Ang Bayan » 24 dinakip, kabilang ang isang Pilipino, pinalaya ng Hamas


Pinalaya ng Hamas ang 24 indibidwal noong Nobyembre 24, ang unang grupo sa napagkasunduang palalayaing 50 indibidwal. Alinsunod ito sa mga kundisyon ng 4-araw na tigil putukan sa Gaza. Ang mga nakatakdang palayain ay kabilang sa 237 na dinakip ng mga pwersa ng Hamas sa inilunsad nitong operasyong Al-Aqsa Flood noong Oktubre 7.

Kabilang sa mga pinalaya ang apat na bata at anim na matatanda na Israeli, 10 Thai at isang Pilipino. Sa unang pagkakataon, napag-alaman ng publiko na nabihag ang isang 33-taong gulang na Pilipinong nagtatrabaho bilang manggagawang-bukid sa okupadong teritoryo ng Palestine. Isa pang Pilipino ang di pa natatagpuan hanggang ngayon at sinasabing posible ring dinakip ng Hamas.

Kapalit ng pagpapalaya ng 24 ang pagpapalaya naman ng 38 Palestinong mga bilanggong kababaihan at mga tinedyer mula sa mga kulungan ng Israel. Alinsunod sa kasunduan, nakatakdang magpalaya ng hanggang 150 bilanggo. Sa paunang mga panayam sa mga pinalayang Palestino, isinalaysay nila ang mga dinanas nilang tortyur sa mga bilangguan ng Israel.

Pinalaya ang mga bihag sa kustodiya ng International Committee of the Red Cross.

Resulta ang tigil-putukan, na tinawag ding “humanitarian pause,” ng negosasyon sa pagitan ng Hamas at Zionistang mga upisyal ng Israel na pinagitnaan ng Qatar, US at Egypt. Naitulak ang US at Israel na pumasok dito sa kabila ng nauna nilang pagtutol sa pananawagan ng tigil-putukan (“no ceasefire”) matapos mahiwalay sila sa internasyunal na komunidad. Walang awat ang mga pagkilos at pagtuligsa ng milyun-milyong katao sa iba’t ibang dako ng mundo laban sa henosidyo ng Israel, at para sa kalayaan ng mga Palestino.

Isa-isang dumistansya ang mga alyado ng US sa Europe sa patakarang “no ceasefire” nang umalagwa na ng husto ang henosidyo at mga krimen ng digma ng Israel sa Gaza. Kabilang sa huling krimen nito ang pag-atake sa al-Shifa, ang pinakamalaking ospital sa Gaza, na nagresulta sa maramihang pagkamatay ng mga pasyente at kalauna’y pagsasara ng ospital.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!