Ang Bayan » Bagong alituntunin at hinirang na presidente ng MIC, nagpalala sa peligro ng MIF


Lalong namemeligro ang pondo ng bayan sa minaniobrang implementation rules and regulations (IRR) ng Maharlika Investment Fund (MIF) na inilabas ng rehimeng Marcos Jr noong Nobyembre 12. Pansamantalang “isinuspinde” ang pagbubuo ng MIF noong Oktubre 12 matapos di nasiyahan si Ferdinand Marcos Jr sa unang nabuong IRR nito. Sa bagong bersyon na IRR, dalawa ang itinulak ni Marcos—1) paglawak ng kanyang awtoridad na pumili kung sino ang itatalaga sa Maharlika Investment Board (MIB), ang kunwa’y independyenteng komite na mamamahala sa pondo at 2) pagpapababa sa mga kwalipikasyong akademiko at karanasan sa negosyo ng ihihirang na president and chief executive officer (PCEO) nito.

Alinsunod sa batas, ang MIC ay magkakaroon ng siyam na myembro, kung saan uupo ang kalihim sa pinansya bilang chairperson, ang itatalaga ng presidente na PCEO, mga CEO ng Land Bank at DBP, dalawang regular na direktor at tatlong independyenteng direktor.

“Pinalalakas ng bagong IRR ang kontrol ni Ferdinand Marcos Jr sa Maharlika coporation nang bigyan nito ang presidente ng dagdag na kapangyarihan para pumili ng kaibigan niya para maging mga myembro sa Board of Directors nito, gayundin ang pagpasok ng kanyang mga kaibigang negosyante,” pahayag ng Bayan Muna noong nakaraang linggo.

Mas malala, anito, may mga probisyon ang bagong IRR kung saan nakasaad na maaari itong kumuha ng dagdag na pondo sa mga pampublikong kumpanya, hangga’t may batas para rito o itatakda ito ng “kinauukulang organo.” Ibinubukas nito ang mga pondo ng ibang mga ahensya sa MIF, kabilang ang pondo ng SSS at GSIS, na kunwa’y “ipinagbawal” sa kasalukuyang batas. “Syempre, laging pwedeng pagpasa ng bagong batas sa hinaharap para pahintulutan ang SSS at GSIS na mag-ambag ng pondo sa Maharlika,” ayon pa sa grupo.

Gayundin, iligal na ibinukas ni Marcos ang MIF sa kanyang mga pinaborang negosyante. Sa aktwal, inamyendahan ng bagong IRR ang batas na nagbuo ng MIF. Sa isang seksyon ng batas, isinaad nitong maglalaan ng ₱1.25 bilyon ang pambansang gubyerno at mga kumpanya at instrumentalty nito. Sa IRR, dinagdagan ang pambansang gubyerno, mga kumpanya at instrumentality ng “respetadong institusyong pinansyal (bangko) at korporasyon” na pawang mga pribado.

“Hindi maaring ilagay sa bagong IRR ang pagpasok ng mga pribadong korporasyon kung hindi ito nakasaad sa batas,” ayon sa Bayan Muna. “Hindi maaring magkaroon ng probisyon ang IRR sa isang bagay na lampas pa sa isinasaad sa batas.” Napalaking peligro nito, lalupa’t may awtoridad ang MIC na “patawarin” ang mga utang ng anumang negosyong kalahik sa MIC na nalugi o nagsara.

Isang araw matapos ilabas ang bagong IRR, hinirang ni Marcos bilang PCEO ng MIC si Rafael Consing Jr, na di pasado sa lumang IRR dahil wala itong sapat na kwalipikasyong akademiko. Dating nagsilbing mataas na upisyal si Cosing sa kumpanya ni Enrique Razon, at matapos nito, sa kumpanya ng pamilyang Aboitiz—mga burgesyang pinapaboran ng dating rehimeng Duterte, at ngayon ng rehimeng Marcos. Si Cosing ay pangatlong upisyal na ng pamilyang Aboitiz na itinalaga ni Marcos sa matataas na pwesto ng kanyang gubyerno.

Parehong aktibo ang mga kumpanya nina Razon at Aboitiz sa pagkopo ng mga proyektong imprastruktura na nakatakdang popondohan ng MIF. Noong nakaraang Marso, nagsumite ang Private Sector Advisory Council, na pinamunuan ni Sabin Aboitiz, dating boss ni Cosing, ng listahan ng mga proyektong imprastruktura na “inirekomenda” ng pribadong sektor sa pangulo.

Bago italaga sa MIC, nagsilbing executive director ng Office of the Presidential Adviser for Investment & Economic Affairs si Cosing.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!