Malayang paglilibot sa Manila Cathedral – Pinoy Weekly

Malayang paglilibot sa Manila Cathedral – Pinoy Weekly


Sabay sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan sa makasaysayang Intramuros, binuksan sa publiko ang ‘di kadalasang mabibisita na mga bahagi ng Minor Basilica and Metropolitan Cathedral of the Immaculate Conception o mas kilala bilang Manila Cathedral

Hunyo 12, 2018 unang nagkaroon ng open house ang katedral bilang bahagi ng pagdiriwang noon ng ika-60 na taong anibersaryo ng muling pagtatayo ng katedral matapos ang giyera. Maraming pinagdaanan ang katedral na muntik pang inilipat sa Mandaluyong dahil sa tindi ng pagkasira ng Intramuros matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Mayroong higit 6,000 pipe ang kasalukuyang pipe organ na 1958 pa inilagay sa katedral. Marc Lino J. Abila/Pinoy Weekly

Ngayon, bilang pagdakila sa katatagan nito, ipinapaalala sa mga mananampalataya ang kasaysayan ng espasyo. Binubuksan sa publiko ang sanctuary, ang crypt kung saan nakalibing ang apat na arsobispo ng Maynila, ang roofdeck, at choir loft kung saan naroon ang pinakamalaking pipe organ sa Pilipinas at isa sa pinakamalaki sa buong Asya.

Ipinapaliwanag ni Agnes Riel ang kuwento ng mosaic na likha ni Marcelo Avenalli na nagpapakita sa pagtatagpo ni Maria at Hesus sa Golgotha at ang pagiging saksi ni Maria sa pagkamatay ng kanyang anak. Andera Jobelle Adan/Pinoy Weekly

“Natigil lang noong pandemic,” sabi ni Agnes Riel, na ikatlong taon na sa pagiging tour guide tuwing open house. “Pinakamarami na ngayong taon.” Bata, matanda, mga Pilipino at mga dayuhan—daan-daan ang bumisita sa katedral.

Sa Manila Cathedral Open House ngayong taon, buong araw ang inilaan para sa alay na programa sa mga bumisita. Sa umaga at tanghali, ipinagdiwang ang banal na misa para sa Solemnity of the Most Sacred Heart of Jesus, na sinundan ng konsiyerto ng pipe organ bago nagwakas sa mga guided tour.

Popular na espasyo sa pagreretrato ang maaliwalas na roofdeck ng katedral. Marc Lino J. Abila/Pinoy Weekly

Simple lang ang bilin ni Msgr. Rolando dela Cruz, rektor ng Manila Cathedral: habang naglilibot at nagreretrato, tandaan na sagradong espasyo pa rin ang katedral na kailangan galangin.

Unang beses nakasama sa tour at open house ang magkakaibigang sina Emmy Toledo, Jane Ferrer, Chit Acosta at Cindy Gepte. Nagkakilala sila at ang tour guide na si Riel sa Santa Maria Goretti Parish sa Paco, Maynila. Matapos ang isang mensahe sa kanilang group chat, ikinasa na nila ang lakad.

Sa pagwawakas ng tour na pinangunahan ni Agnes Riel (ikalawa mula sa kaliwa), kumuha ng selfie sa crypt ang magkakaibigang nagkakilala sa Santa Maria Goretti Parish. Andrea Jobelle Adan/Pinoy Weekly

Anila, para na rin silang pumunta sa Roma dahil sa ganda ng mga espasyo at sa dami ng natutuhan nila. Aliw na aliw ang magkakaibigan sa detalye ng mga pineapple finial na naroon na bago pa ang giyera at nanatili sa kabila ng pambobomba noon.

Isa sa pinakamatandaang bahagi ng Manila Cathedral na hindi nawasak noong giyera ang mga pineapple finial na nilinis noong 2018. Larawan mula sa Manila Cathedral

“‘Yong pineapple may similarity sa atin na kailangan itanim. Kami ‘pag may bagong knowledge kami kailangan i-share,” sabi ni Toledo. Panigurado raw na mag-iimbita pa sila ng ibang mga kakilala sa susunod na open house ng katedral.

“It’s a must na [the youth] know the Church they go to—’yong history, saan siya galing, ano ‘yong roots—para mas encouraging,” sabi ni Riel. Dahil ito na raw ang pangalawang bahay ng mga nanampalataya, kapag mas kinikilala ang espasyo, mas mapapalagay ang loob.



Source link

Pinoy Weekly
Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Stay Connected

The PinoyAbrod Daily Brief — in your inbox every morning