Institutions

Lumang Moda, Bagong PagpapalalaIsang pag-uusap kay Rizal tungkol sa moda ng produksyon ng Pilipinas* – IBON Foundation

Lumang Moda, Bagong PagpapalalaIsang pag-uusap kay Rizal tungkol sa moda ng produksyon ng Pilipinas* – IBON Foundation


Kung mabubuhay muli si Dr. Jose Rizal ngayon, laking gulat siguro niya na malaman na ang pang-bungkal pa rin ng ating mga magsasaka ay araro at kalabaw. Nakita kaya niya noong nag-aaral siya sa Europa ang larawang ito ng Mesopotamia noong 3000 B.C.? Mahigit limang libong taon ang nakalipas, ganoon pa rin ang hitsura ng agrikultura sa Pilipinas – atrasado at hiwa-hiwalay.

Laking pagtataka siguro ni Rizal kapag nalaman niya na hanggang ngayon ay nag-aangkat pa rin tayo ng bisikleta. Humiling siya ng bisikleta sa kaniyang ina at kapatid na si Trining noong siya ay nasa Dapitan. Bagong kausuhan pa lang ng bisikleta noon sa Pilipinas, 1895, at lahat ay inaangkat mula sa Britanya, Pranses, o Espanya. “Kahit segundo-mano lang, hindi naman kailangang de-kalidad, basta matibay,” ang sabi pa ni Rizal. Hindi na nakarating ang bisikleta sa Dapitan. Pinatay si Rizal sa susunod na taon.

Hanggang ngayon, wala tayong kakayahang lumikha ng sariling industriya ng bisikleta, at lalong wala tayong saligang industriya ng asero para sa mga kagamitang katulad ng araro. Nananatili ang ekonomiya ng Pilipinas na agraryo at pre-industriyal—walang mga industriya na gumagawa ng metal, kemikal, makinarya, at iba pang kagamitan para sa produksyon. Walang industriyang nakakapagproseso ng mineral, hilaw na materyales, o maski ng pagkain.

Malapyudal

Nasa lumang moda pa rin ang kaayusan ng lipunang Pilipino. Malapyudal itong iniwan ni Dr. Jose Rizal, nasa takipsilim ng nabubulok na pyudalismo ng Espanya, subalit maisasapailalim sa paghahari ng imperyalismo. Hindi na mamamalayan ng ating bayani kung paanong sa isang mapait na liko ng kasaysayan ay maaagaw ng Estados Unidos ang tagumpay ng rebolusyong Pilipino at magiging direktang kolonya ang Pilipinas.

At parang hindi matapos-tapos na bangungot, magiging malakolonya ito sa huwad na kalayaan at makukupot ang progresibong pagsulong ng kaniyang moda ng produksyon. Kung kaya’t ang pagiging malapyudal ng Pilipinas—ang kaniyang pagiging agraryo at pre-industriyal—ay pangunahing itatakda ng kaniyang pagiging malakolonyal. Magiging lubusang karugtong ang ekonomiya ng Pilipinas sa pandaigdigang kapitalistang sistema.

Ang mga produktibong puwersa ng mga magsasaka, manggagawa, maralitang lunsod, peti-burges, at maliliit na negosyante ay sama-samang pagsasamantalahan ng mga lokal na panginoong maylupa at burges komprador, na pawang nagsisilbi sa dayuhang monopolyo kapitalismo. Tutugon ang ekonomiya sa interes ng dayuhan sa pangunguna ng imperyalismong Estados Unidos at ng lokal na naghaharing uri.

Kung magkakaroon tayo ng pagkakataong makipag-usap kay Rizal, paano natin ipapaunawa sa kaniya ang kinahinatnan ng malapyudalismo sa Pilipinas pagkatapos ng kaniyang kamatayan? Makakatulong kaya ang kuwentuhang ito sa kung paano rin natin ituturo ang kaniyang buhay at pakikibaka?

Neoliberalismo, pandarambong sa malakolonya

Malakolonyal. Interesanteng termino. Interesante, dahil panaka-naka itong pabubulaanan ng Republika ng Pilipinas at ng mga institusyon ng edukasyon, subalit lagi-lagi rin namang mailalantad sa realidad ng moda ng produksyon. Lagi-lagi nating masasaksihan na kahit may potensyal ang ekonomiya na umusbong ay palagian lang itong ampaw at mababaw; na kahit may minsang darating na maghahain ng mga panukalang makabayan ay mananaig pa rin ang mga patakarang makadayuhan; na kahit mayaman ang Pilipinas ay patuloy na naghihirap ang sambayanan.

Ang pinakapamilyar na siguro sa ating lahat na malakolonyal na mekanismo sa ekonomiya ay ang neoliberalismo. Singkuwentang taon na rin itong ipinapatupad ng gobyerno ng Pilipinas. Inabutan na ng lahat ng henerasyon—ang marami sa atin ay ito na ang kinamulatang dominanteng kaisipan, at ang iba ay naniniwalang wala nang iba pang balangkas ng pag-iisip. Inilakip na rin sa sistema ng edukasyon, idinikdik sa pag-iisip ng marami na uunlad ang Pilipinas sa pagtahak sa landas ng neoliberalismo.

Neoliberalismo ang mga patakaran sa ekonomiya, na maski pa magpabago-bago ang pampolitikang pamamalakad ng mga administrasyon – demokrasya man ng iilan, populismo o awtoritaryanismo – ay tuloy-tuloy na ipinapatupad.

Pagbubukas ito ng ekonomiya sa walang habas na pagpasok ng dayuhang produkto at pamumuhunan—mga patakarang katulad ng pagpapababa ng taripa sa mga inaangkat na produkto, kasama ang bigas, pagkain at produktong agrikultural; pagpapababa ng restriksyon sa dayuhang pamumuhunan sa halos lahat ng sektor ng ekonomiya, kasama ang mineral, langis, enerhiya, at likas na yaman; at pagbibigay sa dayuhan ng lahat ng pabuya at kaluwagan, kasama ang murang lakas-paggawa.

Neoliberalismo ang pagpasa ng mga pampublikong serbisyo at yutilidad sa pribadong pagnenegosyo. Halos wala nang natira sa pamamahala ng pamahalaan: kuryente, tubig, transportasyon, imprastraktura, mga pantalan, at marami pang iba sa pampublikong sektor ay nasa kamay na ng mga oligarko at dayuhan.

Neoliberalismo ang paglimita sa papel ng estado sa pangangasiwa sa ekonomiya, katulad ng deregulasyon ng industriya ng langis, kalusugan, at iba pang panlipunang serbisyo; kawalan ng kontrol sa pagtatakda ng presyo; kawalan ng sentralismo sa pagtatakda ng pasahod; at pagbibitiw sa marami pang ibang mahahalagang tungkulin ng isang matinong gobyerno.

Neoliberal na patakaran din ang pagbubuwis sa lahat ng konsumo at galaw ng mamamayan, habang tinitipid ng pamahalaan ang paggastos sa mga panlipunang serbisyo; ang pagpapababa ng buwis sa mga korporasyon at super-mayaman, habang naglalaan ng pondo ng bayan para sa pagpapahusay ng kanilang negosyo; at iba pang patakarang nagbibigay ng laya sa dayuhan at mga lokal na oligarko na magpasasa sa ekonomiya.

Neoliberalismo ang mga patakarang dikta ng mga dayuhang institusyong nagpapautang at mga pandaigdigang organisasyon sa kalakalan. Neoliberalismo ang mga bilateral at multilateral na kasunduan sa ‘malayang’ kalakalan at pamumuhunan sa mga mayayamang bansa, sa pangunguna ng numero unong patron, ang United States. Ang mga ito ang masugid na sinusunod ng malakolonyal na estado.

Ibayong dagok

Magsisilbing malaking dagok ang neoliberalismo sa malapyudal na katangian ng ekonomiya ng Pilipinas. Dumausdos ang bahagi sa ekonomiya ng mga produktibong sektor ng agrikultura at manupaktura—ang manupaktura sa pinakamaliit na bahagi sa loob ng 75 taon at ang agrikultura sa pinakamaliit sa buong kasaysayan.

Lumobo ang ekonomiya ng mga burges komprador—sa mga sektor ng serbisyo, katulad ng tubig, kuryente, enerhiya, imprastraktura, transportasyon, real estate, shopping malls, pagtitingi, pagbabangko, pagmimina, pangangamkam ng lupa, kontrol sa likas na yaman, turismo, at iba pang sektor na hindi pinagbubuhusan ng produktibong inisyatiba na sana’y lilikha ng marami at makabuluhang trabaho.

Naging kronikong lugi ang kalakalan. Mas malaki ang bayarin sa mga produktong inaangkat kaysa sa kinikita mula sa mga produktong iniluluwas. Pinagpatuloy ng pamahalaan ang maling paniniwala na magiging industriyalisado ang Pilipinas kung ito ay export-oriented—mali ito dahil nakakubli ang katotohanan na ang mga sinasabing exports ay pawang nakaasa rin sa imported na mga materyales, at ang mga empresang nag-e-export ay pawang mga pag-aari ng mga dayuhan.

Ang bansa ay nagsisilbing lokasyon lamang ng produksyon o ng global value chains ng mga dayuhan, para sa murang lakas-paggawa, imprastraktura, at paubaya sa paggamit ng lupa, tubig, kuryente at iba pang rekurso.

Bangkarote rin ang Pilipinas sa kalakalan sa agrikultura, dahil sa pagpayag nito na mag-angkat ng mga batayang produktong agrikultural, katulad ng bigas, kahit pa may sarili itong kakayahan sa produksyon. Sa di-pantay na mga kasunduan sa kalakalan, brinaso ang malakolonya at naging palaasa sa imported, maski para sa pagkain.

Kumipot ang lupang masasaka. Talamak ang pang-aagaw at pangangamkam ng naghaharing uri para sa mga di-agrikultural nilang mapagtutubuan. Hindi lang bahagi ng agrikultura sa ekonomiya ang lumiit, mismong ang produktibidad ng mga magsasaka ay humina, sa kawalan na rin ng suporta ng pamahalaan.

Sa 100 magsasakang pamilya, 72 ang nasa iba’t ibang sistema ng pagbabayad ng upa at hatian sa produkto sa panginoong maylupa. Dahil sa mga neoliberal na patakaran, nananatiling monopolisado ng iilan ang lupa at palaging nakaamba ang patakaran ng pagpapalit ng gamit ng lupa.

Sa halip na industriyalisasyon ang tinahak ng Pilipinas: de-industriyalisasyon. Numipis ang manupaktura, walang batayang industriyang Pilipino, 71% ng kinikita sa manupaktura ay sa dayuhan, at lahat ng gamit, teknolohiya, semi-processed, pati na ang hilaw na materyales ay imported.

Malakolonyal ang kalalakan – nagsisilbi ito sa mga dayuhang ekonomiya at dambuhalang korporasyon. Malakolonyal ang pinansya, kung saan kalakhan ng umiikot na kapital sa ekonomiya ay dayuhang kapital o di kaya ay nagsisilbi sa dayuhang kapital. Ang mga export-processing zones ay dominado ng mga dayuhan. Ang mga ipinangangalandakan ng pamahalaan na call centers ay dayuhang pamumuhunan na nagsisilbi sa ekonomiya ng ibang bansa.

Ang bayan ng aba

Nasadlak sa krisis sa trabaho ang Pilipinas, sa lahat ng pinagdaanan nitong pagkabangkarote at de-industriyalisasyon. Pinagtakpan ng estado ang lumalawak na kawalan ng trabaho sa pamamagitan ng pagpapalit ng depinisyon ng kung sino nga ba ang walang trabaho. Inalis sa bilang ng puwersa ng paggawa ang mga napanghinaan ng loob sa paghahanap ng trabaho at binilang ang mga trabahong walang seguridad, panandalian, at mababang kalidad. Bilang resulta, sa 100 na nabilang na may trabaho, 74 sa kanila ang impormal – walang katiyakan, gawa-gawa ang trabaho, mababang kita, at bulnerable.

Lumaki ang bilang ng mga migranteng manggagawa, hindi dahil sadyang mahilig mangibang-bayan ang mga Pilipino o naghahanap ng mas magandang buhay. Sadyang wala nang makabuluhang trabaho at pagkakakitaan sa bansa. Sa huling taya, aabot sa 12% ng populasyon ang mga migranteng Pilipino at 24% ng mga pamilya sa Pilipinas ang nakaasa sa kita ng kanilang mga kamag-anak sa ibang bansa.

Makikilala kaya ni Rizal ang kasalukuyang antas ng kahirapan? Makikilala pa kaya niya ang mukha ng bayan ng aba? Makikilala kaya niya ang hugis ng tatsulok? Mahigit 21 milyong pamilya ang mahirap, mababang kita, at bulnerable sa kasalukuyang krisis. Katumbas ito ng 82% ng kabuuang bilang ng pamilya.

Ang karaniwang arawang sahod sa bansa ay Php505, samantalang kailangan ng isang pamilyang may limang miyembro ng Php1,277 para mabuhay nang disente. Mas mababa pa nga ang karaniwang buwanang sahod sa bansa kaysa sa karaniwang buwanang pamantayan ng kahirapan para sa isang pamilya. Sahod-mahirap, sahod-alipin.

Napakalubha ng di-pagkakapantay-pantay sa Pilipinas. May 16 milyong pamilya ang kumikita ng Php23,000 at mas mababa kada buwan, habang may 150 pamilya ang kumikita ng Php17.2 milyon kada buwan.

May 15 Filipino dollar billionaires sa 2026 Forbes List. Lumitaw si Enrique Razon, oligarkong malapit kay Bongbong Marcos, bilang unang peso trillionaire. Tatlo sa mga pinakamayayamang bilyonaryo, kasama si Razon, ang nasa likod ng tatlo sa pinakamalalaking partido politikal. Kontrolado nila ang 40% ng Senado, Kongreso, at mga gobernador. Ano, kung ganon, ang maaasahan pang matitinong mga batas at patakaran para sa bayan ng aba?

Ang malakolonyal na estado

Hindi makakapamayagpag ang dayuhan at malalaking oligarko kung walang magsisilbing gobyerno. Sa transisyon ng bayan mula sa pagiging kolonya tungong malakolonya, kinailangan ng imperyalismong US ang pagtatayo at pag-aaruga ng isang malakolonyal na estado upang panatilihin ang moda ng produksyon at pangalagaan ang interes ng imperyalismong US at ng naghaharing uri.

Wala nang ibang mas matingkad na pagsasalamin nito kaysa sa kasalukuyang nagaganap sa ilalim ng gobyernong Marcos Jr. Nariyan ang pagpapatuloy ng administrasyong Marcos Jr ng neoliberalismo sa higit pang pagbaba ng buwis ng mga korporasyon, dayuhan man o malalaking lokal, habang higit pang pagbubuwis sa konsumo ng mahirap at panggitnang uri.

Nariyan ang paghihigpit ng sinturon para sa kalusugan, edukasyon, pabahay, panlipunang proteksyon, agrikultura, at industriya, habang dambuhala ang paglalaan sa imprastraktura ng mga negosyante at pork barrel naman ng mga politiko. At siyempre, tuloy-tuloy ang pagbubukas sa 100% dayuhang pamumuhunan at pagmamay-ari: telecoms, airports, railways, ports, shipping, expressways, renewable energy, retail trade, at MSMEs. Pinalawig din ang pag-upa sa lupa ng mga dayuhan sa loob ng 99 taon.

Matingkad ang pagiging malakolonya sa ngayon sa pagpayag ng gobyernong Marcos Jr sa Pax Silica, ang diumano kaisahan ng 13 bansa na magkaroon ng industriyalisasyon sa pagpapaunlad ng manupaktura ng semiconductors at artificial intelligence, at maging bahagi ng AI supply chain ng US. Sa partikular, pumayag ang gobyerno ng Pilipinas na maglaan ng 1,600 ektaryang lupa para rito, buksan ito sa mga dayuhang namumuhunan, bigyan sila ng akses sa tubig, enerhiya at iba pang pasilidad, at ialok ang mga mineral ng bansa para sa kanilang mga industriya.

Lantaran ang malinaw na papel ng isang malapyudal at malakolonyal na bansa – taga-alay ng likas na yaman, murang lupa at pasilidad, at murang lakas-paggawa, kahit pa mistulang yurakan ang natitira sa kaniyang soberanya. Malinaw din na hindi ito patungkol sa industriyalisasyon ng Pilipinas kundi sa paglapad ng base ng industriyang pangmilitar ng Amerika. Ganito ang malakolonya na estado – kaladkarin sa giyera ng imperyalismong amo.

Mabigatan kaya si Rizal sa mga terminong ginagamit ko? Sasabihin kaya niya na masyado akong mateorya, puro slogan at jargon, at aktibistang parang polyeto magsalita? O susubukan niyang unawain ang mga sinabi ko para higit pang mapopularisa at maihatid sa mas malawak na masa? Naniniwala ako sa panghuli—na gagamit siya ng epektibong propaganda para sa makabuluhang pagbabago ng ating kaayusang panlipunan.

*Kontribusyon ng Awtor sa Tatsulok: Pambansang Kumperensiya sa Philippine Studies 2026, na inilunsad sa pangunguna ng Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas, Pamantasan ng Pilipinas. Ang kumperensiya ay may temang Rizal at Pagkamakabayan: Ang Pambansang Sitwasyon at mga Kilusang Panlipunan sa Dantaon 21.


Rosario Guzman

Rosb is IBON’s executive editor and head of the Research Department. She is also a member of the IBON Board of Trustees.



Source link

IBON Foundation
IBON Foundation

IBON Foundation is a non-stock, non-profit development organization. We have been serving the Filipino people through research and education since 1978. IBON seeks to promote an understanding of socioeconomics that serves the interests and aspirations of the Filipino people. We study the most urgent social, economic, and political issues confronting Philippine society and the world.

Stay Connected

The PinoyAbrod Daily Brief — in your inbox every morning