Ang Bayan » CNL, Kaguma, nagpaabot ng suporta sa NDFP sa pagkatawan sa negosasyon sa GRP


Ipinaabot ng Christians for National Liberation (CNL) at Katipunan ng mga Gurong Makabayan (Kaguma) ang kanilang suporta sa Negotiating Panel ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa pagpirma nito sa Oslo Joint Statement katapat ang mga upisyal na sugo ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas noong Nobyembre 23 sa Oslo, Norway. Ang CNL at Kaguma ay parehong alyadong organisasyon ng NDFP.

Ang Oslo Joint Statement ay isang deklarasyon ng balak o paghahangad na muling buksan ang negosasyong pangkapayapaan at buuin ang balangkas kung papaano ito isasagawa. Maaalalang sinuspinde ni Duterte ang usapang pangkapayapaan noong 2017 nang ideklara niyang “terorista” ang CPP/NPA, kasunod ng pakikipag-usap niya noon kay US President Trump.

Ikinalugod ng lihim na rebolusyonaryong organisasyon ng mga Kristyano ang paunang hakbang na ito. Gayunman, anang CNL, sinusuportahan nila ito nang mayroong “mapagbantay na optimismo at rebolusonaryong sigasig.”

Bahagi umano ng “propetikong gampanin at serbisyo” ng simbahan ang pagtindig kasama ang mga mahihirap at inaaping mamamayan at handa itong “suportahan ang mga pagsisikap na makapaghahatid ng kinakailangang alibyo tulad ng panlipunan at ekonomikong reporma ay kabilang—ngunit tiyak na hindi limitado—sa usapang pangkapayapaan.”

Nalugod din ang mga progresibong samahan ng mga guro, edukador at manggagawa sa edukasyon na kasapi ng Kaguma. Hinikayat ng Kaguma ang mga kapwa guro, mga edukador, mga kabataan at progresibong manggagawa sa edukasyon na magkaisa at magpalawak ng hanay upang suportahan ang pagbabalik ng usapang pangkapayapaan. Dapat umanong magdaos ng mga porum, symposium, panayam sa mga paaralan upang maipaliwanag sa mas malawak na hanay ng mamamayan ang usapang kapayapaan.

Parehong ipinahayag ng mga ito na kinakailangang ipamalas ng GRP ang sinseridad nito para makasulong ang negosasyon. Anila, mangyayari lamang ito kung ibabasura ang mga dekreto ng dating rehimeng US-Duterte: Memorandum Order 32, Proclamations 360 at 374, pati na ang Executive Order 70, na pawang mga balakid sa kapayapaan.

Dapat din umanong mabuwag ang NTF-Elcac na nagsisilbing mabangis na halimaw na sumasagpang sa maraming aktibista at anay na umuuk-ok sa mga demokratikong institusyon ng bansa. Dagdag nila, mahalaga ring maipawalang bisa ang pagtuturing sa CPP-NPA-NDF bilang mga “teroristang” organisasyon.

Mahalaga ring hakbang, ayon sa CNL at Kaguma, ang pagpapalaya sa aabot sa 800 bilanggong pulitikal lalo na ang mga matatanda, mga kababaihan at may mga sakit. Kabilang din sa giit nilang palayain ang 17 konsultant ng negotiating panel ng NDFP.

Ang Oslo Joint Statement ay isang pangkalahatang deklarasyon kung saan pinagsanib ang mga hangarin ng magkabilang panig: ang paglutas sa “malalalim na nakaugat na sosyo-ekonomiko at pulitikal na mga usapin” at “paglutas sa mga ugat ng armadong tunggalian,” sa panig ng NDFP; at sa kabilang panig, ang “pagtatapos ng armadong pakikibaka” at “transpormasyon ng CPP-NPA-NDFP,” na nilalayon ng GRP.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!