Matagal nang panawagan ng mga manggagawang kontraktuwal ng University of the Philippines (UP) ang makatarungang benepisyo at regularisasyon. Pero noong Hunyo 29, isang araw bago ang wakas ng umiiral na kontrata, naglabas ng bagong dokumento ang UP na taliwas sa hangarin at pagtitiyak sa karapatan ng mga kontraktuwal.
Sa bisa ng Memorandum No. ACR 26-100 ng UP Office of the Vice President for Administration (OVPA), agad na gustong ipatupad ang bagong kontrata sa susunod na cycle ng renewal sa mga kawaning contract of service (COS). Marami ang maapektuhan ng bagong mga probisyon.
“Umabot na sa 15,000 ang mga kontraktuwal sa [lahat ng mga] constituent university. Ang may pinakamalaki dito sa Diliman pa lang umabot na siya ng 7,000,” sabi ni Kenrick Buduan, vice chairperson ng Alliance of Contractual Employees in UP (ACE UP).
Isa rin si Buduan sa tinatayang 15,000 manggagawang kontraktuwal ng UP. Katulad ng iba pang kontraktuwal, nabulabog si Buduan sa paglabas ng bagong kontrata. Ang akala niyang matiwasay na pagpirma ay napuno ng pangamba.
Sa inilabas na bagong contract template ng OVPA, pinagtibay ang kawalan pa rin employer-employee relationship habang pinahihigpit pa ang kontrol sa paggawa ng mga kontraktuwal, ayon sa ACE UP.
Dagdag pa nila, binawi ng bagong template ang napagtagumpayan nang laban sa pagkakaroon ng monthly rate contract.
“Sa monthly rate, kung bumagyo at mag-anunsiyo ang gobyerno na walang pasok, hindi makakaltas sa COS ‘yon. Pero kung daily rate, ikakaltas ang mga araw na walang pasok kahit hindi naman ‘yon pinili ng manggagawa,” paliwanag ng ACE UP.
Kinakailangan rin ng mga kontraktuwal ng 30 araw na abiso kapag magbibitiw, habang walang kinakailangang paunang abiso ang UP kapag magtatanggalan. Ilan ito sa mga tampok na kritisismo ng mga kontraktuwal sa bagong kontrata.
“Dapat muna i-honor ang lumang contract template [pero] at the same time ang pinakamalalim na ating nakikitang panawagan dito ay regularisasyon, hindi kontraktuwalisasyon. Dapat [ang] UP magbigay na ng plantilla items,” pahayag ni Buduan.
Ipinaliwanag din ni Buduan ang kakaibang mukha ng kontraktuwalisasyon sa UP. Aniya, nahahati ito sa tatlong kategorya: non-UP contractual, UP contractual at agency-hired.
“Pero iisa lang lahat ‘yan—mga manggagawang kontraktuwal. Kumbaga, hindi tayo nire-recognize ng university na employees,” sabi niya.
“Kapag hindi tayo pumirma do’n sa bagong kontrata, meron talaga tayong tagline dito e, kaming mga manggagawang kontraktuwal ang kawawa dahil nga mangyayari ang no contract, no work,” dagdag pa ni Buduan.
Ayon sa UP Diliman Accounting Office, mahigpit na ipapatupad ng bagong template ang polisiyang “no contract, no start of work.” Mula noong inilabas ang bagong template, nagbigay ng 15 araw na palugit ang OVPA sa mga manggagawang kontraktuwal para asikasuhin at pirmahan ito.
Pero kung nakapagbigay na ng serbisyo ang kontraktuwal ng walang balido o pirmadong kontrata, ang pinuno ng opisina ang may pananagutan sa bayad ng serbisyong naibigay ng kontraktuwal.
Giit ni Buduan, ipit ang mga kontraktuwal sa malalang kalagayan dahil hindi man lang sila kinonsulta mga nilalaman ng bagong kontrata bago ito ilabas. At kung hindi man sila pipirma at makapagtrabaho, mapipilayan raw ang operasyon ng buong unibersidad dahil kontraktuwal ang halos bumubuo sa mga opisina nito.
COS sa opisina
“Ang main function ng team namin ay kami ang taga-liquidate ng kautangan ng UP Diliman. Lahat ng research sa UP Diliman, kami ang nagli-liquidate no’n,” ani Tarts Pagurayan mula sa UP Diliman Office of the Vice Chancellor for Research and Development (OVCRD) sa ilalim ng Research Management Office.
Sa opisina ni Pagurayan, COS ang naatasan sa pagsasaayos ng externally-funded projects at mga regular naman sa internally-funded projects. “Pagli-liquidate pa lang no’n at pagma-manage ay magkaparehas na ‘yong ginagawa namin, so do’n palang parang wala na siyang pinagkaiba, kung saan lang gumaganap,” sabi niya.
Para irehistro ang kanilang mga hinaing, magkakaroon sila ng sit-down protest at diyalogo kasama ang OVPA at UP Diliman Office of the Vice Chancellor for Administration sa mga susunod na araw.
Nangangamba si Pagurayan para sa mga kasamahan na baka mapilitang pumirma “dahil maaapektuhan nga ‘yong sahod nila, ‘yong pagpapakain nila sa pamilya nila.”
Matagal nang COS
Si Nena, hindi niya tunay na pangalan, nagbahagi rin ng kuwento bilang non-UP contractual sa higit isang dekada.
“Noong unang taon, dahil nga no employer-employee relationship, madali para sa amin ang sesantehin,” sabi niya. “Sa ibang office pa ako dati pero dahil nagbabago ‘yong mga direktor, napakadali rin sa kanila na sesantehin kami.”
Marami nang nakita si Nena sa tagal niya sa unibersidad. “Parang patindi nang patindi ‘yong exploitation talaga sa manggagawa,” aniya na makikita sa “ganitong pandaigdigan, pambansa at [lokal] na sitwasyon.”
Palagi ring tugon ng administrasyon sa kanya na walang plantilla item, kaya hindi na siya naging regular na empleyado.
“Tapos ang dami ring ‘efforts,’ parang simula 10 years ago, na ginagawa ang UP sa usaping reorganization o restructuring sa mga opisina. Pero hanggang ganoon lang ‘yon,” sabi ni Nena.
“Basic” na nga lang raw ang mga hinihingi nila sa lumang kontrata tulad ng employer-employee relationship, magkaroon ng on-time na suweldo kasama ang payslip para sa kalinawan ng mga ikinakaltas sa kanilang mga kontraktuwal at mga insentibo at benepisyong matagal na nilang hinihintay.
Sabi ng kawani, “Ang UP ‘di ba nasa rank 1 sila pagdating sa honor, excellence at pagbibigay service and yet sila rin ‘yong honor in exploitation, excellent in manipulation at disservice sa kanyang mismong kawani.”
Sa pambansa
Isa rin si Jonathan Judin, treasurer ng Contract of Service Employees Association-National Anti-Poverty Commission (Cosea-NAPC) sa mga kontraktuwal na dumalo sa sit-down protest sa UP Diliman.
Politika ang nakikitang dahilan ni Judin sa pumipigil sa gobyernong gumawa ng mga plantilla item. Aniya, makapangyarihan at minamanipula ng mga nasa itaas ang sitwasyon ng mga manggagawa at wala ring matibay na dahilan ang mga ito para hindi magregularisa ng mga kontraktuwal.
Naniniwala ang mga kontraktuwal na pinakaugat ng problema na kinakaharap nila ay gobyerno at masosolusyonan lang kung mawawala ang korupsiyon sa bansa.
“Kung nais [ng gobyerno] guminhawa ang mga manggagawa sa pampubliko at pribadong sektor, gawin mo nang tama. Hindi ‘yong ikaw yung hindi sumusunod sa batas na ipinapatupad mo,” sabi ni Judin.
