Ang Bayan » Daan-daan, nagprotesta sa embahada ng Israel sa Metro Manila


Higit 600 ang nagprotesta sa embahada ng Israel sa Bonifacio Global City, Taguig City kahapon, Oktubre 31, para batikusin ang okupasyon, walang-tigil na pambobomba, at henosidyo ng Zionistang gubyerno ng Israel sa Gaza. Pinangunahan ang protesta ng International League of Peoples’ Struggles (ILPS) at Bagong Alyansang Makabayan (Bayan).

Sa kabila ng panggigipit at panghaharang ng mga pulis, nakapagmartsa papalapit sa embahada ang mga nagprotesta. Kinundena nila ang pagpatay ng Israel sa aabot na sa 9,000 Palestino, kabilang ang halos 4,000 bata at higit 2,000 babae, sa Gaza mula Oktubre 7.

Anang mga grupo, ang nagpapatuloy na henosidyo ng Israel na suportado ng US ay lantarang paglabag sa internasyunal na makataong batas. Kinundena rin nila ang rehimeng Marcos na tumangging bumoto pabor sa isang resolusyon para sa isang “humanitarian pause” sa United Nations. Anila, duguan ang kamay ng rehimeng Marcos dahil sa pagsuporta nito sa henosidyo laban sa mamamayang Palestino.

Kabilang umano ang gubyerno ng Pilipinas sa pumupondo sa henosidyo dahil sa pagbili nito ng mga armas pandigma mula sa mga kumpanya ng Israel sa nagdaang mga taon. Sa katunayan, ayon sa ILPS, kumita ng $300 milyon ang Israel mula sa Pilipinas noong 2022 sa mga ibinenta nitong armas, at elektroniks. “Sa ilalim ni Marcos, mayroong lampas $500 milyong bilateral trade ang Israel at Pilipinas,” pahayag pa ni ILPS General Secretary Liza Maza.

Sa harap ng pagpapakatuta ng gubyerno ng US, hindi naman umano maitatatwa na “maraming Pilipino ang kaisa sa mga Palestino, kontra sa henosidyo at kontra sa ginagawa ng gubyerno ng Pilipinas na pagpapakatuta sa United States,” ayon sa Bayan.

Giit ni Maza, “ang pakikibaka ng mamamayang Palestino ay ilaw, liwanag, ng pakikibaka ng mamamayan sa buong mundo, laban sa imperyalismo, para sa demokrasya, para sa kasarinlan.” Ang pakikibakang ito rin umano ang nagpapakita ng pinakasagradong paraan ng pakikibaka ng mamamayang inaapi…ito ay ang pakikibaka sa lahat ng anyo mula sa kalsada hanggang sa kabundukan.

Lumahok rin sa protesta ang ilang mga Palestino na nasa bansa, mga grupong Muslim at iba pang organisasyon. Ayon sa isang ulat, lumahok ang 20-anyos na Pilipino-Palestinong si Mohamed Amir sa naturang protesta. Maluha-luha siyang nakiisa sa panawagang “Free Palestine!” (o Palayain ang Palestine!) habang inaalala ang kanyang mga kaanak na nakatira sa Gaza at ngayo’y patuloy na humaharap sa mga pag-atake ng Israel.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!