Tinatayang umabot sa 200,000 ang nagrali kahapon sa iba’t ibang bahagi ng London, United Kingdom, para ipanawagan ang kagyat ng pagdedeklara ng tigil-putukan sa Gaza at pagpasok ng kinakailangang ayuda, sa gitna ng walang awat na pambobomba dito ng Israel. Bahagi ang pagkilos na ito sa tuluy-tuloy at walang awat na mga protesta na inilulunsad ng iba’t ibang mamamayan sa buong mundo bilang pakikiisa sa Palestine at laban sa henosidyo ng Israel.
Ang pagkilos ay pinangunahan ng Solidarity Campaign, Friends of Al-Aqsa, Stop the War Coalition, Muslim Association of Britain, Palestinian Forum in Britain, at Campaign for Nuclear Disarmament. Kabilang sa mga nagmartsa ang mga Palestinian na nakabase sa UK, na nangangarap makauwi sa malaya nilang lupang tinubuan. Tinatayang nasa 60% ng kabuuang populasyong Palestinian ay naninirahan sa iba’t ibang bahagi ng mundo bilang mga migrante at refugee.
Dagdag sa tigil-putukan, pangunahing panawagan ng mga raliyista ang kagyat na pagpapapasok sa makataong ayuda tulad ng pagkain at gamot sa milyun-milyong Palestinong nagdurusa sa Gaza. Sa ngayon, mahigpit ang pagkasakal ng Israel sa buong Gaza at hinaharang nito ang pagpasok ng ayuda sa lugar.
Naganap ang rali matapos hinarang ng US noong Oktubre 18 ang resoluyon sa United Nations Security Council na nananawagan para sa isang “humanitarian pause” o panandaliang pagtigil ng armadong pang-aatake para bigyan-daan ang paglikas ng mga sibilyan at pagpasok ng kinakailangang ayuda.
Sa araw ding iyon, Oktubre 21, libu-libo ang nagmartsa sa Los Angeles at iba pang bahagi ng US para manawagan ng tigil-putukan, at pagtigil ng ayudang militar ng US sa Israel. Lumalakas ang panawagan ng mamamayang Amerikano sa gubyerno nito at sa presidente ng bansa na si Joseph Biden na itigil nito ang lahat ng ayudang militar sa Israel.
Nagkaroon din ng mga pagkilos The Netherlands, Canada, Ireland at maraming iba pang bansa. Sa Pilipinas, isinagawa ng mga estudyante ang Youth Solidarity March for Palestine sa loob ng University of the Philippines-Diliman.
Samantala, tinugunan ng malalaking unyon sa India, Canada at Brazil ang panawagan ng mga unyong Palestino sa kapwa nila manggagawa sa mundo na makiisa sa kanilang pakikibaka at pigilan ang anumang pagmanupaktura at pagbenta ng armas sa Israel.
Sinuportahan ito ng CUT, pinakamalaking pederasyon ng mga unyon sa Brazil na na kumakatawan sa 7.4 milyon manggagawa. Sa Canada, nagpasa ng resolusyon ang Labour Against the Arms Trade para ipanawagan sa kanilang gubyerno ang pagpataw ng arms embargo sa Israel. Hinimok naman ang All India Central Council of Trade Unions (@AICCTUhq), ang lahat ng mga kasapi nito na magkaisa at iboykot ang pagmamanupaktura o pagpapadala (loading) ng armas at gamit militar na papuntang Israel. Kinakatawan ng AICCTU ang 600,000 manggagawa sa India.
Sa pinakahuling ulat ng Health Ministry ng Gaza, umaabot na sa 4,137 ang napatay ng mga bomba ng Israel, kabilang ang 1,756 bata. Isa sa pinakahuling tinarget nito ang simbahang Orthodox sa Gaza City, na tinatayang mahigit 1,600 taon nang nakatayo. Di bababa sa 18 ang napatay nang bombahin ang simbahang ito.