Katambal ng walang awat na pangungutang ang papalaking pondong ipambabayad para rito. Noong Mayo, umabot na sa ₱14.10 trilyon ang utang ng Pilipinas dulot ng kaliwa’t kanang pangungutang ni Ferdinand Marcos Jr, at ng nauna sa kanyang rehimen ni Rodrigo Duterte. Pinakamalamang na lalampas ito sa inaasahang ₱14.63 trilyong utang para sa buong 2023. Lalampas dito ito sa target ng rehimeng Marcos Jr na 60% debt-to-GDP ratio para sa taon, o relatibong laki ng utang kumpara sa halaga ng buong ekonomya.
Kasabay nito, halos doble ang halaga na binayarang utang ng rehimeng Marcos. Mula Enero hanggang Mayo, nagbayad ang reaksyunaryong estado ng ₱819.526 bilyon, 98% mas mataas sa ₱414 bilyon na binayaran nito sa parehong panahon noong 2022. Lampas-lampas na ito sa sinabi ng Department of Finance na ₱611 bilyong awtomatikong alokasyon para sa bayad-utang sa pambansang badyet ng 2023.
Pinakamataas ang binayarang utang noong Pebrero sa ₱375.714 bilyon, kasunod noong Pebrero na ₱204.763 bilyon. Dahil dito, bahagyang bumaba ang gross international reserves (GIR) ng bansa tungong $98.2 bilyon noong Pebrero. Para sa buong taon, nasa ₱1.6 trilyon ang kailangang bayaran ng Pilipinas na utang. Ito na ang pinakamataas sa kasaysayan ng bansa.
Ang bayad-utang sa unang limang buwan pa lamang ay mas mataas nang 18% sa badyet ng Department of Education na ₱667.18 bilyon para sa buong taon. Mas mataas ito nang 37% sa pinagsamang badyet ng Department of Health na ₱320 bilyon at ng Department of Social Welfare and Development na ₱197 bilyon. Ang target na bayad-utang para sa buong taon (₱1.6 trilyon) ay 26% na mas mataas kumpara sa pinagsamang alokasyon sa nabanggit na mga kagawaran.
Gayundin, malayong mas mataas ang pambayad sa utang kumpara sa tatlong mayor na pautang ng World Bank sa Pilipinas na may pinasamang halagang ₱1.14 bilyon o ₱62.7 bilyon (sa palitang $1=₱55). Ang mga utang na ito ay dagdag sa babayaran ng mamamayang Pilipino sa susunod na 25 taon. Alinsunod sa kasalukuyang tantos ng interes sa pautang, di bababa sa 7% ang nakapatong na interes sa mga ito.
Awtomatiko ang paglalaan ng pondo para pambayad ng utang sa bisa ng Presidential Decree 1177 o Automatic Appropriations Law na ipinasa noong 1977 sa ilalim ng diktadurang Marcos. Hindi ito dumadaan sa deliberasyon sa Kongreso at Senado tulad ng lahat ng ibang pinaglalaanan sa pambansang badyet.