Ang Bayan » 2 magsasaka, inaresto ng militar at pulis sa Himamaylan City


Dinakip at ikinulong ng mga sundalo ng 94th IB at lokal na pulis ang dalawang sibilyan noong Nobyembre 8 sa Sityo Pisok, Barangay Buenavista, Himamaylan City, Negros Occidental. Pinalalabas ng militar na ang naturang mga sibilyan ay mga kasapi ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) na nadakip diumano matapos ang isang engkwentro sa lugar.

Sa pahayag ng BHB-South Central Negros, sinabi nitong hindi mga mandirigma ang dinakip at walang naganap na engkwentro sa lugar.

Tinawag ni Ka Dionesio Magbuelas, tagapagsalita ng BHB-South Central Negros na “drama” ang engkwentro na iniulat ng kumander ng batalyon na si Lt. Col. Van Donald Almonte. “Walang katotohanan na nagkaroon ng 15-minutong sagupaan kung saan pinalalabas na nasamsam ang tatlong M16, mga magasin at bala, at ibang kagamitang militar,” aniya.

Sa ulat ng yunit ng BHB, ang dinakip ng higit 80 sundalo ay mga sibilyang sina Joel Casusa, 40 anyos, at Jenny Radles, 50 anyos na nakatira sa naturang sityo. Dinampot sila sa bahay bago dinala sa ilog at doon ipinailalim sa interogasyon, pambubugbog at tortyur.

Si Casusa ay dating tagapangulo ng lokal na asosasyon ng mga magsasaka na Kauswagan sang mga Mangunguma sa Barangay Buenavista (KMB), habang si Radles ay aktibong kasapi ng grupo. Dati nang biktima ng iligal na pag-aresto si Casusa noong 2019. Dinakip siya habang naliligo at ikinulong sa loob ng anim na buwan bago ibasura ng korte ang kasong isinampa sa kanya dahil walang ebidensya.

Nagpapatuloy ang focused military operation ng 94th IB sa limang sityo sa Barangay Buenavista kung saan nag-ooperasyon ang higit 150 sundalo.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!