Ni JOHN AARON CORPORAL at EMMANUEL GATA
“Palakasin natin ‘yung kampanya sa national and international level para palayain ang lahat ng bilanggong pulitikal, para ma-raise ang awareness kung sino sila at i-demand sa Marcos administration na palayain sila.”
Ito ang panawagan ni Cristina Palabay, pangkalahatang kalihim ng grupong pangkarapatang pantao na Karapatan, sa paglulunsad ng “Laya,” isang kampanya para sa pagpapalaya ng mga bilanggong pulitikal sa Piipinas noong Hulyo 18 sa Bocobo Hall, University of the Philippines-Diliman.
Isinagawa ang paglulunsad ng kampanya kasabay ng pagdiriwang sa anibersaryo ng Mandela Rules o ang United Nations Standard Minimum Rules for the Treatment of Prisoners.
Layon ng kampanyang Laya ang pagpapatigil sa pagsasampa ng mga umano’y gawa-gawang kaso, pagpapalakas ng suporta para sa mga nakakulong nang walang makatarungang batayan, at paniningil ng pananagutan sa patuloy na pagpapatahimik sa mga tagapagtanggol ng karapatan.
Dinaluhan ang aktibidad ng mga miyembro ng mga organisasyong masa, mga abogado, artista, manunulat, estudyante, at iba pang tagapagtaguyod ng karapatang pantao.
Tinig ng mga nakulong
Sa kanyang pambungad na mensahe, sinabi ni Amanda Echanis na ang kampanyang Laya’y bahagi ng mas malawak na pakikibaka laban sa pampulitikang panunupil at sistematikong paglabag sa karapatang pantao.
“Napakahalaga ng Laya campaign kasi pinagkakaisa nito ang lahat ng sumusuporta sa kampanya para sa pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal, gayon din pinapalawak pa ang hanay na mga namumulat tungkol sa mga kalagayan ng mga bilanggong pulitikal sa bansa natin,” ani Echanis.
Nagbasa rin si Echanis ng tulang “Binhi ng Paglaya,” na sinulat niya habang nakakulong sa Cagayan Provincial Jail. Tampok sa akda ang kanyang karanasan bilang bilanggong pulitikal, anak, ina, at aktibista, gayundin ang kanyang paninindigan sa gitna ng pagkakapiit.
Matatandaang mahigit limang taong nakulong si Echanis matapos arestuhin noong Disyembre 2, 2020 at sampahan ng kasong illegal possession of firearms and explosives.
Noong Enero 14, 2026, siya ay napawalang-sala ng Regional Trial Court Branch 10 sa Tuguegarao City matapos mabigong patunayan ng prosekusyon ang kanyang pagkakasala.
Suporta sa depensa
Bahagi ito ng padron ng gobyerno ng pagpapatahimik sa mga pumupuna sa mga mali sa pamamalakad ng pamahalaan, ayon kay VJ Topacio, abogado ng maraming bilanggong pulitikal.
Kaya kailangan pa raw punan ang pangangailangan para sa pagtatanggol sa mga nagtatanggol sa karapatan.
“Marami pa ang kinakailangan natin na tumangan ng laban dahil mahaba, mahirap, at masalimuot ang laban,” ani Topacio.
Sinabi naman ni Eduard Eugenio, outgoing secretary for external affairs ng Karapatan Youth Advocates sa UP Manila, na patuloy na pagdami ng mga bilanggong pulitikal na umano’y biktima ng gawa-gawang kaso.
“Madalas nating sabihin na ang hustisya’y para sa lahat. Pero alam naman natin na marami pa rin sa ating mga kababayan ang patuloy na nakakulong sa rehas dahil sa mga gawa-gawang kaso,” sinabi pa niya.
Samantala, sinabi ni Mabi David ng Good Food na ang laban para sa pagpapalaya ng mga bilanggong pulitikal ay usapin ng buong lipunan at nangangailangan ng pakikilahok ng iba’t ibang sektor, kabilang ang mga mamimili.
Panitikan sa piitan
Isa sa mga tampok sa programa ang paglulunsad ng “Pansamantalang Mundo” ng Paper Trail Projects at Karapatan.
Koleksiyon ito ng mga tula, personal na salaysay, at iba pang akdang isinulat ng mga kababaihang bilanggong pulitikal mula 2024 hanggang 2026.
Ayon kay Adam David ng Paper Trail Projects, nabuo ang aklat matapos ang halos dalawang taong regular na pagbisita, writing workshops, at pakikipag-ugnayan sa mga babaeng political prisoner sa Correctional Institution for Women.
Layunin ng libro na mailapit sa publiko ang kanilang mga karanasan at hamunin ang mga umiiral na pananaw hinggil sa mga nasa piitan.
“Base sa experience namin, karamihan ng mga tao doon, hindi sila masasamang tao. Biktima sila ng injustice, biktima sila ng poverty, biktima sila ng maraming-maraming problema natin sa lipunan,” ani David.
Mahigit 500 bilanggong pulitikal
Nasa 560 ngayon ang mga bilanggong pulitikal sa bansa, ayon sa Karapatan,
Kabilang dito ang mga kababaihan, matatanda, maysakit, peace consultants, tagapagtanggol ng karapatang pantao, at iba pang organisador na ikinulong dahil sa kanilang paninindigan at pakikibaka para sa karapatan at tunay na demokrasya.
Sa 560 bilanggong pulitikal, 165 ang inaresto sa panahon ng administrasyong Marcos Jr. hanggang Hulyo 2026.
Kabilang dito ang 103 kababaihan, 77 matatanda, 73 may malubhang karamdaman, 10 National Democratic Front of the Philippines staff at peace consultants, at apat na menor de edad.
