Nakatanggap ng nominasyon sa anim na kategorya ng 73rd Filipino Academy of Movie Arts and Sciences (Famas) Awards ang dokumentaryong “Alipato at Muog” ng direktor at PinoyMedia Center board member JL Burgos, kapatid ng dinukot at hindi pa natatagpuang tanggol-magsasaka na si Jonas Burgos.
Nominado ang dokyu para sa mga karangalan na Best Picture, Best Director, Best Screenplay, Best Visual Effects, Best Sound at Best Editing. “Wala kaming artista. Ang meron lang kami ay katotohanan,” sabi noon ng direktor.
Inilahok ng Pulang Langgam Media Productions sa Cinemalaya 2024, nag-aalay ito ng sulyap sa halos dalawang dekadang paghahanap ng pamilya Burgos kay Jonas na dinampot noong Abril 28, 2007, sa pangungulila ng kanyang mga minamahal, sa masalimuot na proseso ng imbestigasyon, at pati sa kuwento ng pakikiisa sa iba pang pamilya ng desaparecidos.
“Anong istorya pa ba ang puwede ko ikuwento kundi ang istorya ni Jonas at ng mga desaparecidos na malapit sa aking puso,” sabi ni JL sa panayam ng Pinoy Weekly nang unang ipalabas ang dokumentaryo noong nakaraang taon sa Cinemalaya kung saan ito nanalo ng Special Jury Award.
Mula noon, at sa kabila ng naunang X rating ng Movie and Television Review and Classification Board, nailibot na ni JL ang pelikula sa dose-dosenang lungsod mula Luzon hanggang Mindanao, tulad na lang sa University of the Cordilleras sa Baguio City, University of San Carlos sa Cebu City, University of the Philippines Mindanao sa Davao City at marami pang iba.
