Kaso laban sa mga kontra-mina sa Nueva Vizcaya, ibinasura – Pinoy Weekly

Kaso laban sa mga kontra-mina sa Nueva Vizcaya, ibinasura – Pinoy Weekly


Ibinasura ng Kasibu Municipal Trial Court ang kasong forcible entry laban kina Bayombong Bishop Elmer Mangalinao, Fr. Christian Dumangang at mga miyembro ng komunidad ng Kasibu, Nueva Vizcaya na lumahok sa pagbabarikada kontra-mina noong Mayo. 

Sa desisyon na inilabas nitong Hunyo 24, sinabi ng korte na wala itong hurisdiksiyon sa inihaing kaso. Nilinaw ng korte na ang reklamo ay tumutukoy sa bisa ng Certificate of Non-Overlap mula sa National Commission on Indigenous Peoples at Presidential Proclamation No. 1498 na hindi na saklaw ng kanilang kapangyarihan.

Nagsampa ng kaso noong Hunyo 16 si Rosario Camma na nagpakilalang pangkalahatang chieftain ng Bugkalot-Ilongot Indigenous Cultural Communities upang hilingin ang pagpigil sa pagbabarikada ng mga residente.

Noong Mayo, nagtayo ng barikada ang mga residente upang pigilan ang pagpasok ng mga kagamitan para sa proyektong eksplorasyon ng North Luzon Mineral Resources Corporation. Sumasaklaw ang kanilang proyekto sa 4,456 ektarya ng mga komunidad ng Pao, Kakiduguen, Paquet, Dine, Catarawan, Siguem, Muta at Biyoy.

Nagpahayag ng pangamba ang mga residente, grupong simbahan at tanggol-kalikasan sa posibleng epekto ng proyekto sa mga watershed, lupang ninuno at kabuhayan sa lokalidad. 

Tinanggihan din ng korte ang aplikasyon ni Camma para sa writ of preliminary injunction dahil sa kakulangan niya ng malinaw na legal na karapatan. 

Itinuring ng Defend Nueva Vizcaya Movement na bahagi ng panggigipit sa mga kontra-mina ang kaso.

“Ang pagsampa ng kasong ito ay nagpapakita kung paano ginagamit ang batas laban sa mga tagapagtanggol ng lupa at kalikasan,” pahayag nila sa Ingles.

Pinasalamatan naman ni Mangalinao ang mga katutubo, tanggol-kalikasan, at mga abogadong sumusuporta sa laban nila.

“Ipinaaalala nito na ang pagtatanggol sa ating watersheds, sa kalikasan, at kabuhayan ay hindi krimen kung hindi isang moral na responsibilidad ng lahat,” pahayag niya sa Ingles.



Source link

Pinoy Weekly
Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Stay Connected

The PinoyAbrod Daily Brief — in your inbox every morning