Sinimulan na ng Senado ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte noong Hulyo 6, isang taon at pitong buwan mula nang isampa ang mga kaso sa Kamara. Ayon sa Bantay Impeachment (BI) Network, sa wakas ay maihaharap na ang mga testigo at ebidensiya ng korupsiyon, paglabag sa Konstitusyon at pagtataksil sa taumbayan laban sa pangalawang pangulo.
“Sa bansang nakulong nang 11 taon ang isang public school principal na nagnakaw P5,000 sa kaban ng bayan, hindi dapat palagpasin ang bise-presidenteng nagwaldas ng mahigit P600 milyon confidential funds na mula rin sa kaban ng bayan,” pahayag ng ugnayang binubuo ng higit 120 organisasyong sibiko, relihiyoso at akademiko.
Hinirang si Sen. Chiz Escudero bilang presiding officer ng Senate impeachment court. Itinakda niyang susunod ang paglilitis sa hatol ng Korte Suprema na nagsasabing kailangan ng 16, o dalawang-sangkatlo (2/3) ng kabuuang bilang na 24 senador, na boto para i-convict si Duterte.

Itinutulak naman ni Sen. Alan Peter Cayetano na makadalo at makaboto sa paglilitis ang nakakulong na sina Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Rodante Marcoleta, at ang nagtatagong si Sen. Ronald dela Rosa.
Ani Escudero, ikokonsulta pa niya ito sa iba pang senator-judges. Sabi naman ni Sen. Raffy Tulfo, puwedeng manood ng paglilitis sina Estrada at Marcoleta mula sa kulungan.
Ikinabahala ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang desisyon ng Senado sa botohan at ang panukalang makadalo ang mga nakakulong at nagtatagong senador. Labag anila ito sa prinsipyo ng pagiging patas at due process dahil binibigyang pabor si Duterte, habang “isinasantabi ang kredibilidad at integridad ng proseso ng impeachment.”
Kalaboso, pugante
Humaharap sina Estrada at Marcoleta sa patong-patong na kaso ng katiwalian at pandarambong sa Sandiganbayan. Nakakulong na si Estrada, na suspendido rin bilang senador. Ilang araw naman nang nasa PNP General Hospital si Marcoleta matapos arestuhin noong Lunes.
Nagtatago pa rin ang puganteng si dela Rosa na may kasong crimes against humanity kasama ni dating pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court.
Dalawampu’t isang senator-judges lang ang totoong kasali sa paglilitis. Kung kulang sa 16 ang boto para sa conviction, mapapawalang-sala si Duterte, mananatili sa puwesto at makakatakbo pa sa 2028.
Ayon sa Bayan, hindi makatarungan kung makakaboto sina Estrada, Marcoleta at dela Rosa dahil hindi naman nila magagampanang maging hukom sa pagsusuri sa ebidensiya at mga testigo.

“Anumang korte na pumayag sa mga hukom na magdesisyon sa kahihinatnan ng kaso nang hindi naman dininig ito ng buo ay makakakompromiso sa integridad ng sarili nitong hatol,” sabi ng Bayan.
Samantala, tumanggi naman ang impeachment court na buksan ang kontrobersiyal na kahon ng rekord sa buwis ni Duterte. Ipinasauli na ni Escudero sa Bureau of Internal Revenue ang tinaguriang “BIR box” nitong Miyerkules.
“Desperado ang depensa dahil mahirap ipagtanggol ang opisyal na korap at mapang-abuso sa kapangyarihan. Kumakapit sila sa pag-asa na biguin ang impeachment sa paggiit na makalahok sa paglilitis ang mga nakakulong at nagtatagong senador,” sabi naman ni Bayan secretary general Raymond Palatino sa Pinoy Weekly.
Mahalagang tungkulin aniya ngayon ng mamamayan na maging mapagbantay at “hamunin ang senator-judges” na bumoto nang ayon sa ebidensya alang-alang sa pananagutan at hustisya.
Mabagal, masalimuot
Kapuna-puna namang mabagal at masalimuot ang unang tatlong araw ng impeachment trial. Paliwanag ni Escudero, normal lang ito sa umpisa at magiging mabilis at madulas habang gumugulong ang paglilitis.
Pero paalala ng BI sa mga abogado ng depensa at prosekusyon, dapat pag-ibahin ang impeachment sa karaniwang paglilitis sa korte. Sa halip anilang matali sa teknikalidad, dapat sumentro sa articles of impeachment at tigilan na ang napakaraming objections at “delaying tactics.”
“Kung mga abogado lang ang nakakaintindi sa nangyayari, mawawalan ng interes ang publiko at mababaon sa limot ang tunay na layunin ng impeachment,” ayon sa grupo.
Apat na articles of impeachment ang nakasampa laban kay Duterte kabilang ang maling paggamit ng confidential funds, di-maipaliwanag na yaman, panunuhol at pandaraya sa pondo, at pagbabanta sa buhay ng presidente, unang ginang at dating house speaker.
Unang tinalakay ang kaso sa pagbabanta. Tatlong araw ang ginugol para lang sa unang testigo. Nakatakda namang humarap sa susunod na linggo ang tatlo pang testigo mula sa National Bureau of Investigation at Office of the Vice President.
Itinakdang matapos ang impeachment sa loob ng 92 araw.
Ilapit sa mamamayan
Kinondena naman ng Bayan ang marahas na pagharang at tangkang pagbuwag ng Philippine National Police (PNP) sa protesta sa labas ng Senado noong Hulyo 6. Sugatan ang 12 nagprotesta matapos hampasin ng shield ng mga pulis.
Pinangunahan ng Bayan at BI Network ang naturang protesta para ipanawagan ang mabilis at walang pagka-antalang paglilitis at pagpapanagot kay Duterte at lahat ng sangkot sa katiwalian at korupsiyon.

Nauna nang inanunsyo ng PNP na magpapatupad ng maximum tolerance at papayagan ang mga pagkilos at protesta sa harap ng Senado. Ayon sa National Capital Region Police Office, nagkaroon sila ng “hindi pagkakaunawaan” sa Pasay City Police, bagay na hindi katanggap-tanggap sa Bayan.
“Sa loob ng Senado, inaantala ng mga teknikal na tanong ang pagdinig mahahalagang usapin kaugnay ng maling paggamit ng pondo at abuso sa kapangyarihan. Sa labas ng Senado, itinataboy naman ng security forces ang mga anti-corruption advocates. Pasilip ba ito sa mangyayari sa impeachment trial sa susunod na anim na buwan?” pahayag ng grupo.
“Ilapit natin ang paglilitis sa taumbayan, sa ordinaryong mamamayan. Ang impeachment trial ay hindi lang para sa mga abogado kundi para sa bawat mamamayan na may karapatang malaman kung dapat na bang alisin sa pwesto ang opisyal na kanilang pinagkatiwalaan ng mandato,” sabi naman ng BI Network.
