahit sino. Hindi lambing o pagpapapansin ang ganoong asta kundi isang malaking panawagan na masampal ang iyong mukha at masipa sa iyong pribadong parte. Kung gusto mo talagang maipakita ang iyong sinseridad, kailangan mo lang matuto rumespeto sa kapwa mong tao.

Anong mundo ba ang ipinamulat ng mga matatanda sa mga kabataan?  Sa datos ng Cameleon Foundation, 70% ng kabataan na inabuso ay nasa 10 hanggang 18 taong gulang at ang madalas na mandaragit ay mula sa kanilang pamilya. Tulad ng lahat, hindi natin pinili ang lugar na kamumulatan natin. Hindi rin katanggap-tanggap ang pananatili sa ganoong kaisipan.

Sa usapin ng sex education at gender sensitivity, hindi lang pamilya ang may impluwensiya sa mga kabataan. Maski mga opisyal ng bansa tumatatak sa kabataan, lalo na ang mga ehemplo ng kabastusan.

Tulad ni Quezon City Fourth District Rep. Bong Suntay na binulgar sa isang pagdinig ang pagnanasa sa aktres na si Anne Curtis. Ganoon din si dating Pangulong Rodrigo Duterte na inamin sa publiko ang pangmamanyak sa kanyang dating kasambahay. 

Paalala lang, hindi karakter ng inyong imahinasyon ang mga kababaihan. Kami ay buhay, may karapatan, at angking talino. Hindi kami nilalang sa mundo para maging libangan ng mga kalalakihan o kahit sino man.




Source link

Pinoy Weekly
Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Stay Connected

The PinoyAbrod Daily Brief — in your inbox every morning