Walong panukala ang itinutulak ng mga upisyal sa ekonomya ng rehimeng Marcos para makalikom ang reaksyunaryong estado ng dagdag na kita sa susunod na limang taon. Anim dito ay dagdag na buwis, kung saan apat ay direktang tatama sa mamamayan. Dalawa ang ipapataw sa pagkain at inumin—sa matamis na inumin at junk food (tsitsirya), at sa mga pre-mixed na alak.
Dalawang panukalang dagdag buwis ay ipapataw sa mga serbisyo—motor-vehicle road user’s tax at value-added tax o VAT sa mga serbisyong digital. Ang dalawa pa, excise tax sa single-use plastics (isahang gamit na plastik) at carbon, ay babayaran din ng mga konsyumer sa anyo ng ipapasang dagdag singil ng mga kumpanyang gumagawa ng plastik at singil sa kuryente. Ang mga panukalang ito ay dati nang itinulak sa ilalim ng rehimeng Duterte ng noo’y pinuno ng Bangko Sentral ng Pilipinas at kasalukuyang kalihim ng Department of Finance na si Benjamin Diokno.
Kung maipapasa, apat sa mga panukala ay magkakabisa sa 2024. Lilikom diumano ito ng ₱3.7 trilyon sa 2023 at ₱6.6 trilyon sa 2028, tataas sa abereyds na ₱512.7 bilyon kada taon. Lahat ito ay kukunin sa bulsa ng mamamayan, partikular sa mga pamilyang mahihirap at middle class na siyang pinakamalaking seksyon ng populasyon na kumukonsumo sa bubuwisang pagkain at tumatangkilik sa bubuwisang mga serbisyo. Ang buwis lamang sa inasukalang mga inumin ay nakatakdang lilikom ng halos ₱300 bilyon sa susunod na limang taon.
Samantala, patuloy pa ring itinutulak ni Diokno, katuwang ang NEDA, ang pagbabawas ng hanggang 10% sa ipinapataw na taripa sa sensitibong mga produktong pagkain tulad ng bigas, mais at karne. Ipagkakait ng panukalang ito ang kinakailangang kita ng estado. Minaliit ni Diokno ang nalilikom ng estado mula rito at sinabing “nakulekta” na ng estado ang ₱17 bilyon mula sa mga taripa.
Higit dito, isasadlak nito sa pagkalugi ang mga lokal na magsasaka at prodyuser. Sa taya ng isang grupong pang-agrikultura, malulugi ng ₱33.5 bilyon ang mga magsasaka sa palayan kung ibababa ang taripa sa bigas. Ang mga magbabababoy ay malulugi nang ₱16-₱18 bilyon at ang mga manukan nang ₱6-₱8 bilyon kada taon.