Sampung taon na si Rowena “Weng” Ernico sa LS Philippines Manufacturing, Inc. sa isang engklabo sa Rosario, Cavite bilang mananahi kaya’t hindi niya inakala na isasara ng may-ari ang pagawaan dahil natunugan nitong nagbubuo ng unyon ang mga manggagawa.
Mula higit sa 600 manggagawa ng kumpanya, kababaihan ang mahigit sa 400 na mananahi ng iba’t ibang damit at kasuotan. Naipon ang mga reklamo ng mga manggagawa mula sa pambabarat sa sahod at ‘di makataong trato.
Wala silang malinis at maayos na palikuran sa pagawaan. Hindi rin libre at pinababayaran pa sa kanila ang inuming tubig. Overworked at nagtatrabaho pa rin kahit pa masama ang pakiramdam dahil sa buwanang dalaw ang mga kababaihang mananahi.
“Nagtatarabaho naman kami nang maayos. Pero bakit ganito kami itrato?” ani Nanay Weng.
Kahit sa buong panahon ng pandemya, hindi man lang sila nabigyan kahit katiting na ayuda. Utang daw ang salaping ibinigay sa kanila noong lockdown kaya’t pinabayaran pa sa kanila.
Noong Disyembre 2022, nagdeklara ng bankruptcy ang kumpanya. Ngunit hindi ito pinaniwalaan ng mga manggagawa. Ang hinala nga nila, dahilan lamang ito upang masabotahe ang kanilang pagbubuo ng unyon na pinangungunahan ni Nanay Weng.
Ayon pa sa kanilang grupo, ginagawa ng may-ari ang “sistemang didal” o ang paglilipat ng produksyon sa isa pang pabrika na pareho lang ang may-ari.
Sa kanilang kaso, inilipat sa sister company ng LS Philippines Manufacturing, Inc. na Lee&Choi Manufacturing Apparel, Inc. ang kanilang mga dapat na tatahiin. Parehong pagmamay-ari ng Koreanong si Dong Seung ang dalawang pagawaan ng damit.
Iniluluwas ng naman Koreanong negosyante ang mga produktong damit na tinatahi nina Nanay Weng sa Estados Unidos na ibinebenta sa Macy’s, isang sikat at mamahaling department store chain.
Bukod pa dito, umiiwas magbigay ang kumpanya ng P28 na dagdag-sahod alinsunod sa Wage Order No. IVA-19 ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board-Region IV-A na inilabas noong Disyembre 2022. Nais ding tanggalin sa pabrika ang mga manggagawang 45 taong gulang pataas.
Ang pagtatayo sana ng unyon ang magsisilbing boses ng kanilang mga hinaing. Ngunit naudlot ang kanilang paglaban sa biglaang pagsasara ng kumpanya.
Para kay Nanay Weng, kasinungalingan ang mga dahilan ng pagsasara ng kanilang pagawaan.
Una, dahil walang mapaikitang financial record ng pagkalugi ang may-ari. Pangalawa, ilang buwan bago magdeklara ng diumano’y pagkalugi, binati pa sila dahil sa dami ng order na pumasok sa pabrika.
Sa kasalukuyan, tuloy-tuloy ang pagharap sa hearing mga manggagawa, kinasuhan nila ng union busting ang may-ari ng pabrika. Hiling din nila na bayaran ng kumpanya ang apat na regular holiday na hindi nito binayarang noong at ibalik sa trabaho ang mga sapilitan at iligal na tinanggal.
Dati nang mahirap, higit pa silang pinahirap mula nang isara ang kanilang pinagtratrabahuhan. Gayunman, naniniwala si Nanay Weng at kanyag mga kasamahan na kailangan nilang lumaban para sa kanilang kabuhayan at karapatang mag-unyon.
“Ang pag-uunyon ang pinakamabisang armas ng mga manggagawa upang makamit ang kanilang mga lehitimong mga karaingan,” wika ni Nanay Weng
Alam ni Nanay Weng ang kaniyang mga sinasabi at ipinaglalaban. Minsan na siyang nakapagpanalo ng laban ng mga manggagawa. Halos pinalaki na niya ang nag-iisang anak sa mga welga ng manggagawa at iba pang gawain sa pag-uunyon.
Singtibay ng bato ang kaniyang paninindigan na dapat mag-unyon at magsama-sama ang mga manggagawa upang igiit ang nararapat na kanila.
Raquel Valerio is a radio host/writer and producer for TV. She is also a talent, cultural performer, and potter.