42 sa SONA51, laya na; Pag-aresto sa protesta, kinundena

42 sa SONA51, laya na; Pag-aresto sa protesta, kinundena


Isang araw matapos ang aresto ng kapulisan sa tinaguriang SONA51, nakalaya na ang 42 na indibidwal nang walang kasong isinampa. Sasampahan naman ng Quezon City Police District at ng kumpanyang Meralco ng iba’t ibang mga kaso ang siyam na inaresto, kabilang ang dalawang paralegal.

Inaresto ang 51 habang nagpoprotesta sa Commonwealth Ave sa Quezon City. Bahagi sila ng mga lumahok sa People’s SONA protest noong July 27. Hinuli ang ilan sa kanila dahil umano sa pagpinta ng graffiti sa pader ng isang Meralco substation.

Pero ayon sa National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL), dapat palayain na ang natitirang 9 mula sa SONA 51 dahil isinagawa ang inquest sa kanila nang lagpas sa 12 at 18 na oras na panahong nakasaad sa batas na dapat makapagsampa ng reklamo para sa mga light offenses.

Ang mga kasong isasampa sa 7 ay Malicious Mischief, Tumults and Other Disturbances of Public Order, at Resistance and Disobedience to a Person in Authority. Obstruction of Justice naman ang isasampa sa 2 na paralegal staff.

Dagdag ni Atty. Rey Cortez ng NUPL, dahil vandalism ang dahilan ng PNP sa paghuli sa SONA 51, ang parusa lamang sa kanila ayon sa batas ay mabigyan ng ticket at magbayad ng fine, hindi pag-aresto.

“Clearly, there is no basis for the nine remaining detainees to be charged with obstruction of Justice, resistance, and disobedience to a person in authority. They cannot also be charged with tumults and other disturbances, since they were in a rally exercising their right to free expression and to peaceful assembly,” sabi ni Cortez.

Sa pahayag ng grupong Vandals United, sinabi nitong nagsimula ang panghuhuli bago mag-2:00pm sa mga lumahok sa “Street of the Nation Attack,” isang bahagi ng kilos-protesta kasabay ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Pinintahan ng grupo ang isang pader ng substation ng Meralco sa Diliman ng mga salitang ‘MERALCO SINDIKATO’ at iba pang anti-corruption na slogan.

Ayon sa Vandals United, kabilang sa mga inaresto ang mga miyembro at kasamahan mula sa Vandals United, Hiphop United, Skaters United, at Defend the Hood. Sinabi rin ng grupo na kabilang sa mga dinampot ang tatlong paralegal at 13 na menor de edad.

“Patunay lang ito na sa pang-araw-araw na Pilipino lang kayang mag-angas at maging bayolente ng pulis. Kung usapin na ng mga kurakot, magnanakaw, at mamamatay-tao na nasa pamahalaan, hindi sila gagalaw,” pahayag ng grupo.

Iginiit ng grupo na tila pinili ang mga inaresto batay sa pananamit, partikular ang mga nakaitim at may takip sa mukha, kahit umano nakaupo lamang o nasa bangketa.

“Wala silang pakialam kung walang pera ang biktima. Madalas nga, ang biktima pa ang pagbibintangan nilang kriminal,” dagdag nila.

Inihalintulad din nito ang insidente sa mga naunang pag-aresto noong Setyembre 21, Oktubre 21, Nobyembre 30, at Pebrero 25.

“Habang tayong ordinaryong mamamayan ang nagdurusa sa hirap at pasakit ng napakataas na kuryente, napakababang sahod, lumulubog na mga lungsod dahil sa pag-ulan at baha, kawalan ng maayos na ospital at gamot, at iba pang kakulangan sa serbisyo, nagpapakasasa ang mga pulitiko’t may-ari ng malalaking kumpanya sa perang binabayad natin sa napakataas na tax at presyo ng mga bilihin.”

Kinondena rin ni Raymond Palatino ng grupong BAYAN ang aniya’y arbitraryong aksyon ng pulisya.

“Isinagawa nila ang pag-aresto habang kasagsagan ng protesta, sa kabila ng pagbabawal dito ng mismong mga protocol ng pulisya at ng batas,” sabi ni Palatino.

“Tinatawag nila itong paninira o vandalism, pero may karapatan ang mga kabataan na ipahayag ang kanilang protesta sa pamamagitan ng graffiti. Ang naiulat na graffiti na “Meralco sindikato” ay isang mensaheng sumasalamin sa galit at pagkadismaya ng publiko,” dagdag niya.



Source link

Altermidya
Altermidya

Stay Connected

The PinoyAbrod Daily Brief — in your inbox every morning