Nagprotesta ang mga magsasaka at manggagawang-bukid sa Department of Agrarian Reform kahapon, Nobyembre 16, upang gunitain ang ika-19 na anibersaryo ng Hacienda Luisita Massacre. Sa pangunguna ng Alyansa ng Manggagawang Bukid sa Asyenda Luisita (AMBALA), ipinanawagan nila ang hustisya para sa pitong manggagawang-bukid na napaslang at ang pamamahagi ng lupa sa mga magbubukid.
Inalala nila ang pitong manggagawang-bukid na sina Adriano Caballero Jr, Jaime Pastidio, Jhaivie Basilio, Jessie Valdez, Jesus Laza, Jhune David, at Juancho Sanchez. Pinaslang sila ng mga pwersang militar nang pagbababarilin ang mga manggagawang-bukid na naglunsad ng welga laban sa pangangamkam sa 6,453-ektaryang tubuhan sa Hacienda Luisita sa Tarlac ng pamilya Cojuangco-Aquino noong 2004.
Sa brutal na atake ng estado, 121 ang nasugatan, kabilang ang mga bata, at 133 naman ang inaresto at ikinulong. Ayon sa mga grupo, nananatiling walang katarungan para sa mga biktima ng karumal-dumal na pasismo ng estado.
Patuloy na ipinaglalaban ng mga magbubukid ang pamamahagi ng lupang saklaw ng asyenda. Dismayado sila sa pagwawalambisa ng estado noong 2022 sa mga “notice of coverage” na inilabas ng DAR noong 2013 at 2014 upang ipamahagi ang walong parsela sa loob ng asyenda na narehistro sa ilalim ng Tarlac Development Corporation (TADECO). Ang 358-ektaryang lupa na iginigiit ng mga magsasaka at manggagawang-bukid ay 5% lamang ng kabuuang lupain ng asyenda.
Binatikos at tinutulan din ng AMBALA ang iligal na pagbenta ng 200 ektarya ng lupaing inaangkin ng Central Azucarera de Tarlac (CAT), na ngayon ay kontrolado ng mga pamilyang Lorenzo at Ayala at kasosyo ng mga Cojuangco-Aquino upang itulak ang pagpapalit-gamit dito.
“Paano maghihilom ang dalawang-dekadang sugat ng mga magbubukid sa Luisita kung patuloy silang pinagkakaitan ng lupa at dinadahas ng estado?” tanong ni Ariel “Ka Ayik” Casilao, tagapangulo ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA). Giit niya, ang kaso ng Luisita ay patunay na makinarya ng naghaharing uri ang estado para panatilihing api sa masang magsasaka.
“Hindi natin maipapaubaya sa estado ang pagpapanagot sa rehimeng Macapagal-Arroyo, Aquino, at Marcos para sa inhustisyang inihasik nila sa mga magbubukid ng Hacienda Luisita…kilusang masa lamang ang makasisingil sa kanila,” aniya.