Ang Bayan » 8th ID, naghasik ng terorismo sa bayan ng Silvino Lobos sa Northern Samar


Hindi bababa sa 10 ang kaso ng paglabag sa karapatang-tao ang naitala sa mga barangay ng Silvino Lobos, Northern Samar sa unang hati ng 2023. Dahil sa tindi ng militarisasyon at teroristang paninibasib ng 8th ID at mga pulis, kamakailan lamang naiulat ang mga ito. Ang mga kasong ito ay maituturing na krimen sa digma at paglabag sa internasyunal na makataong batas.

Sa isang pahayag na may petsang Abril 22, inulat ng kumand ng BHB sa Northern Samar na binomba at pinaulanan ng bala mula sa himpapawid ng 8th ID ang mga komunidad sa Barangay Senonogan de Tubang, Silvino Lobos, Northern Samar sa buwan na iyun. Limang insidente sa iisang araw ang naitala sa naturang lugar. Kabilang dito ang pagpapakawala ng isang A129 ATAK helikopter ng 8th ID ng
siyam hanggang 10 rocket sa bukirin kung saan may tatlong magsasakang nagsasaka bandang alas-4 hanggang alas-5:30 ng hapon. Walong beses din itong nang-istraping. Pagsapit ng alas-7 ng gabi, nagpakawala naman ang mga berdugo ng apat na bala ng 105mm howitser sa
direkyson ng nasabing bukirin.

Isinasagawa ng AFP ang pambobomba at iba pang paglabag sa karapatang-tao sa tabing ng “pagpapalibot at paglipol” sa diumanoy natitirang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa lugar.

Noong araw ding iyon, pinaputukan ng nag-ooperasyong mga sundalo ang mga magsasakang sina Abner Sahoyan, Ben Berano at isang di pinangalana na pawang mga residente ng nasabing baryo. Ninakaw pa ng mga sundalo ang dala-dalang pagkain ni Sahoyan.

Noong Abril 2, ninakaw ng mga tropa ng 19th IB ang limang manok ng mga magsasakang sina Jome at Didi Diaz sa Barangay Senonogan de Tubang. Samantala, sinira ng mga pasista ang tatlong bahay sa bukid ng mga taga-Barangay Balud nag pagmamay-ari nina Palantoy dela Cruz, Kokoy Berano, at Bebe Diaz.

Noong Marso 16, hinuli ng mga pasistang tropa sina Jhonny Tursido at Dongo Arcebotse sa Barangay Geparayan de Turag. Sa araw ding ito pinaghuhuli ng mga sundalo ang mga magsasakang papunta sa bukirin para mag-ani. Sapilitan silang pinalilista ang kanilang personal na impormasyon sa isang logbook.

Noong Marso 6, sinira ng mga sundalo ang mga bahay sa bukid ng mga magsasakang nagngangalang Along at Totoy, mga taga-Geparayan de Turag. Hindi bababa sa 10 manok nila ang kinatay. Lima pang bahay ang sinira at hinalungkat, kung saan tinapon din ang mga damit, pinggan at kaldero. Ninakaw naman ang solar panel, mga itak at iba pang gamit.

Noong Marso 5, dalawang sakahan sa Senonogan de Tubang na may aanihing palay ang tinapak-tapakan ng nasa 40 nag-ooperasyong sundalo.

Ipinatutupad din sa mga barangay ng Silvino Lobos ang pagkontrol sa paglabas-pasok ng mga tao sa kada baryo. Itinatakda ng mga sundalo kung ilang oras maaaring lumabas at sinumang pumunta sa bukid o lumabas ay kailangang magpa-logbook sa sundalo. Hinuhuli ang mag-aani na wala sa logbook.

Nararanasan din ng mga magsasaka at residente sa mga bayan ng Mapanas, Gamay at Palapag ang katulad na karahasan. Sa kwento ng mga magsasaka, tuwing gabi ay paisa-isang iniikot ng mga sundalo ang bawat bahay upang bilangin ang lahat ng taong tumutuloy dito. Kung mag-iba ang bilang, papanagutin ang upisyal ng barangay. Iniinspeksyon kahit ang silong ng mga bahay. Tinitiktikan at sikretong pinapakinggan ang usapan ng mga tagabaryo sa kanilang mga bahay. Sa umaga, palibot-libot ang mga sundalo. Pinapalista sa mga tindahan ang lahat ng binibili dito para kanilang mabantayan.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!