Hindi bababa sa 18 pasistang sundalo ang napatay nito na mga sundalo ng 8th Infantry Division habang lima ang nasugatan sa serye ng mga taktikal na opensiba ng mga yunit ng BHB sa Northern at Western Samar mula Hunyo hanggang Agosto. Ito ang laman ng ulat kamakailan ng panrehiyong kumand ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Eastern Visayas na ipinadala sa Ang Bayan.
Kabilang sa mga kaswalti ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ay ang limang tropa ng 4th Scout Ranger Battalion (SRB) na nasawi sa mga labanan. Ang 4th SRB ay isa sa mga “elite” na pwersang militar na pinakahuling idineploy sa rehiyon para tapusin diumano ang hukbong bayan. Wala namang natamong kaswalti ang BHB.
Sa Northern Samar, hinaras ng isang yunit ng BHB-Northern Samar (Rodante Urtal Command) ang isang kolum ng 4th SRB na tumatambay sa isang sakahan ng masa, sa eryang sakop ng Barangay Senonogan de Tubang, Silvino Lobos noong Hulyo 31 bandang alas-2 ng hapon. Isang pasistang tropa ang namatay.
Kinabukasan, bandang alas-9 ng umaga, hinaras ng BHB-Northern Samar ang isa pang kolum ng 4th SRB na magrereimpors sana sa kolum na nauna nang pinaputukan ng Pulang hukbo. Dalawang pasistang tropa ang namatay habang isa pa ang nasugatan.
Noong Agosto 3, pinaputukan ng BHB-Northern Samar ang isang kolum ng mga pasistang tropa na kanilang nakaengkwentro sa pagitan ng Barangay Avelino at Barangay MacArthur, Las Navas, sa alas-9 ng gabi. Dalawang sundalo ang napatay. Isa namang sugatang sundalo ang isinakay sa pumpboat sa bayan ng Pambujan.
Dalawang beses namang hinaras ng BHB-Northern Samar ang isang kolum ng mga tropa ng 19th IB sa Barangay Gecboan, Silvino Lobos noong Agosto 14. Dalawang sundalo ang napatay habang isa ang nasugatan. Sa takot ng mga pasista bawat susing tereyn na madaraanan ay kanilang pinapaputukuan ng M203 grenade launcher kahit na wala namang pwersa ang BHB doon.
Sa Western Samar, hinaras ng BHB-Western Samar (Arnulfo Ortiz Command) ang isang kolum ng kaaway sa pagitan ng Barangay Carolina at Barangay Balud sa Matuguinao noong Hunyo 26 bandang alas-2 ng hapon. Isang tropa ang napatay at isa naman ang sugatan.
Noong Hunyo 30, hinaras ng BHB ang isang kolum ng 4th SRB bandang alas-2 ng hapon kung saan dalawang tropa nito ang napatay. Kinabukasan, dalawa na namang sundalo ang napatay nang muli silang harasin ng mga Pulang mandirigma bandang alas-9 ng umaga.
Noong Hulyo 26, muling pinaputukan ng Pulang hukbo ang isang kolum ng mga pasistang tropang nagmula sa Balud at patungong Carolina. Isang tropa ang namatay habang isa naman ang nasugatan.
Bukod sa mga operasyong haras, pinarusahan ng BHB-Northern Samar ang isang kasapi ng grupong paramilitar na Dos, na kilala rin sa pangalang Alsa Masa, sa Barangay Ligaya, Matuguinao noong Agosto 5. Ang Dos ay notoryus na kriminal na grupo sa nasabing bayan. Pinapanatili at nagsisilbi itong mersenaryong grupo ng berdugong meyor na si Aran Boller.
Ayon kay Ka Karlos Manuel, tagapagsalita ng BHB-Eastern Visayas (Efren Martires Command), “mariing pinabubulaanan ng mga taktikal na opensibang ito ang kasinungalingan ni 8th ID commander Maj. Gen. Camilo Ligayo na ‘nalansag’ na ang sinasabing natitirang mga larangang gerilya ng BHB sa rehiyon.”
“Lalong katawa-tawa ang sinasabi nilang walang nailunsad na taktikal na opensiba ang BHB ngayong taon,” dagdag ni Manuel.
Ayon pa sa panrehiyong kumand, patunay din ang mga opensiba na patuloy na nilalabanan at binibigo ng BHB sa Eastern Visayas ang tumitinding atake ng 8th ID sa rebolusyonaryong kilusan at sa mamamayan.
“Ipinapakita nito ang patuloy na pagtataguyod ng BHB sa kagalingan ng masa, laluna ng mga magsasaka. Dahil dito, tinatamasa ng BHB ang suporta ng masa, na walang kapantay na ang paghihirap sa ilalim ng mga pasistang sundalong nagkakampo at nanggugulo sa kanilang mga baryo at ng teroristang rehimeng US-Marcos.”
Ayon pa kay Manuel, dapat magsilbing inspirasyon ang mga taktikal na opensiba ng mga yunit ng BHB sa Northern at Western Samar sa lahat ng mga Pulang mandirigma, sa buong rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon at sa masa.
“Lalong dapat nilang pagliyabin ang kanilang mapanlabang diwa, pagtibayin ang kanilang pagkakaisa at paigtingin ang kanilang rebolusyonaryong pakikibaka. Dapat pang paigtingin ng BHB ang mga taktikal na opensiba, laluna yaong mga nakakakumpiska ng armas, upang mabigo ang pasistang kontra-rebolusyonaryong gera ng 8th ID,” pagtatapos ni Manuel. (Ulat ng Larab)