Anatomiya ng pambansang tigil-pasada

November 27, 2023


Ayon sa Piston, hindi isinama ang apektadong mga grupo at sektor sa pagbalangkas ng PUV Modernization Program. Kaya naman hindi kataka-taka kung bakit malalaking korporasyon at kompanya ang pangunahing nakikinabang dito.

Ni MICHELLE MABINGNAY
Pinoy Weekly

Muling nagkasa ng pambansang tigil-pasada ang mga grupo ng drayber at opereytor ng jeepney nitong Nob. 20-24 upang igiit ang kanilang prangkisa at kabuhayan. Ito na ang pang-apat na malakihang welgang transportasyon ngayong taon.

Sa pangunguna ng Pagkakaisa ng Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston) at Malayang Alyansa ng Bus Employees at Laborers (Manibela), naparalisa ang maraming ruta sa Metro Manila at iba pang siyudad sa bansa.

“Matagumpay ang ating transport strike na halos umabot tayo ng 95% dito sa National Capital Region (NCR) at umabot ng 80% sa iba’t ibang lalawigan,” sabi ni Piston national president Mody Floranda sa pagtatapos ng unang tatlong araw ng welga.

Strike center sa Metrobank Baclaran sa Pasay City. Carlo Cabanlit/Pinoy Weekly

Sinabi naman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na “walang malaking epekto” ang transport strike dahil sa koordinadong paghahanda ng ahensiya sa iba pang tanggapan, mga pamahalaang lokal at pulisya para iakomoda ang stranded na mga komyuter sa limang araw na tigil-pasada.

Para kay Mary Ann Catacutan, 31, “tagos hanggang bulsa” ang epekto sa mga tulad niyang manggagawa at mananakay kapag walang pumapasadang mga jeepney.

“Kapag wala kasing masakyang jeep, napipilitan kaming sumakay sa mga air conditioned [na minibus] na mas mahal ‘yong pamasahe. E magkano lang naman ‘yong sahod namin, kulang pa nga pangkain,” ani Catacutan na staff ng isang canteen sa Sangandaan, Quezon City.

Batid nina Edgar Paz, 52, at Joseph Cañada, 55, kapwa mga drayber ng jeepney sa rutang Novaliches-Blumentritt, ang kalbaryo ng mga pasahero. Pero wala na umano silang ibang paraan kundi ang magwelga dahil hindi pa rin pinakikinggan ng gobyerno ang kanilang mga hinaing.

Banta sa kabuhayan

Noong 2017, inilunsad ng administrasyong Rodrigo Duterte ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) para umano ayusin ang sistema ng pampublikong transportasyon sa bansa. Inilabas ng Department of Transportation ang Omnibus Franchising Guidelines (OFG) na una at pinakamahalagang bahagi ng programa.

Sa ilalim ng OFG, kailangang ikonsolida ng mga drayber at opereytor ng jeepney ang kanilang mga yunit sa isang kooperatiba o korporasyon na tatayong “fleet manager” at magpapatakbo sa partikular na ruta alinsunod sa polisiyang “one-route, one franchise.”

Sa isang prangkisa, 15 yunit ng “modernong jeepney” ang minimum na kailangan. Ang isang yunit ay nagkakahalaga ng P2.4 milyon hanggang P2.8 milyon, lagpas triple sa pinakamahal na bago at magandang klaseng tradisyonal na jeepney na P800,000.

“Pag-aaralan,” ito ang sagot ni LTFRB chairperson Teofilo Guadiz III sa naging pag-uusap nila ni Piston president Mody Floranda sa strike center sa E. Rodriguez Ave. sa Quezon City noong hapon ng Nob. 20. Marc Lino Abila/Pinoy Weekly

Ang LTFRB ang ahensiya na naatasang magbigay ng prangkisa sa mga pampasaherong sasakyan. At tinaningan nito ang mga drayber at opereytor na magpakonsolida hanggang Disyembre 31. Nakailang ulit na in-extend ito noon dahil sa matagumpay na mga pambansang tigil-pasada.

Pero sabi ni LTFRB spokesperson Celine Pialogo, “non-negotiable” na ang deadline ng konsolidasyon at iginiit na wala namang phase out sa susunod na taon.

Ngunit ayon kay Manibela president Mar Valbuena, unang hakbang ang konsolidasyon para ma-phase out ang kanilang mga jeepney.

“Ayaw bitawan ng gobyerno ito kasi dito magsisimulang mag-phase out. I-surrender lahat ng prangkisa, OR/CR (official receipt/certificate registration), plaka at sasakyan then after six months, kailangang mangutang para magpalit ng sasakyan. So mamo-modernize na after six months, nine months, o 12 months. Ngayon, babaguhin lang nila ‘yon, pinahaba lang ‘yong pangungutang namin pero phase out pa rin kami,” ani Valbuena.

Sa tala ng LTFRB, nasa 65% pa lang ng mga yunit ng PUV sa bansa ang nakapagkonsolida. Meron pang 69,665 na drayber at opereytor na may sariling prangkisa ang pinangangambahang mawalan ng kabuhayan pagkatapos ng deadline.

Ayon sa mga drayber at opereytor na nakausap ng Pinoy Weekly sa iba’t ibang protest center ng tigil-pasada, ayaw nilang pumaloob sa pahirap at “budol” na OFG.

“Marami naman nagpa-consolidate na hindi binigyan ng yunit. Anong ibig sabihin no’n?” sabi ni Diego Buwaya, 53, drayber na nakilahok sa tigil-pasada. “Saka isa pa, napakamahal ng yunit nila. Hindi kayang bilhin ng maliliit na opereytor ‘yon.”

Isa sa mga nagpakonsolida ang Guadalupe-FTI Operators Drivers Association Inc. Kuwento ni Rommel Odevilas, bise presidente ng asosasyon, napilitan silang pumasok sa hindi patas na kasunduan sa pagitan ng isang Tsino dahil sa OFG at kakulangan ng suportang pinansiyal ng pamahalaan. Ang akala nilang magbibigay sa kanila ng alwan ang siya umanong nagpalubog sa kanila sa kumunoy.

“Hindi nila sinunod ang aming magandang naging usapan. Hanggang sa ngayon ay wala nang ibinigay sa aming public operators at drivers,” sabi ni Odevilas.

Modernisasyon para sa iilan

Ayon sa Piston, hindi isinama ang apektadong mga grupo at sektor sa pagbalangkas ng PUVMP. Kaya naman hindi kataka-taka kung bakit malalaking korporasyon at kompanya ang pangunahing nakikinabang dito.

Sa kasalukuyan, dominante ng mga Pangilinan, Ayala, Aboitiz, Villar at iba pang lokal na malalaking kapitalista ang mga minibus na pumapasada sa loob at labas ng NCR.

Noong Setyembre 2022, inanunsiyo na maglalaan ng P1.5 bilyon si Manny V. Pangilinan para sa mahigit 500 yunit na minibus na bibiyahe sa halos 35 ruta sa bansa matapos pumirma ng kasunduan ang Metro Pacific Tollways Corporations (MPTC) sa pamamagitan ng MPT Mobility Corp. na pagmamay-ari ni Pangilinan sa opereytor ng mga minibus na Biyahe na rehistrado bilang On-Us Solutions Inc.

Nagpahayag din ng suporta sa PUVMP nitong Marso ang mayamang negosyante’t senador na si Cynthia Villar. Aniya, “We have to find a way by which they can afford to buy this. I’m thinking of giving a lower interest para bumili nito through the Landbank and [Development Bank of the Philippines].”

Samantala, nanggagaling naman sa ibang bansa tulad ng United States, Japan, South Korea at China ang mga yunit at makina ng minibus.

Strike center sa Alabang City Terminal sa Muntinlupa City. John Harvy Amatorio/Pinoy Weekly

Dahil namomonopolyo ng iilang negosyante ang industriya ng transportasyon, mawawalan ng kabuhayan pati ang maliliit na namumuhunan at manggagawa ng lokal na industriya. Pinangangambahan ding lolobo ang pamasahe kapag tuluyang maipatupad ang PUVMP.

Sa pag-aaral ng Piston, aabot sa P35 hanggang P45 ang magiging minimum na pamasahe sa ilalim ng programang modernisasyon. Malaking kabawasan ito sa mga manggagawang arawan ang sahod. Sa Metro Manila, nakapako pa rin sa P610 ang minimum wage.

Sabi ni Kilusang Mayo Uno secretary general Jerome Adonis, ang pagtaas ng pamasahe ay babalikatin ng milyon-milyong manggagawa, kabataan-estudyante at maralita. Hindi rin umano ito nangangahulugan ng dagdag kita sa mga drayber at opereytor dahil ipapambayad-utang lang ito napakamahal na yunit.

Makatarunangang transisyon

“Hindi naman kami tutol sa modernisasyon,” paglilinaw ng mga sumama sa pambansang tigil-pasada.

Sa katunayan, anila, pabor sila sa layuning paunlarin ang sistema ng pampublikong transportasyon. “Gusto rin namin ‘yong makabubuti sa amin, sa pasahero, at [sa] kapaligiran,” sabi ni Buboy Ramos, 56, drayber sa Novaliches.

Para kay Floranda, dapat nakasandal sa interes ng mga komyuter, drayber at opereytor ang anumang programa ng modernisasyon. Matagal na umanong nagre-rehabilitate ang sektor at dapat suportahan na lang ito ng gobyerno.

Dagdag pa niya, holistikong balangkas ng programa ang kailangan para sa makatarungang transisyon. Kailangang isulong ang pambansang industriyalisasyon na susi sa paglikha ng mas murang “e-jeepney” at akuin ng gobyerno ang pampublikong transportasyon.

Ngayong ipinagpapatuloy ng rehimeng Ferdinand Marcos Jr. ang PUVMP, patuloy ding maglulunsad ng tigil-pasada ang mga drayber at opereytor para igiit ang kanilang karapatan sa kabuhayan. /May ulat mula kay Jhovie Berasis



Source link

Don't Miss

Nagpalala sa baha – Pinoy Weekly

Larawan mula sa Pamalakaya. Maaari sanang mabawasan ang pagbahang dulot

Magkakasunod na taktikal na opensiba ng BHB sa Masbate

Magkakasunod na gerilyang aksyon ang inilunsad ng mga yunit ng