Ang Bayan » Bantang demolisyon sa San Roque sa Quezon City, tinututulan


Tutol ang mga residente sa planong demolisyon at pagpapalayas sa mga residente ng Area H, Sityo San Roque sa Quezon City na sumasaklaw sa kahabaan ng Agham Road. Sa pangunguna ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay)-San Roque, sumulat ang mga residente sa Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP), National Housing Authority (NHA), lokal na gubyerno ng Quezon City at iba pang ahensya upang igiit ang kanilang karapatan sa paninirahan sa harap ng banta ng demolisyon ng Ayala-NHA.

Nalaman ng mga residente ang planong demolisyon nang makatanggap ng sulat noong nakaraang linggo para sa isang “pre-demolition conference” sa darating na Nobyembre 9 na ipinatawag ng PCUP. Inilahad ng PCUP sa sulat na pag-uusapan sa naturang kumperensya ang “kalagayan ng paninirahan sa lupang pag-aari ng NHA at prayoridad para sa isasagawang bagong proyektong pangkaunlaran.” Sa kabila ng presensya ng mga organisasyon ng maralita sa lugar, hindi sila inimbitahan sa kumperensya.

Samantala, inilatag ng Kadamay-San Roque sa sulat na ipinadala nito sa mga ahensya ng gubyerno ang kahingian ng mga maralita. Kinwestyon nila ang hindi pag-imbita sa kanilang samahan at sa iba pang lokal na samahan sa pagpupulong at ang pagratsada sa demolisyon.

Binatikos din ng Kadamay-San Roque ang NHA na umaaktong “private claimant” na nagpapalayas sa kanilang lupain, samantalang palpak naman sa pagpapatupad sa mandato na magbigay ng programang paninirahan para sa maralita.

“Ang kasalukuyang banta ng demolisyon at pagpapalayas ay panibagong pagtatangka ng NHA na tuparin ang kuntsabahan sa malaking korporasyong Ayala. Hatid ng joint venture agreement ng NHA-Ayala ang pekeng kaunlaran, ang kaunlarang para sa iilan,” giit ng grupo. Taong 2004, ibinenta ng NHA ang pampublikong lupa ng Sityo San Roque sa kumpanyang Ayala Land Corporation.

“Dekada na ang laban namin dito,” ayon kay Ka Inday Bagasbas, tagapagsalita ng Kadamay-San Roque. “Hindi naman kami papayag na basta-basta na lang kaming palalayasin at itatapon sa kung saanmang liblib na lugar nang walang matinong plano mula sa gubyerno. Kung kinakailangang magbarikada ulit kami, handa kami.”

Samantala, nagpadala rin ng sulat sa iba’t ibang ahensya ng gubyerno ang Inclusive Cities Advocacy Network (ICAN), na suportado ng 100 kinatawan ng mga organisasyong masa at akademiko, na kumukwestyon sa ligalidad ng demolisyon sa Area H.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!