Dalawang iskwad ng mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang nagtapos sa inilunsad na magkasunod na bats ng mga pagsasanay militar noong Nobyembre sa mga larangang gerilya sa Southern Tagalog. Inilugar ang pagsasanay sa gitna ng focused military operations ng pwersang militar at pulis sa mga larangan sa rehiyon.
Ayon kay Ka Guillen, upisyal pampulitika ng isa sa mga yunit, “Tagumpay ang ating pagsasanay sa kabila ng matinding operasyon ng kaaway. Itinaas natin ang kapasidad at kapasyahan ng mga Pulang mandirigma para labanan at bigwasan ang palalong kaaway.”
Saklaw ng pagsasanay ang pag-aaral sa batayang mga taktika at teknika sa indibidwal na paglaban (ICT), pamilyarisasyon sa hawak na mga sandata hanggang aktwal na pagpapaputok ng mga baril. Nagsanay ang mga segundaryo at pangunahing upisyal sa pagkukumand.
Sa pangunguna ng mga upisyal, tiniyak ang organisadong pagkilos sa pamamagitan ng mga maniobra kapwa sa opensiba at depensibang labanan. Nakamit din ang pagpapataas ng antas ng lakas at resistensya ng bawat mandirigma sa pamamagitan ng arawang ehersisyo.
Tumagal ng 7-10 araw ang mga pagsasanay. Nilahukan ito ng mga pangunahin at segundaryong upisyal ng BHB, mga mandirigma, pati ng mga pwersa ng milisyang bayan (MB).
Ayon kay Ka Noe, kabataang MB na sumanib sa BHB, “Ikinatuwa kong nakalahok ako sa treyning para masanay at maihanda ang aking katawan at isip sa digma. Pursigido rin akong isulong ang armadong pakikibaka sa ating bayan.”
Ang pagsasanay ay higit na nagpatibay sa tulungan at samahan (camaraderie) ng bawat kasapi ng yunit ng BHB. Pagtatapos ni Ka Guillen, “Nakatitiyak tayong higit na mapapagtibay ang ating pagkakaisa habang koordinado tayong humahakbang pasulong sa ating pakikibaka.”