Umalma ang mga guro sa DepEd Order No. 21, Series of 2023, isang arbitraryong kautusang ng Department of Education (DepEd) para basta-bastang alisin ang mga nakapaskil na materyal sa loob ng mga klasrum. Ayon sa mga guro, sila ang gumastos para sa mga ito at ginagamit sa pagkatuto ng mga estudyante, kaya hindi sila papayag na basta-basta lamang itong tatanggalin.
Alinsunod sa utos, dapat “tiyaking malinis at walang mga dekorasyon, tarpaulin o mga posters ang mga silid-aralan upang magkaroon ng pokus ang ating mga mag-aaral sa mga leksyon mula sa ating mga guro.”
Kinastigo ito ni Ruby Bernardo, Presidente ng ACT NCR Union, at sinabing, “kung meron mang dapat na tanggalin hindi yung mga nakasabit sa klasrum namin kundi yung dami ng trabahong ibinibigay sa aming mga guro na walang sapat na kompensasyon.”
Ang atas ng DepEd ay may kaugnayan sa kasalukuyang inilulunsad na Brigada Eskwela bilang paghahanda sa pagbubukas ng klase ngayong katapusan ng Agosto.
“Malinaw sa mga guro na ang mga materyal na ipinapaskil sa aming mga klasrum, laluna sa taong elementarya at primarya, ay makabebenepisyo sa ating mga visual learner,” paliwanag pa ni Bernardo.
Aniya, nakatutulong ito sa mga estudyante para sa mas maayos na kalagayan ng pagkatuto. Patutsada pa ng ACT NCR Union, ang atas ng departamento ay “simpleng nagpapatunay na ang Kalihim ng DepEd ay hindi maalam sa mga pamamaraan ng pagtuturo.”
Ganito rin ang kalakhang sentimyento ng mga guro sa kanilang mga komento sa social media. Ayon pa sa isang guro, “Tama po at yun ay ginastusan natin galing sa ating sariling bulsa. Napakababaw ng mga batas na naihahain nila kesa pakinggan ang matagal na nating hiling.”
Lumitaw din ang mga komento ng mga guro na dapat nang magtalaga ng isang “edukador para sa sektor ng edukasyon.” Matatandaang inamin ni Sara Duterte mismo sa isang talumpati sa DepEd noong Agosto 10 na hindi siya nagmula sa sektor ng edukasyon at wala siyang background kaugnay ng edukasyon kaya iniaasa niya sa kanyang mga upisyal ang ganitong mga usapin.