Sukdulan ang pambubundat ng reaksyunaryong estado sa pasistang makinarya nito na mas mataas pa ang inilaang badyet para sa mga retiradong pulis at sundalo kaysa sa inilalaan nito para sa pagpapaunlad ng agrikultura.
“Mas malaki pa ang badyet para sa pension ng pulis at militar kumpara sa badyet para agrikultura,” batikos ng KMP. ‘Maling-mali ang prayoridad ng gubyerno sa pagbabadyet.”
Binigyang-pansin ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) na sa panukalang badyet, ang nakalaan para sa Department of Agriculture ay nasa ₱108.5 bilyon lamang, na mas maliit pa kaysa ₱129.82 bilyon na nakatakdang ilaan sa pensyon ng mga retiradong militar at pulis. Ang pondong pampensyon na ito ay bahagi ng ₱232.2 bilyong badyet para sa Department of National Defense.
Binatikos din ng grupo nag “black budget” o ang bilyun-bilyong pondong pang-confidential at intelligence funds ng presidente, bise presidente at iba pang ahensya ng ehekutibo.
“Kada piso mula sa kaban ng bayan ay marapat gastahin ng mahusay at para sa kapakanan ng mga Pilipino,” anang grupo. “Ang pondong confidential at pang-inteledyens ay hindi magbebenepisyo sa mga magsasaka sa palayan na binabayo ng mataas na gastos sa produksyon at maliliit na manininda ng bigas na nalulugi ngayon dahil sa rice price ceiling.”
Panawagan din nilang huwag bigyan ni isang sentimo ang NTF-Elcac at ang Barangay Development Program (BDP) nito.
“Ang (badyet) para sa BDP na umaabot sa ₱8.6 bilyon o ₱10 milyon kada isa sa 864 na barangay ay gagamitin lamang para sa pondohan ang pwersahang pagpapasurender,” anito.