Nagsara ang mahigit 250 pabrika ng damit sa distrito ng Gazipur sa Bangladesh mula nagdaang linggo sa harap ng pagprotesta ng libu-libong manggagawa rito. Pumutok ang galit ng mga manggagawa matapos ang alok ng Bangladesh Garment Manufacturers and Exporters Association (BGMEA), samahan ng mga may-ari ng pabrika, na kakarampot na 25% pagtaas sa buwanang minimum na sahod o 10,400 taka ($90) mula sa kasalukuyang 8,300 taka ($75 o ₱4,125). Malayong-malayo ito sa iginigiit nilang pagtaas tungong 23,000 taka ($209) na anila’y “pinakamababang minimum” para mabuhay nila ang kanilang mga pamilya. Huling nagkaroon ng negosasyon para itaas ang kanilang sahod noong 2017.
Maraming pabrika ang sinugod ng mga manggagawa para ipasara, at ilan dito ay sinunog nila. Naglagay din sila ng mga barikada sa mga kalsada para pigilan ang paglabas ng mga produkto sa mga pabrika.
Bilang tugon, marahas na binuwag ng mga pulis ang mga protesta sa pamamagitan ng tear gas, mga sound grenade at shotgun pellets. Dalawang manggagawa ang napatay sa mga pagbuwag na ito.
Ayon sa mga manggagawa, hinding-hindi na nakaaagapay ang dati nang napakababa nilang sahod sa harap ng nagtataasang presyo ng batayang mga bilihin at serbisyo. Ang kasalukuyang $75 na buwanang minimum ay mas mababa na sa hangganan ng kahirapan kahit noong 2018 nang una itong ipatupad.
Iginiiit din ng mga manggagawa na kilalanin ng BGMEA at ng estado ng Bangladesh ang kanilang karapatan sa malayang asosasyon at pag-uunyon. Dala nila ang panawagan ng hustisya para kay Shahidul Islam, isang lider-manggagawa na pinaslang noong Hunyo sa gitna ng negosasyon para sa dagdag na sahod.
Pangalawang pinakamalaki ang Bangladesh sa buong mundo na tagasuplay ng ready-made garments o mga kasuutan, kasunod sa China. Ito ang pinakamalaking eksport ng bansa, na kumikita ng $55 bilyon taun-taon. Halos lahat ng malalaking tatak na Amerikano at European ay kumukuha o nagpapagawa ng kanilang mga produkto sa 3,500 pabrika sa bansa. Marami sa mga pabrikang ito ay mga lumang gusali kung saan nagsisiksikan ang libu-libong manggagawa na karamihan ay kababaihan. Nasa 3 milyon ang iniempleyo sa sektor na ito.
Ang mga tagasuporta ng mga manggagawa sa Bangladesh sa iba’t ibang bansa ay nanawagan para suportahan ang pakikibaka para sa umento sa sahod. Kabilang dito ang grupong Clean Clothes Campaign na nagpadala ng mga sulat at petisyon sa mga upisina ng Adidas, Levi Strauss, Asos, H&M, M&S, Primark, Zalando, Uniqlo, New Look, Next, Bestseller, Esprit, at Aldi.