‘Alam mo na ba kung sino ang iyong mga bayani?’ – Pinoy Weekly


Ang pagpupugay sa mga bayaning nakibaka at patuloy na nakikibaka para sa tunay sa soberanya at hustisya, hindi na lang sa plakard inilalagay. Ang mga testimonya, hindi na lang sa lansangan isinisigaw. Ibinabaybay na rin nang may tono at ritmong nakasandig sa katotohanan. 

Ito ang konsepto ng bandang Oriang sa kanilang mga awiting ipinakilala noong Set. 27 sa kanilang kauna-unahang album launch. Laman ng album ang mga kantang nagkukuwento at nagpupugay sa mga makabagong bayaning nakibaka para sa kalayaan, hustisya at kapayapaan.

Nagsimula ang pagbuo ng 12-track album noong Abril 2022 sa mga paunang kantang “Amanda”, “Kerima” at “Chad” sa ilalim ng Innovation for Change-East Asia’s Libraries of Resistance grant.

Ngayong taon, nadagdagan naman ito ng mga kantang nagbibigay pugay kina Leonard Co, Ericson Acosta, Estelita Bagasbas, Daisy Macapanpan, Adora de Vera, Zara Alvarez, Alvin Fortaliza, Brandon Lee, Eugenia Magpantay at Agaton Topacio. 

Sumasalamin ang mga awit sa kuwento ng bawat aktibistang nagiging biktima ng umiiral na pasismo sa bansa. Sa datos ng mga grupong Karapatan at Kapatid noong Marso 2024, mayroong 812 political prisoners sa buong bansa at 672 dito ay kinulong ng walang sapat na katibayan—kabilang sina Amanda Echanis at Alvin Fortaliza. 

Karamihan sa kanila’y nakulong noong panahon ni dating pangulong Rodrigo Duterte habang 90 naman sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Bunga ito  ng pananatili ng mga polisiyang isinulong ng kanyang amang diktador na si Ferdinand Marcos Sr.

“Ang dami-daming nakulong at ang daming pinarusahan, tinortyur tulad ko pero nagpapatuloy ngayon kaya ang ganda-ganda nitong ginagawa ng Oriang kasi ginagamit natin ang lahat ng larangan para lumaban,” ani Adora de Vera na isang martial law survivor at dating bilanggong politikal.

Aniya, mainam na instrumento ang musika at mga malikhaing sining upang labanan ang diktadura. Bagaman alangan sa pagturing sa sarili bilang bayani, masayang tinanggap ni de Vera ang kantang nilikha para sa kanya ng banda. 

“Ako’y nangangakong magpapatuloy ngayong natulungan ako ng kilusang masa na makalabas,” dagdag niya. 

Para kay Tao Aves na bokalista ng banda, ang mga kanta’y maaaring “direkta o hindi direktang nagsasalita sa mga kondisyon ng mundo na tinitirhan ng manunulat at hindi maiiwasang ipaalam nito kung paano sila tumugon sa mga hamon na kanilang mamanahin mula sa atin.”

“Ang kabayanihan ay ang halimbawang ipinakita ng masa na tumatanggap ng bigat ng pang-aapi ng estado,” aniya.

Dinaluhan din ang album launch ng ikalawang nominado ng Gabriela Women’s Party at Bantay Bigas spokesperson Cathy Estavillo, environmental advocate at dating bilanggong politikal na si Daisy Macapanpan, ang mga anak ng mag-asawang Eugenia Magpantay at Agaton Topacio na mga peace consultant ng National Democratic Front of the Philippines. Dumalo rin ang iba’t ibang miyembro ng mga progresibong grupo.

Hango ang pangalan ng banda sa palayaw ni Gregoria de Jesus na madalas rin tawaging “Inang Oriang” at “Lakambini ng Katipunan”, si Oriang ang nagtatag at nahalal bilang ikalawang pangulo ng La Semilla, grupo ng mga babaeng katipunera.

Matapos makapakinggan ang album ng Oriang, masasagot mo na ba ang tanong sa kantang “Alvin”? Kilala mo na ba silang tunay na nakibaka at naging boses ng masa? Alam mo na ba kung sino ang iyong mga bayani?

Mapapakinggan ang kanilang self-titled album sa Spotify at YouTube.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!