Hinaras ng militar ang mga lider ng Adnama Mining Resources Inc. Labor Union sa Surigao del Norte noong Hulyo 13 at 14. Ayon sa National Federation of Labor Unions-Kilusang Mayo Uno (NAFLU-KMU), pinuntahan ng mga sundalo ang tirahan ng mga manggagawa para usisain ang kanilang ugnayan sa unyon.
Iniugnay ng Center for Trade Union and Human Rights ang nasabing insidente sa naging labor dispute sa pagitan ng AMRILU-NAFLU-KMU at Adnama Mining kaugnay ng pagbabalik-operasyon ng kompanya.
Ayon sa ulat, dumulog ang kompanya sa Barangay Urbiztondo sa Claver upang magpatulong na puwersahang pagbayarin ang mga manggagawa. Kasunod nito, pumasok ang mga sundalo sa komunidad at nagsimulang suyurin ang komunidad sa nagtatanong ukol sa unyon.
Isang nickel mining company sa Surigao Del Norte ang Adnama Mining kung saan pagmamay-ari ng mga dayuhang Tsino ang 40% nito.
Hindi ito ang unang pagkakataong ginipit ng sundalo ang mga manggagawa sa lugar. Ayon sa NAFLU-KMU, taong 2020 nang puntahan din ng 30th Infantry Battalion ng Philippine Army ang mga lider-manggagawa upang sapilitang alisin ang kanilang koneksyon sa pederasyon. Noong 2021 naman, dinakip si Anecito Patac, dating pangulo ng AMRILU-NAFLU-KMU.
Nananawagan naman ang unyon sa mabilis na pagpapaalis sa presensiya ng militar sa komunidad at tigilan ang panghihimasok ng mga ito sa isyu sa pagitan ng mga manggagawa at kompanya.
“Kasabay ng ating pagkondena, hinihikayat namin ang iba pang mga manggagawa, unyon, pederasyon, advocates at organisasyon na palakasin ang panawagang tigilan ng militar, barangay, at Adnama Mining ang harassment sa mga manggagawa ng Adnama,” pahayag ng NAFLU-KMU.
