Tanggapin ang anumang imbitasyon para sa sama-samang pagkilos. Isapuso ang mga awit at dasal para sa tunay na pagbabago.

Mula kinder hanggang high school, nag-aral sa isang Katolikong paaralan. Kahit na kumuha ng Batsilyer sa isang public school na non-sectarian, nag-Master’s naman sa isang Katolikong unibersidad. At sa kabila ng doktoral na pag-aaral sa ibang bansa, nananatili pa rin ang Katolikong perspektiba kahit paano.
Opo, Katoliko. Hindi ikinakaila kahit na hindi ipinagsisigawan. Huwag nang tanungin kung parating nagpupunta sa simbahan tuwing Linggo at kung gaano kadalas nagdarasal. Huwag na ring usisain kung siyento porsiyento bang sang-ayon sa lahat ng tindig ng mga nanunungkulan sa simbahan, lalo na sa isyu ng karapatan ng LGBTQIA+ at kababaihan.
Tulad ng iba pa, bininyagan noong sanggol. Piniling magpakasal sa simbahan sa tamang edad. Pumaloob din sa iba’t ibang sakramentong nangyayari sa gitna ng binyag at kasal tulad ng komunyon, kumpirmasyon at kumpisal.
Ginampanan ang tipikal na eksena sa Katolikong paaralan noong elementarya’t high school. Sign of the cross bago kumain at sa pagsisimula ng bawat klase. May dalang rosaryo sa pagsapit ng Oktubre.
Kadalasa’y hindi na kailangang buksan ang prayer book sa sama-samang pagdarasal. Kabisado na kasi ang iba’t ibang panalangin sa wikang Ingles at Filipino, pati na rin Kastila. Ano pa ba ang maaasahan sa produkto ng Katolikong edukasyon, lalo na mula pagkabata?
Sa paglipas ng panahon, inaamin namang hindi na kasing-sigasig sa pagsimba’t pagsamba, lalo na’t naging propesor sa unibersidad at naging peryodista sa mga publikasyon. Ang mga pinagtatrabahuan kasi’y non-sectarian kaya walang kinikilingang paniniwala (at hindi rin isyu kung sakaling walang relihiyon).
Pero may pundamental na isyu sa kawalang gana. Noon pa man, madalas nang tinuturing na konserbatibo’t patriyarkal ang simbahan. Mula pagkabata, hindi natugunan ng mga guro ang isang simpleng tanong: Bakit hindi puwedeng maging pari ang babae? Sa pagtuntong sa high school, mas dumami ang tanong: Bakit kaya ayaw ng simbahan sa diborsiyo? Paanong hindi katanggap-tanggap sa simbahan ang abortion samantalang legal naman ito sa marami pang bansa?
Sa pagtuntong sa kolehiyo, nakuha rin ang detalyadong paliwanag mula sa mga mapagkakatiwalaang sanggunian. Pero nagresulta naman ito sa mas marami pang tanong, na napatungan pa ng pagsusuri sa mahabang listahan ng kontrobersiya, mula sa mga ginawa ng sinaunang Crusades hanggang sa masasamang gawi ng ilang modernong pari.
Pero sa kabila ng maraming kahinaan, kapuri-puri naman ang naging papel ng simbahang Katoliko sa panlipunang pagbabago. Halimbawa, hindi mangyayari ang People Power noong 1986 kung walang panawagan ang mismong Kardinal para tumungo sa EDSA. Gayundin ang nangyari sa ikalawang People Power noong 2001 nang dumagsa ang mga taong simbahan, kaisa ng mga mamamayang nais na patalsikin ang Pangulo. At sa nangyaring White Ribbon March noong Hunyo 28, malinaw na mayroong mga lider ng simbahang Katoliko na kayang manindigan kasama ang mga nasa laylayan ng lipunan.
Kaya nga kung ikukumpara sa isa pang sambahang ginagamit ang pangalan ni Kristo pero ipinagtatanggol ang mga politikong tiwali’t magnanakaw, mas mainam pa ring maging Katoliko. Hindi perpekto pero maaasahan naman. May pagkukulang ang iba pero marami pa ring matitino.
Sa pagninilay-nilay habang sinusulat ito, mainam talagang paglaanan ng panahon ang simbahang Katoliko. Magbigay ng suporta nang naaayon sa makakaya. Tanggapin ang anumang imbitasyon para sa sama-samang pagkilos. Isapuso ang mga awit at dasal para sa tunay na pagbabago.
Tandaang ang buhay ay dapat ialay sa ngalan ng kapwang nangangailangan. Siya nawa.
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com
