Pagpatak ng alas-6 ng umaga ngayong unang araw ng Agosto, tumaas ang presyo ng langis nang hanggang ₱3.50 kada litro. Kahapon, isang araw bago ang pagsirit na ito sa presyo ng langis, nagtipon ang mga manggagawa at mga tsuper sa harap ng Philcoa sa Quezon City para iprotesta ang isa na namang “bigtime” na pagtaas na ito.
“Big time wage hike, hindi big time na oil price hike!,” sigaw ng mga nagprotesta. Panawagan nilang ibasura ang deregulasyon ng industriya ng langis na nagpapahintulot sa kara-karaka at walang sagkang pagtaas ng mga kumpanya ng langis ng mga presyo.
Inianunsyo ng mga kumpanya ng langis ang pagtaas ng sumusunod na produktong petrolyo:
- Gasolina ₱2.10/litro
- Kerosene ₱3.25/litro
- Diesel ₱3.50/litro
Magkasabay na inianunsyo ang pagtaas ng Chevron Philippines Inc. (Caltex), Petron Corp., Pilipinas Shell Petroleum Corp., at Seaoil Philippines Corp. Sumunod na nag-anunsyo ang mga kumpanyang Cleanfuel, Petro Gazz, Phoenix Petroleum Philippines Inc., PTT Philippines Corp., at Unioil Petroleum Philippines Inc. ng parehong-parehong pagtaas.
Pang-apat na beses na ang pagtaas na ito sa nakaraang apat na linggo. Bago nito, itinaas ang presyo ng gasolina nang ₱1.35/litro noong Hulyo 25, ang presyo ng diesel nang ₱2.10/litro noong Hulyo 18 at ₱0.75/litro noong Hulyo 11.
Kasabay nito, balita na rin ang napipintong pagtaas ng presyo ng bigas nang hanggang ₱4 kada kilo dulot ng kakulangan ng suplay kapwa sa loob at labas ng bansa. Dagdag ito sa dati nang itinaas na ₱2/kilo simula noong Abril.
Nagaganap ang ganitong mga pagsirit ng presyo wala pang isang linggo matapos ipagmayabang ni Ferdinand Marcos Jr na “napababa” na niya ang presyo ng mga bilihin, sa kanyang state of the nation address (SONA) sa harap ng kongreso. Ang talumpati ni Marcos ay tinawag ng mga manggagawa na “State of No Action” para batikusin ang kawalan ng aksyon ni Marcos sa mga problema ng taumbayan.