Ang Bayan » 2.3 milyong trabaho, nawala noong Setyembre


Umaabot sa 2.3 milyong trabaho ang naitalang nawala noong Setyembre, batay sa pinakahuling datos na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) kahapon, Nobyembre 8. Pinakamarami ang nalagas sa sektor ng pagmamanupaktura (888,000) kasunod sa wholesale at retail trade (722,000) at agrikultura at pangisda (649,000). Dagdag sa mga nawalang trabaho ang 358,000 na inilaglag sa pwersa ng paggawa sa parehong panahon.

Ayon sa PSA, ang nawalang mga trabaho sa pagmamanupaktura ay dulot ng pagbaba ng demand para sa eksport at pagsasara o pagpapaliit ng operasyon ng dayuhang mga pabrika. Una nang naiulat ng Semiconductor and Electronics Industries in the Philippines Foundation Inc. (Seipi) ang 4% pagbagsak ng mga eksport ng subsektor ng elektroniks sa tatlong kwarto ng taon. Malayo ito sa unang taya ng Seipi na lalago nang hanggang 5% ang subsektor sa 2023.

Bagsak din ang ibang subsektor na nakatuon sa eksport at nakaasa sa imported na kagamitan at sangkap. Kumitid nang 6.3% ang eksport ng bansa, kasabay ng pagliit ng import nang 14.7% noong Setyembre. Negatibo ang balanse ng kalakalan sa bansa (-$3.51 bilyon) kung saan mas malaki ang inimport na mga kalakal (60.3%) kumpara sa ineskport nito.

Isinisisi ng mga ekonomista ang nagtatagal nang depisit sa kalakalan sa “unilateral na mga desisyon” ng China at US na bawiin ang kanilang mga order at negosyo sa bansa mula pa 2018. Pangita ito ng dinaranas na krisis ng malalaking kapitalistang bansa na tumutungo sa resesyon. Wala silang sinasabi kaugnay sa mas malalim na problema ng ekonomyang nakaasa sa dayuhang kapital at imported na materyal at walang sariling mga industriya.

Liban sa pagbagal ng produksyon, inililipat din ng dayuhang mga kumpanya ang kanilang mga operasyon sa ibang bansa kung saan mas mababa ang gastos sa produksyon para makapagkamal ng mas malaking tubo at sa parehong panahon, takasan ang kanilang pananagutan sa manggagawang Pilipino. Isa sa pinakaapektado ang subsektor ng damit, na noon pang nakaraang taon nagsimulang magsisante ng libu-libong manggagawa. Tinatayang mahigit 10% ng kabuuang 270,000 manggagawa sa damit ang mawawalan ng trabaho. Nagbabawas din ng operasyon ng malalaking pabrika tulad ng Nexperia, na nagsara ng isang buong departamento para magtanggal ng mga manggagawa at buwagin ang kanilang unyon.

Kasabay nito, lumiit ang bilang ng itinuturing na nasa pwersa ng paggawa, mula 50.08 milyon noong Setyembre 2022 tungong 49.93 milyon noong nagdaang Setyembre. Bumaba ang labor force participation rate (tantos ng partisipasyon ng lakas-paggawa) mula 65.2% noong Setyembre 2022 tungong 64.1%. Marami sa “nalaglag” ay kababaihan, na ayon sa PSA, ay “hindi naghanap ng trabaho” dahil sa paggagawaing bahay.

Sa kabila nito, ipinagmamalaki pa rin ng mga upisyal ng rehimeng Marcos Jr na “bumaba” ang tantos ng disempleyo mula 5% noong Setyembre 2022 tungong 4.5% noong nagdaaang Setyembre. Gayunpaman, bahagyang mas mataas pa rin ito kumpara sa 4.4% na tantos ng disempleyo noong Agosto.

Iniulat din ng estado na nakalikha ito ng 2.07 milyong trabaho sa mga sektor ng akomodasyon at pagkain, administratibo at suportang serbisyo, konstruksyon, transportasyon at storage, at pangisda. Taliwas sa ipinagmamalaki nitong “matataas na kalidad” ang nalikhang trabaho, kilala ang nabanggit na mga sektor sa kontraktwal, panandalian at mababang-sahod na empleyo. Mas mababa rin nang 50,000 ang nalikhang bagong mga trabaho kumpara sa nawala sa magkasunod na buwan (Agosto-Setyembre.)



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!