Idineklara ng limang sentrong unyon at grupo sa paggawa na sama-sama silang magmamartsa sa Maynila sa darating na Nobyembre 30 bilang paggunita sa ika-160 kaarawan ni Andres Bonifacio, ama ng himagsikang Pilipino. Kabilang sa mga lalahok sa martsa patungong Mendiola ay ang Kilusang Mayo Uno (KMU), Buklurang Manggagawa, National Confederation of Labor (NFL), Association of Genuine Labor Organization (AGLO) at All Workers Unity (AWU).
Inianunsyo nila ito matapos ang isang martsa at programa sa Liwasang Bonifacio sa Maynila noong Nobyembre 27. Ayon sa mga manggagawa, sama-sama nilang itataguyod sa Nobyembre 30 ang sahod, trabaho, pampublikong serbisyo, karapatan at kalayaan.
Sa talumpati ni Ka Jerome Adonis, pangkalahatang kalihim ng KMU, binatikos niya ang rehimeng Marcos sa umiiral na krisis at kahirapang dinaranas ng masang manggagawa sa kasalukuyan. “Napakarami nating mga kababayan na walang trabaho o kulang sa trabaho…ang mga manggagawa pawang mga kontraktwal na mas mababa pa sa minimum wage ng kada rehiyon,” ayon sa kanya.
Ganito umano ang kalunus-lunos na kalagayan ng mga manggagawa sa harap ng napakataas na presyo ng pagkain at serbisyo. Binatikos rin niya ang lingguhang pagtataas ng presyo ng petrolyo sa bentahe ng mga kumpanya sa langis.
“Mayroong lingguhang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo na nagreresulta sa mabilis na pagtaas ng presyo ng lahat ng pagkain at serbisyo,” pahayag ni Adonis. “Sumatutal niyan ang napakalubhang kahirapan at kagutuman.”
Ito ang naghuhumiyaw na mga rason kung bakit makatarungan ang paglaban ng masang manggagawa at iba pang demokratikong sektor. “Kaya mga kapwa manggagawa, mga kababayan, nasa atin po ang lahat ng rason para gamitin ang ating mga demokratikong karapatan,” aniya.
Hamon pa niya sa kapwa manggagawa at anakpawis: “Nasa atin ang lahat ng dahilan para lumabas sa mga pabrika, sa mga komunidad, sa mga eskwelahan, sa mga terminal ng dyip at sama-sama na magprotesa sa lansangan.”